Kabanata 25

203 36 11
                                    

Kinabukasan, maagang bumangon si Alena kahit pa hindi naman ito nakatulog buong gabi kakaisip ng mga bagay na gumugulo sa kanya. Hindi maalis-alis sa kanyang isipan ang maikling pag-uusap nila ni Vice at sa pangambang nakita nito ang hindi inaasahang pangyayari sa pagitan nila ni Dominic.

Paglabas niya ng kanyang silid ay naabutan niyang nagluluto ng almusal si Manang Tasing sa kusina. "O Alena, hija! Bakit ang aga mo rin yatang nagising?" nakangiting bungad ng matanda habang kumekembot-kembot hawak ang sandok at takip ng kaldero. Napangiti naman ang sang'gre dahil sa pagkaligalig ni Manang Tasing.

"Bakit ho? Gising na rin po ba yung mga kasama ko?" magalang na tanong ni Alena kahit pa ang tanging nais na malaman niya ay kung gising na ba si Vice, na gusto niya rin sanang makausap.

"Sa pagkakaalam ko, si Tisay este si Anne ay parang tulog pa yata hanggang ngayon," natatawang giit ni Manang Tasing. Nakasanayan na niya kasing Tisay ang itawag kay Anne dahil sa maputi at mala-dayuhang itsura nito, "Pero si Vhong at si Vice naman ay nauna lang ng kaunti sayo."

Agad namang pinasada ni Alena ang kanyang mga mata sa likuran ng kusina ngunit tanaw niyang wala ring tao roon, "Uhm. Nasan po sila?"

"Si Vhong, ayon, sumama na muna kina Juggy at Teddy sa palengke. May iba kasing lakad si Mang Bobet at hindi marunong magmaneho yung dalawang yon kaya nagvolunteer si Vhong na siya nalang yung magdadrive para sa kanila," paliwanag ni Manang Tasing habang hinihiwa ang mga kamatis at sibuyas na ihahalo niya sa itlog.

"Eh si Vice ho?" kunwari hindi interesadong tanong ni Alena dahil baka mabuking ng matanda na si Vice talaga ang tunay niyang hinahanap.

"Naku! Si Vice naman ang nagboluntaryong sumama kay Mang Bobet. Sinundo kasi nila yung kababata ni Dominic. Palagi yong dumadalaw dito sa hacienda sa tuwing nagbabakasyon sa Pilipinas."

Sandali namang natahimik si Alena. Napabuntong hininga rin siya dahil tila malabong makausap niya si Vice ngayong umaga. Akmang babalik na lamang muna siya sa kanyang silid nang mapatili si Manang Tasing at biglang kinilig sa kanyang napagtanto.

"Teka, hija! Alam ko na kung bakit maaga kang nagising ngayon! Naku! Naku! Ikaw talagang bata ka!" nakangising giit nito na ipinagtaka naman ni Alena.

Bahagya ring napataas ang kilay ng sang'gre nang tawagin siya nitong bata. Lingid kasi sa kaalaman ni Manang Tasing ay higit na mas matanda pa sa kanya si Alena. Mukha lang itong bata dahil sa taglay niyang kapangyarihan bilang isang sang'gre.

"Naku! Tapatin mo nga ako, hija. Siguro excited na excited ka sa lakad niyo ng pogi kong alaga, no?"

Hindi naman agad nakapagsalita si Alena. Bahagya rin siyang nagulat dahil tila nakalimutan na niyang may lakad pala sila ni Dominic ngayong araw.

Akmang sasagutin na niya ang tanong ni Manang Tasing nang bumaba naman mula sa hagdan si Dominic. "Teka nga ho, ako bang pinag-uusapan niyo?" biro nito at nilapitan si Manang Tasing.

Ginawaran niya ito ng mabilis na halik sa pisngi bilang pagbati ng magandang umaga. Nakagawian na niya itong gawin lalo na't tinuturing niya rin si Manang Tasing bilang pangalawang ina. "Hays, si Manang talaga! Kay aga-aga, ang pagiging pogi ko yung pinag-uusapan niyo," hirit pa nito dahilan para matawa silang dalawa ng matanda.

Napangiti lang naman ng kaunti si Alena upang itago ang kanyang pagkailang. Parang bumalik kasi sa kanya ang hindi inaasahang halik sa pisngi ni Dominic kagabi.

"Good morning, Alena," nakangiting bati ng binata at akmang hahalik muli sa pisngi ng sang'gre nang pasimple itong umiwas.

"M-Magandang umaga rin sayo," hindi siguradong tugon ni Alena at naramdaman niyang bahagyang nadismaya si Dominic sa ginawa niyang paglayo.

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now