Kabanata 5

452 47 8
                                    

Halos hindi nagsasalita si Vice dahil sa bumabagabag sa kanyang isipan. Kasalukuyan siyang nakaupo sa tapat ng mesa at naghahapunan, kasama ang kanyang lolo Gonzalo at si Alena.

"O, hija? Bat hindi ka pa nagsisimula? Hindi mo ba gusto ang inihandang pagkain?" tanong ni Don Gonzalo nang mapansing nakaupo lang don si Alena. Naalarma naman si Vice dahil hindi naman talaga kumakain ang kanyang kaharap, sapagkat hindi naman ito kailanman nakakaramdam ng gutom. Nagulat naman ang dalaga nang lagyan ng matanda ang kanyang plato ng kanin at ulam.

"Kumain ka ng mabuti, hija. Hindi pwedeng sakitin ang mapapangasawa ng aking apo," ngisi pa ni Don Gonzalo dahilan para mabilaukan si Vice at mapainom ng tubig. Nanatili lang namang nakatingin si Alena sa pagkaing inihain sa kanya ng matanda.

"Si lolo naman! Kasal, agad? At isa pa po, medyo pihikan po kasi siya sa pagkain kaya ako na po ang bahala sa kanya mamaya," pagpapaliwanag ni Vice habang paubo-ubo dahil hindi agad natanggal ang kanyang pagkasamid.

"Ano ba ang iyong gusto, hija? Para maipagluto ka nila Blossom, Buttercup at Bubbles," nakangiting giit ng Don. Akmang tatawagin niya ang tatlong katuwang sa bahay nang bigla namang magsalita ang dalaga.

"Hindi na...po kailangan. Kakainin ko...po ito," giit ni Alena dahilan upang matulala si Vice sa kanyang narinig. Hindi siya makapaniwalang nagbigay galang ang dalaga sa kanyang lolo. Katwiran kasi ng dalaga na mas higit na nakakatanda siya kesa sa huli.

Mas napanganga pa si Vice nang kainin na nga ni Alena ang pagkaing nakalagay sa kanyang plato. Dinagdagan pa ulit ni Don Gonzalo ang ulam at kanin ng dalaga na halatang nasasarapan sa pagkain.

Dahil napansing good vibes ang kanyang lolo ay naisipan ni Vice na ngayon na sabihin ang plano nilang pag-alis tungo sa Batanes, para ipagpatuloy raw ang paghahanap sa nawawalang pinsan ni Alena.

Nagulat naman si Vice dahil walang naging problema sa paghingi niya ng pahintulot sa kanyang strikto at mahigpit na lolo. May mga iilang naging katanungan lang ito pero pumayag din naman agad.

Napaisip si Vice na tila may kung anong mahikang taglay si Alena kaya magaan ang loob ng lolo niya sa kanya. O sadyang sobrang saya lang talaga ng matanda dahil sa wakas ay nagkaroon na ng kasintahang babae ang kanyang nag-iisang apo.












Ala una na ng madaling araw at hindi mapakali si Alena sa kanyang malaking higaan. Hindi naman kasi niya kailangang matulog dahil ang mga nilalang na tulad niya, maliban sa hindi nakakaramdam ng gutom, ay hindi rin nadadatnan ng antok.

Nakatulala siya sa kisame habang iniisip ang mga ginagawa niya sa mga oras na ito kung nandoon pa rin siya sa ilalim ng dagat. Malamang ay nilalangoy na niya ngayon ang malapad na karagatan upang tumungo sa mga iba't ibang anyong tubig na kanyang nasasakupan. O baka nakaupo na siya sa taas ng malaking bato habang tinatanaw ang nakakahumaling na liwanag ng buwan.

Ilang sandali pa ay bumangon siya sa pagkahiga at tumungo sa maliit na balkonahe ng kwarto. Napatingala siya sa buwan, at hindi naman siya nadismaya sa ganda nito.

"Hindi ka rin ba makatulog?" Gulat na napalingon si Alena sa kabilang balkonahe, kung saan naroon si Vice. Nakabalot ng kumot ang katawan nito habang nakaupo sa isang silya. Halatang kanina pa siya roon at bakas din sa kanyang itsura na hindi siya makatulog.

"Ang mga katulad ko ay hindi kinakailangan ng tulog. Ang makaramdam ng pagka-antok ay isang kahinaan para lamang sa mga tao," walang emosyong saad ni Alena at pinagmasdan ulit ang buwan.

Nagulat rin naman si Vice sa kaniyang nalaman. Mas lalo tuloy siyang naintriga sa kung ano pa ang ibang kakayahan ng mga katulad ni Alena, pero naisip niyang kay Anne nalang ito dapat itanong, dahil marami rin namang alam ang kaibigan tungkol sa mga sang'gre.

"Ang ganda talaga ng buwan, no?" giit niya upang makuha ulit ang atensiyon ni Alena, ngunit nanatili lang namang tahimik ang huli.

"Alam mo minsan naiisip ko na para akong kinakausap ng buwan sa tuwing tinitignan ko siya. Weird, diba?" pagsasalita niya ulit mula sa kabilang balkonahe. Tama lang naman ang layo nito upang sila ay magkarinigan.

"Hindi ba siya napapagod? Na sa tuwing lumalalim ang gabi, siya nalang tong nag-iisang gising. Na halos lahat ng nasa palagid ay buhay na buhay tuwing umaga, habang siya nag-iisa nalang pagsapit ng dilim?" tanong muli ni Vice pero hindi talaga siya tinitignan ni Alena kaya pinagmasdan na lang rin niya ang buwan at nagpatuloy sa pagsasalita.

"Ang hirap sigurong maging siya, no? Yung siya tong nagbibigay liwanag sa lahat pero nakakalungot dahil ang totoo, siya pala tong pinag-iiwanan." Nanatili namang nakatingin si Vice sa buwan habang malalim ang iniisip.

Nangibabaw ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Akmang magpapaalam si Vice upang matulog nang magsalita na si Alena. Ang mga mata nito ay diretso lang na nakatingin sa buwan.

"Kaya siya nag-iisa dahil iyon ang nakatakda sa kanyang kapalaran," saad ni Alena habang bakas ang kalungkutan sa kanyang boses.

"Si Libulan na diyos ng buwan ay isang diyos na walang kinikilalang kasarian. Noong sumalakay ang Bakunawa sa kalangitan, siya lamang sa pitong buwan ang nakaligtas dahil na sa tulong ng diyos ng kamatayan na nagngangalang Sidapa," kwento ni Alena na tila ba naroroon siya nang mangyari ito.

"Ay alam ko yan. Diba, na-inlove sila sa isa't-isa kahit pareho silang boylet?" tanong ni Vice na parang bata na sabik sa bedtime story.

Napatango lang naman si Alena habang nakatanaw pa rin sa buwan bago siya magsalitang muli.

"Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, hindi lang si Sidapa ang minahal ng diyos ng buwan. Bago pa man siya napunta kay Sidapa ay nailigtas na siya ng isang mahiwagang nilalang, nang mahulog siya sa ilalim ng karagatan," pagsisiwalat ni Alena.

"Anong klaseng nilalang?"

"Isang sirena. Una siyang umibig sa sirenang iyon, at gayundin naman ang sirena sa kanya. Katulad naming mga tagapangalaga ng kalikasan, ang mga sirena ay isang beses lang rin kung umibig at iyon ay panghabang buhay."

Natigilan naman si Vice sa kanyang narinig, totoo nga ang sabi ni Anne na minsan lang ngunit panghabang buhay kung umibig ang mga dyosang katulad ni Alena.

"Subalit nangibabaw ang kagustuhan ni Libulan kay Sidapa. Mas pinili niya ito kesa sa una niyang pag-ibig. Lubos na ikinalungkot ng sirena ang naging desisyon ni Libulan dahil hindi niya batid kung ano ang naging dahilan ng paglisan ng kanyang minamahal. At sa araw ng pagtataling puso ng diyos ng buwan, at ng diyos ng kamatayan, kinitil ng mahiwagang sirena ang kanyang sariling buhay."

Pilit na pinipigilan ni Alena ang kanyang emosyon habang sinasalaysay ang kwentong tila nakalimutan na ng marami sa paglipas ng panahon. Maging si Vice ay bahagyang nakaramdam ng lungkot dahil may iba pa palang istorya sa likod ng kwentong alam niya.

"Mas pinili ng sirenang iyon ang mamatay na lang kesa mabuhay ng matagal na hindi kasama ang nag-iisang lalaking may hawak ng kanyang puso. Kaya nang malaman ni Libulan ang nangyari sa nilalang na una niyang inibig, bigla niyang pinagsisihan ang kanyang naging desisyon, kung kaya't isinumpa niya ang kanyang sarili. Dahil raw sa kanyang pagkakamali, itinakda siyang mabuhay ng mag-isa habang pinapaligiran ng mga bituing patay na."

Sa pagkakataong iyon ay tahimik lang na pinagmasdan ni Vice si Alena. Kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin sa gabi ay tila nakaramdam siya ng kakaibang pintig sa kanyang puso.

Habang nakatingin ang dalaga sa buwan ay biglang nagkaroon ng interes si Vice sa kung ano pa ang meron sa buhay ng isang makapangyarihan at kakaibang nilalang na katulad ni Alena.

















Author's Note:
Ang kuwento ng pag-ibig ng isang mahiwagang sirena at ng diyos ng Buwan na si Libulan ay kathang-isip lamang ng may-akda (though may mga sirena talagang na involve sa kwento nila Sidapa, na diyos ng kamatayan).

Please don't forget to vote, and comment or tweet your insights about this chapter. Avisala Eshma. 🙏🏻










itutuloy?

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now