Dark Sense

246 22 18
                                    

Kulay itim na ang langit. Tila isang patay na unti-unting kinakain ng lupa pailalim. Wala kang makakikita rito maliban sa mga panaka-nakang pagkislap ng mga bituin na animo'y mga alitaptap sa dilim.

Nasaan na nga ba ako?

Palagi na lang akong bumabalik sa umpisa sa tuwing may isang bagay akong matutuklasan sa aking pag-iimbestiga. Para bang may pumipigil sa akin na magpatuloy. Sabagay, matagal na akong dapat huminto dahil wala na ako sa dati kong propesyon. Isa na lang akong anay na kumakapit kahit pilit na inaalis, pinapatay sa sarili kong nakagisnang tirhan.

Marami nang tulog sa mga oras na ito. Sarado na ang mga bintana ng mga bahay gayundin ang mga pinto at gate na may naglalakihang kandado. Alas nwebe palang ng gabi pero parang kumagat na ang ngipin ng lagim.

Sino ba naman ang hindi matatakot sa panahong ito na kahit ang curfew ay hindi mapigilan ang lumalaganap na krimen.

Habang nilalakad ko ang masikip na eskinita dito sa isang barangay sa Navotas, hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Halong takot at kaba ang nagtatalo sa aking dibdib na dito ay nagpapasikip.

Gayunpaman, pinagpatuloy ko lang ang aking paglalakad sa mabaho at magulong daan na ang aking tinatahak. Noon pa man ay sanay na ako sa ganitong eksena lalo pa't palagi akong na-a-assign sa police beat. Alam ko na ang mga dapat kong gawin at puntahan upang kausapin. Lakas ng loob na lang talaga ang kailangan ko sa bawat oras.

Ito ang baon-baon ko sa tuwing may pupuntahan akong crime scene o anumang krimen kapag ako ay magsusulat at maglalabas ng balita sa radyo. Sa panahon ngayon na nangingibabaw na ang teknolohiya at ang mga digital platforms, iilan na lang ang kumakapit sa tradisyunal na pakikinig ng balita, sa radyo na hindi mamatay-matay.

Tulad ng mga paksa ko sa bawat artikulo at pagbabalitang ginagawa ko tungkol sa mga patayan, para na rin akong pinapatay araw-araw dahil sa trabaho kong ito. Mabuti na lang at natanggal na ako dahil hawak ko ang aking oras at panahon. Walang kokontrol sa kung anuman ang ilalabas kong sulatin, kung ito may paniniwalaan o ibabasura tulad ng dati.

Ilang daang metro na lang ang aking layo sa isang barong-barong na bahay sa tabi mismo ng ilog ay natanaw ko na ang mala-christmas lights na ilaw ng police mobile. Walang pinagbago, parating huli sa mga kaganapan.

Dala ang aking sling bag at sa loob nito ay ang iniingatan kong cellphone, tablet at isang notebook, binilisan ko ang aking lakad upang mapuntahan ang pinangyarihan ng isang malagim na krimen.

Habang ako ay papalapit, sumalubong naman sa akin ang mga nagtatahulang aso. Higit sila sa lima at tila naglalaway sa aking laman.

Hindi pa ako nakakagat ng aso kaya't sa mga tahol pa lang nila ay takot na ako. Sinunod ko na lang ang bilin sa akin ng lola ko na sa ganitong sitwasyon, maging mahinahon at kagatin lang ang dila. Hindi ko rin alam kung ano ang epekto nito pero ginagawa ko na lang.

Marahan ang aking paghakbang. Kalkulado ang bawat kilos at galaw. Wala akong pera ngayon para magpaturok ng anti-rabies.

Ilang lakad pa nang may maramdaman akong kakaiba sa aking likuran. Alam kong malamig ngayon dahil magpapasko na ngunit mas lumamig ang aking pakiramdam dahil sa kung anong bagay.

Noong una ay hindi ko ito pinansin hanggang sa lalong lumakas ang kahulan ng mga aso na tila ba gusto akong lamunin.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon, napalingon ako sa aking likuran at may nakita akong itim na anino na bigla na lang lumiko sa isa pang masikip at madilim na eskinita. Dahil malabo rin ang aking mga mata, hindi ko iyon masyadong nakita.

Nang pagkaharap ko ay laking gulat ko nang nasa harap ko na ang isang matangkad na lalaki. Hanggang dibdib niya lang ako.

Napatigil ako at habol-hiningang nagsalita, "Nanggugulat ka na naman, Tol. Hindi ka ba titigil sa kakaganyan mo sa'kin?"

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now