Chapter 13

16 5 0
                                    

Tulala kong pinagmamasdan ang umiikot na electric fan sa aking harapan habang subo-subo sa aking bibig ang wala ng laman na kutsara. Nakakadala ang mga blade nito na para bang isang turumpo na magandang pagmasdan. Paikot-ikot lang ito at walang eksaktong pinagmulan at patutunguhan. 

Parang ako lang. Hindi ko alam kung saan nga ba ako pupunta at ano ba talaga ang aking pinanghuhugutan sa ginagawa kong pag-iimbestiga. 

Naagaw na lamang ang aking atensyon nang sumigaw si lola na kumakain din ng ice cream. "Ano ba 'yan, Gregoria? Tulala ka na naman diyan sa bentilador. Ano ba kasing nangyayari sa'yong bata ka at palagi ka na lamang lutang? Umiibig ka na ba ha? Ako nga eh... tapatin mo!" sigaw ng matanda sa akin.

Tinignan ko si lola ng matalim at ngumuso, "Never in my life lola na magmamahal ako. Doon na po ako sa kwarto." 

Dire-diretso akong tumayo na hindi nililingon ang matanda na iniwan ko sa sala. Narinig ko pa itong sumigaw ngunit hindi ko na lang pinansin dahil wala naman talaga ako sa mood ngayong araw.

"Hoy, Gregoria! Talagang tatalikuran mo ako ha! Maldita ka na... punyetang 'to," wika ni lola na pumadyak pa sa sahig.

Hindi ko maiwasang hindi matawa dahil ang sarap asarin ni lola. Silang dalawa ni lolo ang nagiging pahinga at kapayapaan ko sa tuwing uuwi akong pagod at dismayado sa aking mga nagawa, trabaho man o sa aking buhay.

Uminom muna ako ng tubig bago pumasok ng kwarto. Sa loob ng silid ay ibinagsak ko ang aking katawan sabay buntong-hininga nang makahiga na ako. Hindi naman pagod ang katawan ko ngunit ito ang idinidikta ng aking utak. 

Magmula noong malaman ko ang kaso ng tatlong lalaking pinatay sa Caloocan ay mas lalo lang lumala ang mga gabing hindi ako makatulog. Mas dumadalas na rin ang aking mga bangungot na paulit-ulit na nangyayari sa panaginip ko. Ang ikinababahala ko lang ay hanggang sa paggising ko at mulat ang aking mga mata, para bang sinusundan ako ng mga alaala mula sa nangyaring sunog sa central jail at ang capitol bombing.

Sa trabaho ko naman, nagagampanan ko pa rin ang responsibilidad at sinumpaang tungkulin bilang mamamahayag pero madalas akong pumapalya at nagkukulang dahil na rin sa kasong sinusundan ko ngayon. Higit isang buwan ko na rin itong iniisip at sa pagdaan ng mga araw, hindi ko alam kung hanggang saan pa ba ito aabot dahil sa totoo lang, natatagalan ako sa mga sagot na kailangan kong malaman.

Noong araw na inuwi ako ni Judah mula sa site kung saan natagpuan ang tatlong pinatay, hindi ko maipaliwanag ang nangyari sa sarili ko. Kahit si Judah ay labis ang pagtataka at pag-aalala sa akin dahil para daw akong baliw sa mga oras na iyon. 

Hindi nga baliw na ako at kung anu-ano ang nabubuo sa utak ko?

Totoo nga ba ang mga ito?

Naguguluhan ako at para bang naiipit sa dalawang nagbubungguang bato. May mga nag-uugnay sa aking teorya na nagpapakitang maaaring totoo nga ang hinala ko pero malaki rin ang porsyento na ito ay isa lamang haka-haka at malaking kalokohan. 

Kalokohan man ito pero hindi ako titigil sa pag-alam sa katotohan dahil naniniwala akong lalabas din ang tunay na kwento nito.

Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako at maghahapon na. Nagising na lang kasi ako sa ingay ng aking cellphone. Ringtone pa lang ay alam kong si Elmer iyon. At sa tuwing tatawag sa akin ang pinsan kong 'yon, alam na alam kong mahalaga ang kanyang sasabihin sa akin.

Kinapa-kapa ko sa aking hinihigaan ang cellphone na tunog nang tunog. Nakuha ko ito sa ilalim ng aking kanang binti. Agad ko namang sinagot ang tawag habang bumabangon mula sa pagkakahiga.

"Oh hello, Elmer? Eksena mo diyan? Nakuha mo na ba 'yung pinapakuha ko sa'yo?" diretsa kong sabi sa kay Elmer.

"Wow ha... makapagsalita naman, akala mo boss kita. Hindi mo man lang ako binati. Oo! Meron na, boss!" bulyaw nito sa kabilang linya.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now