Chapter 3

25 10 0
                                    

Nagising ako sa isang malakas na paghampas ng kung anong bagay. Napatikwas pa ako at pupungas-pungas na sinipat ang una kong nakita. Nang luminaw na ang aking paningin mula sa malalim na pagkakatulog ay laking pagtataka ko nang mapagtanto kong wala ako sa aking kwarto at higit sa lahat ay nasa Central Manila Jail ako. Anong nangyari? Pinuntahan ba ako ng mga pulis sa bahay habang natutulog ako at saka kinuha?

Nang bumangon ako mula sa pagkakahiga, doon ko lang napagtanto na nasa loob pala ako ng selda. Wala akong kasama at tanging isang basong tubig lang ang naroon sa malaking kulungan na iyon. May nag-iisang ilaw lang ang nakasabit sa kisame ng selda at iyon lang din ang nagbibigay ng liwanag para makita ko ang nasa paligid.

Tumayo ako at lumapit sa pintuang bakal. Nakakandado ito kaya hindi rin ako makakalabas. Sinipat ko ang nasa labas ng selda pero wala akong makita. Patay ang mga ilaw sa pasilyo gano'n din ang sa katabing selda. Nakapagtataka naman kung bakit wala kahit isang tao, preso o bantay ang naroon.

Hindi pwede 'to. Mukha atang napaglalaruan ako, "May tao ba diyan? Hoy! May tao ba diyan! Pusang gala naman talaga."

Sa inis ko ay napahampas ako sa bakal na rehas at saka naglakad-lakad, nag-isip kung paano ako nakarating dito.

Habang paikot-ikot sa seldang iyon ay bigla na lang kumurap-kurap ang kaisa-isang ilaw na tumutulong sa akin para makapag-isip ng tama. Nakakabaliw sa loob nito kahit na ilang minuto pa lang akong nakakulong.

Lumapit sa ilalim ng ilaw na iyon at maiging pinagmasdan. Nagulat na lang ako nang bigla iyong namatay ng tuluyan at kinain ng dilim ang buong seldang kinalalagyan ko.

"Hoy ano ba! May tao ba diyan? Wala ng ilaw oh... ano, ganito ako... kapa-kapa na lang? Hoy!" malakas kong sigaw sa kadiliman at hindi ko alam kung saan na nga ba ako nakaharap kakaikot.

Ang mga sigaw ko ay tumatalbog na parang bola sa aking dalawang tenga. Malakas ang echo nito at para bang nasa malaki akong silid dahil dinig na dinig ko ang papahinang echo palayo sa akin.

Ilang sandali pa nang biglang sumindi ang ilaw na ngayon ay nasa likuran ko na. Napabuntong-hininga na lang ako at saka humarap papunta sa liwanag ng ilaw.

Nang tumama ang aking paningin sa gawi kung saan nakasabit ang ilaw ay napaatras ako at napasigaw ng malakas dahil sa mga bangkay na nakahilera sa aking harapan. Sunog ang mga katawan nila at nagkalat ang  naghahalong dugo at abo ng kanilang sariling laman at balat.

Umatras ako ng umatras dahil sa takot. Ramdam ko na parang hihimatayin ako anumang sandali.

Sa pag-atras ko ay napasandal ako sa malamig na bakal at sa hindi ko inaasahan, may mga kamay na humili sa aking braso, leeg at buhok. Nagsisigaw ako at pumiglas ngunit malakas ang mga iyon.

Naamoy ko ang balat ng mga kamay na humihila sa akin. Amoy sunog iyon at malansa.

Wala akong magawa kundi ang pumiglas at pilit kumawala sa mga kamay. Hanggang sa maabot nila ang mukha ko na pilit na nilalapirot at binabaltak. Ramdam ko ang mga dumidiing kuko sa pisngi gayundin sa dalawang mata ko.

Hindi na ako makalaban. Marami nang kamay ang nakahawak sa akin. Tumaas na lang ang buo kong katawan at bago pa man ako tuluyang nakapira-piraso dahil sa paghila nila sa akin ay nakarinig pa ako ng mga salita.

"Tulungan mo kami."

Nagsitalsikan ang mga laman-loob ko at sumabog sa loob ng selda ang aking katawan na nagkalasog-lasog. Naramdaman ko iyon at sobrang sakit sa pakiramdam.

Napasigaw na lang ako at dumilat ang aking mga mata.

Hingal na hingal akong humawak sa aking dibdib at naramdaman kong pawis na pawis iyon mula sa leeg ko hanggang sa likod at mukha.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now