Chapter 8

21 8 1
                                    

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko para sundan ang sinasakyang truck ni Mayor Julio. Isa man itong kahibangan at panghihimasok sa kung anong ginagawa at tinatrabaho ng alkalde. Isinama ko pa si Judah sa kabaliwaan kong ito na maya't maya ang tanong sa akin.

"Mabuti na lang trapik. Hindi tayo masyadong halata," wika ni Judah habang bumubusina dahil sa mga singit ng singit, "uulitin ko, Oria... ano bang koneksyon ni Mayor Julio sa ginagawa mo?"

Nakatingin lang ako ng diretso sa likurang bahagi ng sinusundan naming truck. Hindi ko maipaliwanag kung bakit okupado ang utak ko sa aking ginagawang imbestigasyon. Wala pa man akong napapatunayan, pilit kong pinag-uugnay ang mga bagay-bagay sa aking paligid. 

"Oria?" 

Namalayan ko na lamang na humawak sa aking balikat si Judah na nagpalingon sa akin. "Ano 'yo? Sorry... ang ingay kasi ng mga sasakyan, kainis," sabi ko.

Muli niyang ibinalik ang tingin sa kalsada habang nakapila sa matinding trapiko ang kanyang sasakyan.

"Okay ka lang ba? Kailangan mo ba talagang gawin 'to? Pagod ka na ata, Oria," ani Judah na pasulyap-sulyap sa akin. 

Bumuntong-hininga ako at napayuko. Nagdadalawang-isip ako kung kailangan ko na bang sabihin kay Judah ang ginagawa kong imbestigasyon. Natatakot kasi akong mahusgahan tungkol sa pinagdaraanan ko nitong mga nakaraang buwan at linggo. Baka isipin niya na mayroon akong sakit sa isip.

Pero sabi nga nila, lahat ng sikreto ay nabubunyag. May nagsasabi man sa utak ko na huwag itong sabihin sa kanya pero nagdesisyon pa rin akong ibahagi kauy Judah ang pinagkakaabalahan ko nitong mga nagdaang mga araw.

"Naranasan mo na ba minsan... 'yung may nangyaring malala sa'yo tapos after no'n, parang hindi ka na makausad-usad man lang sa buhay mo. Alam mo 'yung feeling na minumulto ka palagi ng isip ko dahil do'n?" wika ko.

Humawak si Judah sa kambyo at pinaandar ang sasakyan nang mag-green ang traffic light. "Parang lahat naman tayo nagkakaganyan... ikaw ba, ano ba'ng nangyari?" tanong nito sa akin habang tutok pa rin sa pagmamaneho.

Lumingon ako sa kanya. Sandali rin riyang tumingin sa akin. Madilim man sa loob ng sasakyan, kitang-kita ko ang mga makabaluhang tingin na iyon ni Judah. Ramdam kong handa siyang makinig at naghihintay lang sa akin. 

Natatakot man sa kung ano ang kanyang magiging reaksyon ay pinili ko pa ring magsabi. "Natatandaan mo ba 'yung docu ko sana sa central jail?" tanong ko sabay lingon kay Judah na na tumango naman, "hindi ko lang kasi maintindihan... after ng sunog, parang lagi-lagi na lang akong nananaginip tungkol doon tapos, ewan ko... minumulto ata ako ng mga nakita kong namatay doon. Dumagdag pa 'yung capitol bombing."

Hindi ko alam kung saan ako nakakuha ng lakas para ibahagi iyon kay Judah. Oo, alam naman ni Elmer 'yung nangyayari sa akin pero nasanay na lang rin akong wala siyang reaksyon. Parang, sige, kaya mo 'yan.

Saglit na lumingon sa akin si Judah, "Hindi kaya trauma 'yan, Oria? 'Di ba may debriefing after ng nangyari?" seryoso nitong sabi. Ramdam rin sa kanyang tono at boses ang pag-aalala. 

Napaisip naman ako sa kanyang sinabi. Alam ko sa sarili ko na okay ako at maayos ang aking pag-iisip at  walang sapat na dahilan para maranasan ko iyon. Ang malinaw lang sa akin ngayon ay may mga kakaibang pangyayari sa aking paligid na hindi ko maipaliwanag na paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko. 

"Okay lang ako, Judah... hindi ko kailangan nun. Tingin mo ba, baliw ako?" seryoso kong sabi at tumingin sa kanya ng diretso. 

Napalingon siyang muli sa akin at tila ba hindi alam ang kanyang isasagot. "Hindi... bakit mo naman naisip 'yan? Kung may problema ka, you can tell me. I will listen," ang nakangiti niyang sagot at mabilis na ibinalik ang tingin sa kalye, "so... ano'ng meron kay Mayor Julio?"

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Onde histórias criam vida. Descubra agora