Chapter 24

20 6 0
                                    

Nawawala ako sa sarili habang tumatakbo palayo sa headquarters ng National Intelligence. Dala-dala ang baril na nakapatay sa direktor ng ahensya kasama na ang ilang guard na humarang sa akin palabas ng gusali, palinga-linga ako sa aking paligid habang tinatakasan ang bingit ng kamatayan.

Hindi ko alam kung paano ko nagawang mabaril si Director Belinda. Ito rin ang unang pagkakataon na makahawak ako ng baril at magamit ito. Ano nga ba ang nasa isip ko ngayon?

Kailangan kong makalayo.

Kailangan kong makatakas.

Pero bakit ko nga ba kailangang lumayo? Ano pa ba ang silbi ng aking pagtakas kung nagawa ko na ang misyon ko? Ito nga ba talaga ang nais kong mangyari? Hindi ba't isa akong mamamahayag na ang sandata ay ang panulat at ang katotohanan?

Tama. Ito ang tama kong gawin. Ito ang dahilan kung bakit kailangan kong makaligtas mula sa mga tauhan ng NIIA na humahabol sa akin.

Hindi karamihan ang tao sa lugar kung saan matatagpuan ang headquarters kaya't magagawa kong takasan ang mga agents na ngayon ay inalarma na ang buong kapulisan. Isa na akong ganap na kriminal. Gayunman, ang nasa isip ko pa rin hanggang ngayon ay ang makatakas at makauwi sa bahay.

Napahinto ako sa aking pagtakbo sa isang intersection nang may biglang lumiko na sasakyan. Tatawid na sana ako ngunit nakaharang iyon. Napatingin ako sa nagmamaneho ng kotse na isang matandang lalaki.

Walang kaabog-abog kong kinatok ang bintana ng sasakyan. Nang mabuksan ng matanda ang bintana sa passenger seat ay tinutukan ko siya ng baril.

"B--Bakit? Anong kasalanan ko?" ang nabiglang wika ng matanda.

Labag man sa kalooban ko ang ginagawa kong ito ngunit kailangan ko nang makaalis.

"Pasensya na po... kailangan ko lang ng sasakyan. Hindi ko po kayo sasaktan kung ibibigay niyo sa akin ang kotseng 'to," ang magalang kong sabi sa matanda. 

Nanginginig naman niyang binuksan ang pinto ng driver's seat at saka dali-daling bumaba. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at agad na sumakay sa kotse. Bago umalis ay nakita ko pa ang ilang gamit ng matanda na iniabot ko sa kanya.

Ngayong araw na ito ay sobrang dami ko ng kasalanan. Ang dami ko nang nagawang kamalian na alam kong mahirap nang maitama't maituwid pa. Habang nagmamaneho ay dalawang bagay lang ang tumatakbo sa isip ko; lalaban ako hanggang kamatayan o susuko hanggang sila ang magdala sa akin kay kamatayan.

Ano man ang piliin ko sa dalawa ay iisa lamang ang aking kahihinatnan. Kaya mas mabuti nang lumaban ako nang patayan kung kinakailangan dahil ang mahalaga sa akin ngayon ay mailabas ang katotohanan at ang baho ng administrasyon. Hawak ko na ang pruweba at abot-kamay ko na rin ang tagumpay sa misyon kong ito kaya't hindi ako dapat sumuko.

Ligtas akong nakarating sa bahay. Hindi rin naman ako nasundan ng mga otoridad at sa palagay ko ay maglalabas pa lamang ang pulisya ng diretiba para sa manhunt operation laban sa akin. May proseso kasi na kailangan pang idaan sa hukuman para magsagawa ng operasyon. Depende na lamang kung maglabas ng Exective Order ang pangulo para sa all-out mission.

Ang mga bagay na ito ang nasa isip ko habang hinahanap at nililikom ang mahahalagang gamit ko sa aking kwarto. Kailangan kong isipin kung ano ang maaaring maging reaksyon at galaw ng kalaban paras maunahan ko sila. Hindi ko maikakailang natatakot ako para sa aking sarili ngunit mas nangangamba ako para sa buhay ng pamilya ko.

Kumuha ako ng ilang damit para gawing pamalit at inilagay ang mga 'yon sa itim kong backpack. Kinuha ko rin ang laptop, tablet at hard drive ko kung saan naka-compile ang lahat ng aking ebidensya laban sa administrasyon. Lahat ng mga impormasyong naipon ko, mga litrato, video, firsthand interview at recordings ay naroon. Ang kailangan ko lang gawin ay bumuo ng isang matrix at salaysay para suportahan ang lahat ng aking nalalaman at ibabato laban sa gobyerno.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang