Chapter 1

70 12 0
                                    

Mataas na ang sikat ng araw nang magising ako dahil sa ingay ng mga kapitbahay naming nag-aaway. Umagang-umaga ay nagrarambulan na naman ang mag-asawang Policarpio. Dahil siguro sa pambababae ng matandang lalaki. Paanong hindi ko ito malalaman sa lakas ba naman ng sigaw ni aling Doria at lahat ata ng baho ng kanyang asawa ay naisiwalat na niya sa buong barangay.

Wala akong nagawa kundi ay bumangon ng maaga kahit mamaya pang hapon ang pasok ko. Sandali akong tumunganga habang nakaupo sa gilid ng aking higaan at pinagmasdan ang mga nakakalat kong gamit.

Napatayo na lang ako bigla nang maalala kong hindi ko pala na-save kagabi ang ginagawa kong article bilang special report ko sa anniversary ng Covid-19 pandemic sa bansa. Wala pa ako sa mundo nang mangyari ang isa sa mga nagpadapa sa ekonomiya ng Pilipinas noon.

Dali-dali akong lumapit sa maliit kong lamesa sa tabi ng bintana at binuksan ang laptop ko na naka-sleep mode. Mabuti na lang at naiwan ko itong naka-charge at hindi nawala ang mga files.

Minabuti kong i-save ang mga iyon at saka ako tuluyang magkikilos upang maghanda ngayong umaga. Suot ang maluwag kong t-shirt at shorts na butas-butas, lumabas ako ng aking kwarto at dumiretso sa banyo upang maghilamos at magmumog.

Nadatnan ko naman ang aking lola sa sala na abalang nagbabasa ng dyaryo. Ito ang hilig niya. Pagkatapos doon, sa radyo naman siya tututok.

Papasok na sana ako ng banyo nang makita ako ni lola, "Apo, good morning. Hindi ka na bumabati sa akin ha," kunwaring nagtatampong wika ni lola Andeng. Natatawa na lang ako minsan sa inaasal niya dahil para siyang si mama noong nabubuhay pa ito.

"Drama mo naman diyan, Andeng," sagot ko bilang pang-aasar sa matanda. Sinadya ko talagang tawagin lang siya sa kanyang palayaw. Nasa loob na ako ng banyo nang makita kong padabog niyang ibinaba ang hawak na dyaryo.

"Hoy Gregoria! Anong sabi mo sa akin? Andeng talaga ha... teka nga," nagmamadali niyang sabi habang tinutumbok ang banyo. Tinawanan ko lang siya at sinira ang pinto.

"Bahala ka diyan, Andeng!" sigaw ko sa loob at saka kumalampag ang pintuan dahil sa sunud-sunod na pagkatok ni lola. Napipikon na siya kaya naman tumigil na ako sa pang-aalaska sa kanya.

"Joke lang po, la! Hindi ka mabiro ah... ganda ka diyan? Love you po!" pasigaw kong sabi sabay buhos ng tubig sa aking mukha. Hindi ko na narinig pang sumagot si lola kaya hindi na rin ako nagsalita.

Mabilis lang ang pag-aayos ko sa aking sarili at kaagad na lumabas ng banyo. Pagbukas ng pinto ay bahagya akong nabigla nang sumalubong sa akin ang isang malakas na hampas ng kamay mula kay lola. Hindi ko naman alam ang magiging sagot ko kaya naman ay natawa na lang ako at agad siyang niyakap. Natawa rin siya sa kanyang ginawa.

"Ikaw apo ha... niloloko mo ako palagi. Naiinis ako sa'yo. Kung hindi ka lang magaling sa pagbabalita, baka pinatapon na kita doon sa tatay mong tarantado," mahinahon ngunit may punto niyang sabi.

Humiwalay naman ako mula sa pagkakayakap at hinarap si lola dahil sa kanyang sinabi, "Oh? Anong connect ng pang-aasar ko sa'yo sa pagiging writer ko at kay papa?" tanong ko kay lola. Inirapan lang ako nito at saka tumalikod upang bumalik sa kanyang paboritong upuan.

"Basta Gregoria... ang sinasabi ko lang sa'yo palagi na huwag na huwag mong kakalimutang gumalang kahit kanino. Kesyo bata pa yan o matanda. 'Yan ang tandaan mo ha," seryoso nitong turan sa akin sabay buklat ng kanyang dyaryo. Lihim akong napangiti sa mga sinabi ni lola dahil alam kong mahal niya ako.

Dumiretso ako sa kusina upang maghanap ng makakain at sakto namang pinagtira ako ni lola ng almusal. Sinangag na kanin, tuyo, enselada at hotdog ang nakahanda sa mesa na kaagad ko namang nilantakan. Habang kumakain ay siya namang pagbukas ni lola ng radyo at nakinig sa istasyon na aking pinapasukan. Ito na ang naging umaga naming dalawa habang si lolo naman ay maagang umaalis upang magmaneho ng kanyang taxi. Kahit na may kaedaran, kayang-kaya pa rin niyang mamasada.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now