Chapter 7

29 8 1
                                    

Mag-iisang linggo pa lang ang nakararaan magmula nang matagpuan ang patay na miyembro ng Pula-Pula Gang at heto pa rin ako, hindi pa rin pinatatahimik ng kasong ito.

Ilang magkakasunod na gabi na akong ginugulo ng mga panaginip ko tungkol sa nangyaring sunog sa central jail. Kapag wala akong ginagawa at mag-isa lang, kusang bumabalik-balik sa alaala ko ang mga nangyari na para bang naroon ako. Tumataas ang aking balahibo dahil ramdam na ramdam ko pa rin 'yung init at presensya ng mga namatay dahil sa sunog.

Narito ako ngayon sa city hall kung saan nangyari ang bombing incident. Matapos lang ang isang linggo ay muling binuksan ang capitol upang magbalik sa pagsisilbi sa mga tao.

Ngayong araw ang huling public viewing sa mga nasawing councilor ng Maynila. Ang mga labi ng hindi pinalad na pulitiko ay isa-isang nakahanay sa gitna ng central garden kung saan nangyari ang pag-atake. Hindi man gusto ng ilang kaanak na doon ilagay ang mga patay, ito na rin kasi ang nakasanayan sa tuwing may namatay na opisyal ng lungsod mababa man o mataas.

Hindi tulad ng dati, mas marami na ngayon ang nakakalat na mga pulis at sundalo sa paligid ng city hall. Hindi na rin basta-basta makakapasok sa loob kung hindi ka inimbitahan at walang special ID na inibigay ang security sa'yo.

Dahil dalawa ang kasalukuyang event ngayong araw dito, dalawa rin kami ni Judah na na-assign sa pag-cover ng mga kaganapan sa loob ng capitol. Umaga pa lamang ay narito na kaming dalawa at ngayon ay hapon na't malapit nang lumubog ang araw.

"Mula rito sa Manila Capitol, nag-uulat, Judah Luis Avila, nagtatanggol para sa bayan... okay na po," wika ni Judah matapos mag-extro sa kanyang balita.

Napalingon ito sa akin at sinalubong ako ng malaki niyang ngiti nang ako ay makalapit sa kanya.

"Ano na... pang-ilan mo na 'yan today? Pagod na ako jusko!" ang sabi ko sabay sandal sa pader. Natawa naman siya at umiling-iling.

"Ano ba'ng magagawa natin? Ano'ng ganap sa baba? Daming tao?" tanong niya habang sinisipat-sipat baba ng balkonaheng kinaroroonan naming dalawa.

Mas lalong dumami ang pila ng mga tao ngayong hapon dahil malapit na magtapos ang public viewing sa mga labi ng namatay na konsehal. Ipinapakita lang nito na maraming nagmamahal sa mga pulitiko sa Pilipinas at tila sinasamba pa ang mga ito. Hindi naman masama ang sumuporta ngunit halos gawing santo ng ilan ang mga pulitikong binoto nila tulad ngayon. 

"Masama man pero natatawa na lang ako sa mga ibang pumipila diyan... may mga kung anu-ano pang dala. Daig pa ang artista na namatay," ang natatawa kong sabi habang nakadungaw si Judah sa ibaba.

Bumalik ito ng tingin na natatawa rin dahil sa aking sinabi, "Sa totoo lang din talaga. Pero masisi ba natin 'yang mga bumoto at natulungan 'kuno' ng mga pulitiko? All of their life, umaasa silang mababago ang buhay nila ng isang politician not knowing na ang pagbabago sa bansang 'to is mabagal pa sa pagong," saad ni Judah na tinanguan ko naman.

Ibang-iba na ang pakikitungo ko sa kanya ngayon. Simula kasi nang makikila ko pa, kung ano nga ba ang tunay na siya, ay naging mabait at hindi na ako mataray sa kanya. Kapag talagang binuksan mo ang iyong sarili sa isang bagay o tao, doon mo lang malalaman ang tunay nilang katauhan at halaga. At ngayon para sa akin, matuturing kong kaibigan si Judah na unti-unting lumalalim dahil sa pagiging mag-partner namin sa trabaho.

Hindi rin naman boring kasama ang lalaking 'to dahil tulad ng aking sinabi, marami siyang kwento na para bang hindi nauubusan ng mga istorya sa buhay. Ito 'yung pinakamalaking pagkakaiba naming dalawa ni Judah. Kung siya ang mahilig magsalita, ako naman 'yung nakikinig lang at madalas na naghahanap ng sagot sa mga tanong.

Tulad ngayon, abala man ako sa aking trabaho na walang humpay na mga balita, hindi pa rin nawawala sa isip ko ang mga pangyayaring naganap sa sunog. Para bang isang malaking parte iyon ng pagkatao ko na kailangan kong dalhin at bigyan ng espesyal na oras lalo kapag bigla-biglang umaatake ang pagiging torete ko dahil doon. 

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now