Emera

41 8 0
                                    

Masaya akong sinalubong ng aking mga tauhan sa itinayo kong online news company. Araw-araw ay ganito ang eksena sa tuwing papasok ako ng opisina. Babatiin nila ako na may halong pagsamba. Para bang may nabago ako sa kanilang mga buhay kung tratuhin nila ako.

Gayunman ay masaya ako dahil nakikita kong umaangat ang maliit naming kompanya. Hindi man ito kasali sa mga pangarap ko noon, lubos akong nagpapasalamat dahil ibinigay sa akin ang pagkakataong ito na ituloy ang nasimulan kong adhikain at propesyon - ang pagiging mamamahayag.

Dire-diretso kong tinungo ang aking opisina kung saan naghihintay ang assistant ko na si Polo. Nagulat ko pa ito nang mapalakas ang bukas ko ng pinto kaya naman napaiktad siya at nagulo ang inaayos niyang mga gamit sa aking mesa.

"Good morning, Polo... kape ka nang kape ayan! Haha! Ano'ng ganap natin for today?" wika ko habang inilalapag ang dala kong bag at ilang gamit sa ibabaw ng mesa.

Umayos siya ng kanyang tayo sabay lahad sa akin ng isang folder. "Listed na ang lahat ng concern today including... hmm... 'yung kay Doctor Quseda. Actually, papunta na raw siya," ang may alinlangang sagot ni Polo.

Napabuntong-hininga na lamang ako nang marinig ko ang pangalang iyon.

"Sige... salamat, Polo. Update mo na lang ako sa stats natin sa overall website usage kahapon... uhm... around 9PM to 12MN? Peak kasi kagabi ng news tungkol sa first 100 days ni President Osiris," saad ko naman.

Agad na sumunod si Polo sa aking inutos at mabilis na lumabas ng opisina. Hindi pa man nagsisimula ang araw ko ngunit para bang pagod na pagod na kaagad ang utak ko sa mga bagay na pumapasok dito.

Inikot ko ang aking swivel chair at hinawi ang kurtina upang makapasok ang natural na liwanag mula sa araw. Ilang beses ko mang pagmasdan ang kabuuan ng Metro Manila mula sa itaas ng building na aking kinaroroonan ay gandang-ganda pa rin ako sa tanawing ito. Isa ito sa nagpapatanggal ng aking stress lalo na sa gabi dahil nagmimistulang christmas lights ang ilaw ng mga building at sasakyan.

Babalik na sana ako sa pagkakaharap sa mesa nang dumapo ang paningin ko sa mga litratong naka-display isang gilid. Inabot ko ang isang picture frame at saka pinagmasdan ang litratong naroon.

Hinding-hindi ko malilimutan ang araw kung kailan kinuha ang larawan. Ito ang araw kung kailan ako ginawaran ng Office of the President ng Medal of Heroism for Protecting National and Public Security. Ito ang pinakamataas na pagkilala ng pamahalaan para sa isang indibidwal na buong buhay na nakipaglaban sa terorismo para sa kapayapaan.

Kasama ko na tumanggap ng award na ito ay si Agent David at ang larawan ni Elmer noong nabubuhay pa siya. Ginawaran din kasi siya ng parehong medalya kasama ang ilan pang pagkilala dahil sa kanyang katapangan bilang lingkod-bayan.

Kung buhay pa sana si Elmer ay mas magiging masaya ako sa pagtanggap ng medal na iyon. Ngunit wala man siya, alam kong sobrang saya niya dahil sa wakas, nagbunga ang lahat ng aming paghihirap sa kanya-kanya naming propesyon.

Sa tuwing inaalala ko ang mismong araw at kung paano namatay si Elmer ay hindi ko maiwasang maluha. Halos mag-iisang taon na rin magmula nang mangyari ang pinakamalala at deadly terror attack sa Pilipinas ay sariwa pa rin sa akin ang mga pangyayari.

Hindi pa rin nawawala ang takot lalo na't patuloy pa ring hinahanap ang ilan pang kasapi ng Pula-Pula Gang na nagtatago sa batas ngayon. Ang pinuno naman ng samahan na si dating Vice President Franklin Miranda ay nakakulong na ngayon dahil sa kasong rebellion, terrorism at grave abuse of power. Napatay naman sa operasyon ng President Special Operation Force o PSOF ang matataas na opisyal ng gobyerno kasama si dating National Intelligence Director Belinda Jose na isa sa high-profile leaders ng Pula-Pula Gang.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon