Chapter 2

48 9 0
                                    

Inabot na ako ng tanghalian sa loob ng Central Manila Jail kung saan ako naka-assign ngayon para sa aking special report tungkol sa buhay ng mga Persons
Deprived of Liberty o PDL na matagal nang naghihintay ng hatol mula sa mabagal na justice system ng bansa. Hanggang sa panahong ito, hindi pa rin matuwid ang daan at mas lalo lang itong binabaluktot.

Habang naghihintay sa visitor's area, nagmuni-muni muna ako habang pinagmamasdan ang mga presong may kanya-kanyang ginagawa. Para sa mga nauna kong nakausap na bilanggo, malaya silang nakakagala sa loob ng compound na maihahalintulad din sa isang barangay. Ang bawat selda ay tila mga bahay na dikit-dikit at naglalaman ng malaking pamilya.

Sa mga gilid ng kalsada ay malaya silang nakikipagsalamuha sa kapwa nila pinagkaitan ng kalayan. May iilan na tahimik lang at nakikinig sa mga usap-usapan, ang iba ay una sa umpukan at naghahari-harian. Hindi ito nalalayo sa buhay sa labas. Ito ang mukha ng bansa.

Habang pilit kong binabasa ang mga labing nag-uusap, nagpapalitan ng mga salita, naisip ko na paano kung maging ganito ang buhay ko? Paano kaya ang maging isang bilanggo lalo na ang mga wala namang kasalanan at nasasakdal sa maling sistemang ito? 

Para sa mga katulad kong taga-labas at walang alam sa buhay na mayroon sa masikip at mala-impyernong selda, ang mga tao rito at nahihirapan at wala ng pag-asa. Ngunit mali pala ako, may pag-asa pa pala para sa mga kagaya nila. Nagagawa nilang magsaya dahil may mga telebisyon, radyo at videoke pa nga sa loob ng mga selda. 

Habang nakatingin sa kawalan, hindi ko namalayan na papalapit na pala ang hindi bababa sa limang kalalakihan. Dalawa sa kanila ay mga inmates at ang iba ay mga jail warden na. 

"Magandang hapon po... kayo po si?" lapit at tanong ng isang nakaunipormeng lalaki. Hindi ito katangkaran at mukhang masiyahin dahil sa awra na kanyang dala.

"Gregoria Mateo po ng Magtanggol News Company... MNC po," sagot ko sabay tayo at nakipagkamay sa kanya. Ngumiti ito sa akin gayundin ang iba pa niyang kasama. 

Lumapit pa ako sa kanila upang kami ay magkaharap-harap at isa-isang makilala. Nanguna naman dito ang bumati sa aking warden na nagpakilalang si Senior Jail Officer IV Ryan Victorio. Mukha pa siyang bata para sa kanyang mataas na ranggo.

"Miss Mateo, ito nga pala si Leo Karisma. Siya na ang bahala na maglibot sa inyo dito sa loob ng Central Jail. Mayor Leo, ikaw na bahala sa bisita natin ha... ingatan mo siya," wika ng jail officer at saka kami sinabayan papasok ng mismong compound.

Habang naglalakad kami ay hindi ko maiwasang mamangha at ganoon din ang makaramdam ng awa. Malaki ang buong kulungan ngunit masyadong marami ang mga PDL na pilit na pinagkakasya sa loob ng bawat selda. 

May mga matatanda, may iba na ubo ng ubo dahil sa sakit ang may ilan din na naghihintay na lang ng kamatayan na hindi man lang nakikita ang kanilang pamilya.

Nang makapasok na kami sa loob ng compound sa lugar kung hanggang saan lang ang ibinigay na access sa akin, kaagad kong tinanong ang kasama kong bilanggo, "Leo? Tama 'di ba?" tanong ko sa lalaking nasa kanang gilid ko.

"Opo, Leo nga po," magalang nitong sagot at bahagya pang yumuko. Hindi mo aakalain na may pinagdaanan siyang mabigat na krimen.

Puno ng tato ang katawan ni Leo. Kahit na siya ay naka t-shirt, halatang-halata pa rin ang mga naglalakihang tato magmula likod nito hanggang sa kanyang dibdib. Mayroon din sa mga braso at kamay gayundin sa mga binti. Kung may parte man ng kanyang katawan ang walang tato, ang nakikita ko lang ay ang mukha niya.

"Bakit mayor ang tawag sa'yo dito? Literal ba na ala mayor ka dito sa Central Jail?" sunod kong tanong kay Leo. 

Huminto siya sa isang tapat na eskenita kung saan naroon ang mga maliliit na selda na puno ng mga PDL. Kumaway ang mga ito at maligayang bumati sa kanya.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now