Chapter 19

10 6 0
                                    

Ilang segundo lang ang pagtitig sa akin ni Donya Paulina ngunit pakiramdam ko ay para bang sobrang tagal. Dama ko sa mga tingin na iyon ang emosyon ng matanda na nagsasabing hindi ako dapat nandoon. Wala akong masabi, umurong yata ang dila ko at hindi ko man lang maigalaw ang labi ko.

"Ang sabi ko, bakit ka nandito?" malumanay ngunit maintrigang tanong ng Donya sa akin.

Napalunok ako ng laway at pinilit na hanapin sa aking utak ang mga tamang salitang bibigkasin ko sa kanya. Kailangan kong ng isang maayos at kapani-paniwala na alibi dahil kung hindi ay baka mapilitan akong umamin.

"Uhm... magandang tanghali po, Donya Paulina. Pasensya na at mukhang naistorbo ko po kayo. P--Pasensya na rin kung basta-basta na lang po ako pumasok dito. May itatanong lang sana ako."

Ito ang dire-diretso kong sabi na may pag-utal pa sa pagsasalita. Matapos ko 'yong sabihin ay para bang natinik ang lalamunan ko dahil sa naghahalong kaba at takot.

Binuksan pa ng mas malaki ni Donya Paulina ang pinto ng kanyang opisina para magkaroon ng liwanag ang aming kinatatayuan. "Sige na, umalis ka na at ako na ang bahala sa isang 'to," muwestra ng matanda sa malaking lalaki na nakatingin sa akin ng masama. Umiwas na lang ako ng tingin dahil baka sakaling malimutan niya ang mukha ko kapag bumalik ulit ako dito.

"Pasensya na po talaga--"

"Saka ka na humingi ng pasensya. Pumasok muna tayo," utos ng Donya sabay pasok sa opisina. Sumunod naman agad ako sa loob.

Umupo ang Donya sabay turo ng kanyang tungkod sa upuang nasa harapan ng mesa. Umupo rin ako bilang pagsunod at respeto sa kanya. 

"Nagbabalik ka yata? Alam mo bang may kasalanan ka sa akin?" seryoso at maotoridad na wika ni Donya Paulina. 

Maiibsan na sana ang kaba ko pero mas lalo lang itong lumala ngayong kaharap ko na ang isa sa mga importanteng tao sa kasong sinusundan ko. Huminga ako nang malalim na hindi pinahahalata sa kanya na kumakabog ang dibdib ko na parang tambol.

"A--Ano po ba 'yung kasalanan ko?" nagtataka ngunit may takot kong tanong.

Yumuko naman ang matanda at hinila ang isa sa mga compartment ng mesa. May kung anong bagay siyang hinanap doon na mukhang nahihirapan siyang kuhanin. Ilang saglit pa nang umangat siya ng tingin at umayos ng upo.

"Iyan... natatandaan mo ba 'yan?" tanong nito nang mailapag sa ibabaw ng mesa ang maliit na bote.

Bahagyang nanlaki ang aking mga mata dahil sa boteng iyon. Katulad iyon ng bote ng wine na nakuha ko mula dito sa opisina ng Donya at sa barangay hall sa Navotas na huling ininuman ng namatay na chairman.

"Akala mo ba, hindi ko alam na kinuha mo ang bote ko?" matalim at ramdam ko ang namumuong galit sa boses at mukha ng Donya. 

"Ah... kung gusto niyo po ay ibabalik--"

"Haha! Biro lang... sinusubukan ko lang kung umuubra pa ba ang pananakot ko sa ibang tao. Mukhang nakakatakot pa rin nga ako haha!" natatawang sabi ng Donya na nasinok pa, "Nako pasensya na ha... ano ba'ng atin? Nagbalik ka yata?" 

Nakawala na sa wakas ang nakabarang laway sa aking lalamunan na kanina ko pa nilulunok dahil sa kaba. Pinilit ko na lang din na matawa sa sinabing iyon ni Donya Paulina. Buong akala ko'y mahuhuli na ako sa pasikreto kong pag-eespiya sa kanya.

Umayos ako ng aking upo sabay lapat sa isa't isa ng mga palad ko sa ibabaw ng mesa. "Tungkol po sana ang itatanong ko sa dati niyo pong tauhan dito sa fish port... 'yung Zamora at Sarmiento po?" 

Wala akong ibang naisip na dahilan kung bakit ako naparito at ang unang pumasok sa isip ko para sa alibi ko ay ang dalawang pinatay na tauhan ni Donya Paulina. Wala rin akong ibang irarason sa kanya dahil ito ang dahilan ng una kong pagpunta rito sa teritoryo niya.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon