Chapter 9

23 8 0
                                    

Nagising akong pawis na pawis ang leeg hanggang likod. Hindi ko mawari kung nilalagnat ba ako o kung anong klaseng sakit ang mayroon ako dahil sa aking nararamdaman. Pakiramdam ko ay mahuhulog ang ulo ko sa tuwing pinipilit kong tumayo. Sobrang sakit nito na kahit ako ay nakapikit ay ramdam na ramdam ko ang sakit.

Ilang gabi at umaga ko na itong nararanasan. Hindi ko magawang magpa-check up dahil umaayos rin naman ang lagay at pakiramdam ko sa tuwing pinipilit kong kumilos tulad ng sa trabaho. 

Marahan akong bumangon para hawiin ang kurtina ng bintana na tinatamaan ng malakas na sikat ng araw. Napatingin ako sa wall clock at hindi ko na inalala pa ang oras kahit late na late na ako sa trabaho dahil nga sa iniinda kong sakit ng ulo. 

Habang nakahiga't nakapikit ay kinapa ko sa ibabaw ng mesa na nasa gilid ng aking kama ang aking cellphone. Nang makuha iyon ay agad akong nagmulat ng mata at gano'n na lamang ang pagkainis ko dahil patay pala ang cellphone ko. Hindi ko iyon na-charge kagabi kaya na-lowbat. 

Agad akong bumangon kahit na masakit ang ulo ko para kunin ang charger sa aking sling bag. Mabilis akong bumalik sa kama at saka isinaksak ang cellphone ko. Nagkaroon rin naman ito agad ng power kaya binuksan ko agad para mag-check ng mga importanteng mensahe.

Pagbukas na pagbukas pa lang ay sunud-sunod na nagsipasukan ang mga message at notification sa iba't ibang messaging app sa aking cellphone. May ilang missed calls rin ang rumehistro kahit magdamag na nakapatay ang cellphone ko.

As usual, nagmula sa aking boss ang bulto-bultong mensahe na pawang puro mura at kung anu-anong mga salita na ayaw ko na lang basahin. Ang gusto lang naman niyang sabihin ay pumasok na ako dahil kulang kami sa tao ngayong araw. Papasok naman talaga ako ngunit sadyang traydor ang aking katawan at pilit akong pinapako sa krus. 

Wala pa ako sa wisyo sa mga oras na ito ngunit para bang nanumbalik ako sa katinuan nang mag-ring ang telepono. Kilala ko na agad kung sino ang tumtawag sa akin at ito'y walang iba kundi ang boss kong arogante at ubod ng yabang. 

Huminga muna ako ng malalim at napapikit pa bilang paghahanda ng aking sarili sa malulutong na mura ang mga masasakit na salita. "Hello, sir... good morning po," ang pambungad kong bati sa kanya.

Napangiwi na lamang ako sa kanyang ibinungad sa aking mga salita.

"Putang inang animal ka talaga, Gregoria! Pang ilan mo na 'to! Gusto mo pa bang magtrabaho? O gusto mong ako na mismo ang mag-file ng resignation letter mo? Ano ba kasing pinaggagagawa mo at nagkakaganyan ka?" sabi ng aking boss sa kabilang linya na nanggagalaiti sa sobrang galit.

Hindi ko naman siya masisisi dahil alam ko sa aking sarili na may pagkakamali ako lalo na't napapabayaan ko ang trabaho ko. Hindi ko lang rin alam kung bakit nga ba ako nakakaranas ng ganito sa aking sarili at para bang pinipigilan ako ng utak ko sa mga dati ko nang nakasanayan at hilig gawin.

Wala akong nagawa kundi ang magpakumbaba na lamang at humingi ng pasensya. "Pasensya na sir... uhm... may dinadamdam lang po. Papasok po ako today, habol na lang po," ang sagot ko sa aking boss.

Hindi pa rin ito nagpatinag at binulyawan na naman ako. "Nako... lecheng dinadamdam 'yan! Broken hearted ka ba? Unahin mo muna ang trabaho! 'Wag ka nang mag-time in ha... dumiretso ka na ng field. 12 noon ka, kailangan ng update sa senate, wala si Cris," utos ng boss ko at saka walang paalam na pinatay ang tawag at naiwan akong nakatanga.

Binging-bingi na ako sa mga pagmumura niya sa akin. Hindi lang ako ang ginagano'n ng aming boss kundi halos lahat kami sa news department. Akala mo naman kung sinong kilala at angat, hindi nga kaya ng kompanya namin ang makipagsabayan sa ibang radio station na digital na. Lumang-luma pa rin ang pamamaraan nila sa pagbabalita. Pero kahit na ganito, dito ako kumukuha ng pang-araw-araw namin sa bahay at kahit papaano, nakakaipon rin naman ako.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now