Chapter 14

14 5 0
                                    

Dinala ako ng tadhana sa sitwasyong ito na alam kong may dahilan kung bakit nga ba ako narito. Hindi man ngayon, paniguradong isa-isang lalabas ang mga dapat lumabas lalung-lalo na ang ginagawang pagpaslang ng gobyerno sa mga taong may karapatang bigyan ng pangalawang pagkakataon.

Tulad ng mga miyembro ng Pula-Pula Gang na isa-isang pinapatay, karapatan din ng lahat ng inosenteng inaakusahan na dumaan sa tamang proseso ng batas. Ngunit paano nga ba tayo mapupunta sa tama kung pilit na binabaluktot ng mga makapangyarihan ang daan?

Hindi pa rin ako umaalis sa barangay hall dahil may nais pa akong malaman tungkol sa mga huling sandali ni Chairman Ricky Asuncion. Habang hinihintay ang pagbalik ng kanyang sekretarya na si Missy ay nilibot ko ang aking paningin sa opisina ng kapitan. 

Nasa ayos pa rin ang lahat, tulad pa rin ito noong una kong punta rito. Ang tanging nagbago nga lang ay ang biglaang pagkawala ng kanilang itinuturing na ama ng barangay. 

Napansin kong walang CCTV sa loob ng barangay na ito hindi tulad ng iba na kaliwa't kanan ang mga camera na nakatutok sa iba't ibang anggulo. Hindi sa pinagdududahan ko ang katauhan ni Kapitan Ricky ngunit nakapagtataka lang kung bakit tila pribado ang dating ng kanyang opisina. 

Alam ko namang mabait at hindi korap ang chairman ng barangay dahil na rin sa mga nakausap kong residente rito. Pare-parehas sila ng pagkakadiskubre sa kanilang kapitan. Talaga ngang sobrang matulungin at mapagbigay na tao ang kanilang chairman.

"Pasensya na po, may pinirmahan lang po ako sa baba," wika ni Missy nang bigla itong pumasok. Napaayos ako ng upo at humarap sa mesa ng namayapang chairman.

"Hindi ka ba ako nakakaabala? Kasi... para atang maya't maya ang tawag sa'yo. Balik na lang ako?" tanong ko sa kanya. 

Umiling-iling ito sabay lapag ng mga folder sa ibabaw ng mesa, "Nako, hindi po... ayos lang po. Pagbibigay serbisyo ko po ito. Ano nga po pala ang tanong niyo kanina? Dami kasing nagpapagawa ng barangay certificate sa baba."

Ngumiti ako sa kanya at bahagyang lumapit ng upo. Inilapat ko ang aking mga kamay sa mesa dahilan upang maglapit pa kaming dalawa. "Natatandaan mo ba 'yung ginawa ni Kap bago siya namatay? 'Di ba sabi mo noong nakaraan na... na may ka-meeting siya? Sino kaya 'yun?" seryoso kong tanong kay Missy na diretsong nakatingin sa akin. 

Napatingin siya sa litrato ng chairman na naka-display sa ibabaw ng mesa. Ilang segundo rin bago niya nasagot ang aking tanong.

"Sa pagkakatanda ko po... para atang mga kaibigan niya 'yung pumunta. Nakita ko nga na parang tatlo o dalawa 'yun. Nagmamadali ngang umalis pagkatapos nila dito at 'yon... doon na ako tinawag ni kap," paliwanag ni Missy. Bakas pa rin sa mukha nito ang lungkot.

Muli kong naalala ang maliit na bote na kinumpirma ni Missy na ibinigay raw kay Chairman Ricky ng mga hindi nagpakilalang bisita nito sa kanya. Maaari ngang iyon ang dahilan kung bakit namatay ang kapitan ngunit bakit buhay pa rin itong babaeng kaharap ko ngayon kung siya at uminom din?

"Natatandaan mo ba kung ano ang itsura nila? Damit... suot?" usisa ko pa at pilit na pinipiga ang nalalaman ni Missy. 

Napayuko ito at tila nag-isip. Muli siyang tumungo at tumingin sa akin, "Hindi ako sure sa itsura nila kasi mga nakasalamin sila tapos nakasuot pa ng sumbrero. Lahat din sila ay naka-jacket na itim... parang leather ata 'yun. Basta gano'n 'yung natatandaan ko. Ano po bang meron sa kanila?"

Hindi ko rin alam kung ano ang isasagot sa tanong na ito ni Missy. Ano nga ba ang meron sa mga taong bumisita at huling nakasama ng kapitan?

Napatingin naman ako sa emergency control room ng barangay hall at naisip kong muli ang kuha ng CCTV na mayroon ako. "Pwede bang makita ang record ng CCTV niyo?" tanong ko kay Missy na tumango at agad na tumayo upang buksan ang nakakandadong pintuan.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now