Chapter 25

26 6 0
                                    

Matagal ko nang hinintay ang pagkakataong ito. Ilang gabi akong hindi nakatulog at pilit na kinakain ng aking sariling bangungot. Mga halimaw sa utak ko na takasan ko man, nariyan at nariyan pa rin para ako ay pahirapan. Hindi ko lubos maisip na magagawa ko pala ang mga bagay na ito. Akala ko noon ay mahina ako. Isang babae na kayang patahimikin ng mga lalaking may kapangyarihan. Pero nagkamali ako, mali sila. Kaya ko pala, kailangan ko lang subukan.

Habang inaalala ang mga araw na itinaya ko ang aking buhay para lang sa misyong ito, hindi ko mapigilan ang sarili ko na maluha. Kasabay ng mga huni ng ibon ay ang mapayapang pagduyan ng mga puno ay ang mahihina kong hikbi habang nakatitig sa puntod ng yumao kong ina.

"K--Kung nandito ka lang siguro, ma, baka hindi ganito ang buhay ko. Miss na miss na kita," ang lumuluha kong sabi.

Wala man akong kausap ngunit alam kong may nakikinig sa akin sa langit. Alam ng puso ko na buhay ang alaala ni mama sa pagkatao ko. Ito na lang ang pinanghahawakan ko ngayon. Si mama kasi ang lakas at kahinaan ko noong nabubuhay pa siya. Bukod kina lolo at lola ay si mama na talaga ang takbuhan ko sa mga oras na lugmok ako.

Ngayon araw na ito ang itinakdang araw para pigilan ang masamang plano ng Pula-Pula Gang. Kung kahibangan para sa kanila ang gagawin kong ito, kabayanihan naman ito para sa mga taong nakakakila sa akin.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa damuhan at saka hinalikan ang litrato ni mama. Tumingin pa ako doon ng sandali bago nagpaalam. Huminga ako nang malalim sabay lakad ng mabilis. Sinuot ko naman ang itim na shades at sumbrero bago lumabas sa pinanggalingan kong mga puntod.

Sa bagong gupit kong buhok, tingin ko ay hindi naman ako makikilala agad ng mga tao lalo na ng mga miyembro ng gang. Nagbihis panlalaki rin ako kaya't hindi magiging kahina-hinala ang aking kilos at galaw.

Umalis ako ng sementeryo na may lakas ng loob at determinasyong magpatatagumpayan ko ang aking misyon. Iniwan ko na sa libingang iyon ang lahat ng pighati at bangungot sa buhay ko. Wala nang atrasan ito at kung pumalpak man ako, kahit na kamatayan ay tatanggapin ko ng buong-buo.

Ilang sakay ng jeep ang ginawa ko bago makarating sa Rizal Park kung saan dinaraos ang filing of candidacy. Huling araw na ngayon ng pagsusumite ng kandidatura ng mga tatakbong pulitiko para sa susunod na halalan. At ngayong araw inaasahan ng marami ang pagtindig at paglaban ng itinuturing na pag-asa ng bayan na si Vice President Franklin Miranda.

Wala pa man ako sa mismong gusali kung saan ginaganap ang pasahan ng mga dokumento ay marami ng mga taga-suporta ng pangalawang pangulo ang matiyagang naglalakad sa gitna ng init ng araw sa kahabaan ng Taft Avenue. Nagdudulot na ito ng mabigat na trapiko ngunit hindi alintana sa mga pasahero at driver ang tagal ng biyahe dahil karamihan sa mga ito ay taga-suporta rin ng bise presidente.

Dahil sa haba ng traffic ay napagdesisyunan kong bumaba na lang sa tapat ng Manila Capitol. Medyo may kalayuan pa ang aking lalakarin ngunit marami naman akong kasabay kaya matitiyak ko na hindi ako mapapansin.

Inilabas ko mula sa aking kanang bulsa ang puting tela. Itinali ko iyon sa kanang braso ko. Habang pinupulupot ko ang tela ay may biglang kumalabit sa akin.

"Hi po kuya! Gusto niyo po ng white flag? Libre lang po para kay VP!" magiliw na sabi ng isang babae. Tingin ko ay nasa edad labingwalo pataas pa lang ang babae.

Ngumiti naman ako at tinanggap ang binibigay sa akin na puting bandila. Maliit lang ito ngunit sapat na para makita kapag winagayway.

"Salamat ha... ingat ka," ang tanging nasabi ko sa babae.

Effective nga ang pagtatago ko sa katauhang ito. Pinagkamalan akong lalaki kaya naman itutuloy-tuloy ko na ito hanggang sa magawa ko ang aking pakay.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon