Chapter 15

11 6 0
                                    

Hindi ko alam kung paano ako nakalabas ng buhay sa sikretong silid na iyon. Para bang bawat paghinga ko ay pahina nang pahina hanggang sa mawalan ako ng hangin sa baga. Tagaktak din ang pawis sa aking katawan nang makalabas ako roon matapos kong marinig ang pagbukas ng pinto at pag-alis nina Donya Paulina at ang tinawag niyang Henry at sa isa nitong pangalan na Bantay. 

Wala akong maisip sa mga oras na ito kundi ang makalabas lang nang hindi nakikita nino man. Mabuti na lamang at kaagad kong naharang ang aking paa sa papasarang bakal na pinto at naikalso ko ito dahilan upang hindi ako maiwang nakakulong sa kwarto.

Marahan akong naglakad sa madilim na parte ng fish port habang sinusundan ang lalaking nakaitim at baseball cap. May katangkaran ito at malapad ang balikat. Nagpalinga-linga pa ako at hinanap ang matandang Donya ngunit wala ito sa paligid at hindi rin naman kasama ng lalaking sinusundan ko ngayon. 

Napahinto ako sa paglalakad nang bigla ring huminto ang lalaki. Mabilis itong lumingon patalikod kaya naman nataranta akong nagtago sa isang poste. Hindi ko alam kung naramdaman ba niyang may sumusunod sa kanya kaya niya iyon ginawa. 

Hindi ko naiwasang mapabuntong-hininga dahil sa nakakakabang tagpong iyon. Nagbilang ako hanggang lima sa aking isip bago sumilip at tignan kung ang lalaki. Napakunot na lang ako ng noo nang makita kong wala na roon ang lalaki. Ang bilis naman ata niya maglakad at mawala ng gano'n na lang?

Umalis na ako sa likod ng poste at nagmadaling maglakad upang hanapin kung saan pumunta ang lalaking iyon. Gusto ko sanang kumpirmahan na siya nga ang NCRPO na si Henry Natividad. At kung siya nga iyon, may kung anong bagay ang kanilang itinatago ni Donya Paulina. Ang nagpapahiwaga pa sa akin ay ang tinutukoy na kung ano ng dalawa na nakatago raw dito mismo sa fish port.  At isa pa, bakit kailangan nilang gumamit ng ibang pangalan tulad ng Bantay ang ang binanggit nila na Maria Clara.

Habang nililingon at bawat sulok at estrakturang nadadaanan ko palabas ng fish port ay tila ba nawawalan ako ng pag-asa na makita kung sino man ang lalaking iyon. Ilang hakbang pa at malapit na ako sa gate nang biglang bumukas ang isang maliit na warehouse at umangat ang gate nito. Napaatras ako at tumabi sa gilid dahil sa papalabas na isang itim na van. Agad na bumukas ang gate at humarurot ang sasakyan palayo. 

Kapansin-pansin sa van na iyon ang kawalan nito ng plate number gayundin ang body number. Napalingon naman ako sa warehouse na pinanggalingan ng sasakyan. Marahan itong sumasara kaya nasilip ko ang kabuuan ng loob nito. Walang kahit anong laman ang warehouse bukod sa iilang sira-sirang bangka roon. Hindi ko na lang iyon pinansin pa at umalis na lamang sa lugar.

Malapit nang lumalim ang gabi ang kanina pa akong umaga nasa labas ng bahay. Hindi ko alam kung paano ko nga ba 'to nagagawa na hindi man lang nakakaramdam ng gutom. 

Pasakay na sana ako sa motor nang may mapansin akong tao na naglalakad sa kabilang kalsada. Madilim ang lugar at iilan lamang ang streelight sa kalye kaya hindi ko masyadong maaninag kung sino iyon at ang iba pang bagay sa paligid. Industrial area din ang lugar kaya madalang lang ang tao at ngayong gabi, ako na lang at ang narito bukod sa isang lalaking naglalakad. 

Napapatitig ako sa taong iyon na kakaiba ang pananamit. Mukhang galing sa isang sosyal na pagtitipon dahil sa suot nitong tuxedo na sinamahan pa ng itim na sumbrero. Katulad ng mga taga-ibang bansa ang kanyang istilo ng pananamit na hindi akma sa mainit at maulang panahon ng Pilipinas. 

Sumakay ako ng aking motor at isinuot ang helmet. Pinaandar ko ang motor at saka mabilis na nilapitan ang hindi pa nakakalayong lalaki. Naisip ko kasi na baka kailangan nitong makasakay at isasabay ko na lang siya palabas ng industrial compound.

Huminto ako sa gilid ng kalsada kung saan naglalakad ang lalaki. Pinatay ko ang makina at ilaw ng motor at nilingon ang lalaki ngunit sa aking pagtataka ay hindi man lang ito huminto nang tawagin ko.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon