Chapter 5

29 8 0
                                    

Natutulog na sana ako ngayon ngunit heto ako, pilit na naghahanap ng wala. Parang naghuhukay ng bangkay na matagal nang inuod at tanging kalansay na lang ang natira. Pero hangga't may natitira, may pag-asa pa.

Mawawalan na sana ako ng pag-asa kanina dahil wala akong mahita mula kay Margie ngunit naalala ko ang pinsan kong pulis na si Elmer. Siya ang palaging takbuhan ko sa mga ganitong pagkakataon na hindi ko alam ang lead sa isang report. 

Alam kong hindi ito parte ng aking trabaho o inutos ng aking boss ngunit ginagawa ko ito ngayon para matahimik ang mga gumugulo sa aking isip. 

Mag-a-alas nuwebe na ng gabi nang makarating ako sa istasyon kung saan nakadestino si Elmer. Hindi na ako pumasok sa loob ng police station dahil alam kong naroon ang boss niya at baka maharang na naman ako sa aking gagawin. 

Ilang beses na rin kasi akong nakaranas ng pamamahiya ng siraulong station commander nila na si Lietenant Colonel William. Ayaw ko nang maulit pa iyon dahil nadala na ako. Kaya naman kay Elmer ako tumatawag sa tuwing kailangan ko ng police report sa area nila. 

"Ano na naman ba 'yun, 'tol? Balita pa rin ba? Natutulog ako eh," pupungas-pungas na wika ni Elmer. Ramdam ko ang pagkairita niya pero alam ko namang hindi ako nito matitiis.

Lumapit ako sa kanya at hinila ang kanyang kamay. Inipit ko roon ang paborito niyang sigarilyo. Inangat niya ito at saka ako tinignan. Ang laki ng ngiti ng loko.

"Suhol na naman. Galawan mo, 'tol, alam na alam ko na," ang natatawa niyang sabi sabay dukot ng lighter sa bulsahan ng kanyang unipormeng plantsadong-plantsado.

Marahan ko siyang sinuntok sa dibdib at napahagikgik na rin.

Narito kami ngayon sa likod na bahagi ng istasyon na isang bakanteng lote. Dito ko siya madalas kitain lalo na kapag naka-duty ang boss niya.

"Ano bang ganap mo ngayon? Wala namang kaso ah, napasugod ka ata," seryoso niyang tanong sabay hithit sa nakasindi nang sigarilyo. Ibinuga niya ito pataas at napapikit pa dahil sa kakaibang dulot nito.

Nilabas ko ang aking cellphone at ipinakita sa kanya ang litrato ng suspek sa capitol bombing at ni Leo, "Pamilyar ka ba sa tato nila?"

Inilapit ni Elmer ang mukha sa screen ng phone at saka pinaliit ang mata habang kinukumpura ang dalawang litrato.

Umayos siya ng tayo at umiling, "Hindi ko alam 'yan. Bakit, magpapatato ng ganyan?" wika nito na akala ko ay nagbibiro. Sadyang mabagal lang siyang mag-isip.

"Tanga, hindi... ito kasi, nitong mga nakaraang linggo, actually mga ilang buwan na nang makaranas ako ng parang trauma na hindi ko maintindihan. Alam mo naman 'di ba na nandoon ako sa sunog sa central jail. Para kasing ano... para bang minumulto ako ng mga nakita ko doon," saad ko. Hindi ko alam kung paano ko ito nasabi kay Elmer dahil takot na takot akong ipaalam sa iba ang nararanasan ko. Siguro nga ay kumportable ako sa kanya.

"Gago amputa, multo? Naniniwala ka do'n? Shet ka naman, 'tol. Sa tanda nating 'to?" reaksyon niya sa aking sinabi. Natatawa-tawa pa ang gago at hindi ako sineseryoso.

Tinitigan ko naman siya ng masama at saka kinurot sa kanyang kanang utong.

"A--aray ko naman! Punyetang 'to. Oh, ano ba kasing meron diyan sa picture? Sakit ha..."

Umirap lang ako at saka muling ipinakita ang litrato sa aking cellphone. Pinalakihan ko iyon at iniharap kay Elmer.

"Sigurado ka bang hindi pamilyar sa'yo 'yan?" umiling lang siya, "sige... eh may alam ka bang Pula-pula gang? Diyan sa mga nakakulong sa istasyon niyo?" dugtong ko pa.

Muli ay umiling lang siya at ibinalik sa akin ang tanong, "Para saan ba 'yan? Detective ka na ba ngayon at iimbestigahan mo 'yang umatake sa city hall?" sabi nito at humithit pa sa paubos ng sigarilyo.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon