Chapter 17

12 6 0
                                    

Walang kahirap-hirap para kay Judah na sundan ang dalawang itim na truck dahil maluwag ang kalsada at mabilis siyang magpatakbo ng sasakyan. Sinadya niya talagang bilisan dahil na rin sa pagmamadali at pagkaaligaga ko sa loob ng kotse.

"Oh basta ha... dito ka lang, ako na ang bahala dito. Tawagan na lang kita pero kung hindi agad ako makabalik, umuwi ka na," paalam ko kay Judah.

Bakas sa mukha niya ang pag-aalala lalo na kanina noong sa biyahe kami na nagsabi pang sasamahan ako sa Little China. 

Huminga nang malalim si Judah habang nakatingin lang sa akin ng diretso. "I believe in you, Oria. Kung ano man 'yang plano mo or mission mo, I support you."

Tumango na lamang ako sa kanya at bilang pangako na magiging ligtas ako sa gagawin kong 'to ay hinawakan ko siya sa kanyang kaliwang kamay na nakapatong sa manibela.

Matapos nito ay kaagad na akong umalis sa pinag-parkingan ng namin sa isang abandunadong building. Suot ang ipinahiram na hooded jacket at shades ni Judah ay mabilis kong tinungo ang entrada ng Little China.

Naroon na ako sa mismong harapan ng malaking arko kung saan naka-ukit ang chinese letters at taon kung kailan ito itinayo. Hindi naman gano'n kahigpit sa komunidad na ito ng mga Chinese at Filipino-Chinese. May mga nagbabantay namang guwardiya sa magkabilang poste ng arko ngunit malayang nakakapasok ang mga taga-labas lalo na ang mga turista doon.

Binilisan ko ang aking lakad para maabutan ang itim na truck na sinusundan ko. Kailangan kong mag-low profile kaya't hindi ko na pinapasok pa ang kotse ni Judah sa Little China dahil baka makahalata ang sinusundan naming truck.

Panay ang lingon at tingin sa akin ng mga tao sa lugar na tila ba kinikilala ako. Nanatili lang ako sa tamang galaw habang nakatutok ang tingin sa truck na mabagal na ang andar dahil sa dami ng mga taong patawid-tawid. Halos lahat ng narito ay mga Chinese at kung may mga Filipino man, puro naman mga security.

Dire-diretso lang ang andar ng truck hanggang sa makarating ako sa central park ng Little China. Naroon ang mga naglalakihang casino at mga hotel na dinarayo ng iba-ibang lahi. Ilang metro lang ang layo ko sa sinusundan kong truck kaya't kitang-kita ko kung saan ito papunta. Huminto naman ito sa isang strip club. Tumayo naman ako sa gilid ng isang puno at pasimpleng pinagmasdan ang truck. Maya-maya pa'y bumukas ang service gate ng club at doon pumasok ang dalawang itim na truck. Umaasa pa naman akong may bababang tao roon.

Hindi na ako nagsayang ng oras at pagkakataon kaya't sumunod ako sa pangalawang truck. May kadiliman sa loob ng lugar na iyon kaya naman magagawa kong makapagtago nang madali.

Nang makapasok na ako sa loob ng service area ng club ay agad kong nakita ang malaking tangke ng tubig. Dali-dali akong lumapit doon at nagtago sa likod. Ilang segundo pa ay narinig ko nang bumukas mga pinto ng truck kasabay ng mga sunud-sunod na pagbaba ng mga nakasakay doon. 

May maliit namang uwang na ginawa kong silipan upang makita kung ano ang mga nangyayari at sino ang naroon. 

"Here... our guest! Welcome to China. How are you my friends?" 

Hindi ko makita kung sino ang nagsasalita dahil nakatalikod ito mula sa pwesto ko ngunit tono pa lang ng lalaki ay alam kong Chinese siya. Buong-buo boses nito at mararamdaman mong isa siyang malaking tao.

"Hi, Mr. Liu. Good to see you again. And yes... finally, you meet my friend and soon to be governor, Julio."

Tila may kung anong sumabog sa loob ko at mabilis na tumibok ang puso ko. Grabe ang kabang nararamdaman ko gayundin ang pagkasabik sa mga susunod ko pang maririnig at malalaman. 

Tama nga ang hinala ko. Hindi nga ako nag-iilusyon sa mga nakita't nasaksihan ko noon. Si Mayor Julio nga ang nakita kong sumakay sa itim na truck na pumunta sa Freedom Island noon. Pero sino naman 'yung isa pang lalaki na sumagot sa Chinese?

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now