Chapter 22

21 6 0
                                    

Nagising ako na hinang-hina at namamanhid ang ilang parte ng aking katawan. Hindi ko alam kung nasaan ako dahil madilim at wala akong makita. Pinilit kong ginalaw ang aking kamay ngunit nakagapos ito sa isang bakal na poste. Nag-e-echo pa sa kinalulugaran ko ang bawat pagtama ng posas sa bakal.

Ilang saglit pa nang marinig kong may naglalakad palapit sa akin. Hinanap ko kung saan nagmumula iyon hanggang sa mapaiktad ako nang may kung anong bagay ang dumulas sa aking mukha. Doon ko lang napagtanto na may balot pala ang aking mukha.

Tulala kong tinignan ang lalaking nakatayo sa aking harapan. Hindi ko mawari kung bakit nanlalabo ang aking paningin at hindi ko siya matitigan ng diretso. Tila ba pinapaikot-ikot ako sa aking kinauupuan. 

"Gising na pala ang superhero reporter. Kumusta ka, Gregoria?" wika ng taong nakatayo sa aking harapan. Babae pala ang isang 'to na inakala kong lalaki dahil sa tangkad at lapad ng balikat.

Pinilit ko namang sinipat kung sino nga ba ang babaeng iyong ngunit hindi ko siya makilala dahil na rin sa suot-suot niyang mask. May kung ano ring device sa kanyang lalamunan na nagbabago sa natural niyang boses pero alam kong babae siya.

"S--Sino ka ba? Anong balak niyo sa'kin?" ang halos pabulong kong sabi.

Gustuhin ko mang sumigaw at buong pwersang magwala sa oras na ito ay hindi ko magawa dahil sa kung anong kemikal sa katawan ko na pumipigil sa akin na bumalik sa tamang wisyo. Ang lakas ng tama sa akin ng itinurok nila sa leeg ko. Hindi pa ako nakagamit ng dogra pero higit pa itong nararanasan ko sa isang lasing.

Umatras ang babae at lumuhod upang magpantay ang aming taas. "Alam mo... hindi naman 'to mangyayari kung hindi ka masyadong pabibo. And you think you're the only one na gumagawa ng stupic heroic act na 'to? No! May mga katulad mong media na should've been enjoying life but instead... chose death. Luckily, small time reporters lang sila sa mga probinsya and you... you are the biggest mole na kailangang sunugin."

Ngumisi ako at pinilit na inayos ang aking pagkakasalampak sa basang sahig, "K--Kung tinatakot mo ako, hindi ako natatakot mamatay. Araw-araw na akong pinapatay ng... ng bangungot dahil sa inyo! Pwe!" 

Nakabwelo ako at naglakas ng loob na duruan ang babaeng iyon sa aking harapan. Tumalsik ang naipon kong laway sa kanyang mask at marahan niyang pinahid gamit ang sariling kamay.

Napakunot ako ng noo dahil bigla na lang siyang tumawa na parang isang baliw, "Kung sa tingin mong nandidiri ko. No, I'm not. Nakahawak na ako ng laman ng tao, natalsikan ng sariwang dugo at higit sa lahat... nakapugot na ako ng ulo."

Napaiwas at napapikit ako nang ipahid niya sa aking mukha ang laway na idinura ko sa kanya. Ikinalat niya iyon sa aking mukha na kusa ring natuyo. Amoy na amoy ko ang sarili kong laway na may kakaibang alingasaw. Tingin ko ay dulot ng droga na itinurok sa akin.

"Ano ba talaga ang gusto mo?" ang mariin kong wika. Medyo malakas na ang aking boses sa puntong ito dahil unti-unti na akong nahihimasmasan.

Hindi naman kaagad sumagot ang babae, sa halip ay dumukot ito sa kanyang bulsa. Mabilis niyang nakuha ang isang maliit na papel at inilahad sa akin. Nang makita ko kung ano nga ba iyon ay biglang kumabog ng malakas ang puso ko at naramdaman kong nag-init ang aking batok at ulo dahil sa naghahalong takot at galit.

"Anong ginawa niyo sa lolo't lola ko? Mga hayop kayo! Papatayin ko kayo! Papatayin ko kayo!" ang buong lakas kong sigaw kahit na hindi pa rin kaya ng katawan ko ang gumalaw nang maayos.

Tumayo ang babae at ibinalik sa bulsa ang litrato naming tatlo ng lolo at lola ko. "Wala naman kaming ginawa sa kanila, sa ngayon, pero kung hindi ka aayon sa gusto ko... well, I'm sad to say na kailangan mo nang magpaalam sa kanila," ang nakakaloko nitong sabi sabay bunot ng baril at nilaro-laro pa sa kanyang kamay.

Dark Sense (Filipino Crime-Thriller Novel)Where stories live. Discover now