Chapter 1

2.9K 107 201
                                    

Chapter 1

"Asia, ano ba 'yan? Kanina ka pa galaw nang galaw diyan sa upuan. Manahimik ka nga at naaalibadbaran ako," mariing bulong sa akin ni Ate Coleen pagkatapos akong kurutin sa braso.

Bakit kasi ang takaw ng pwet ko? Kinakain lagi ang panty ko, e. Pinagagalitan tuloy ako nang nakita niyang panay ako hila ng palda sa likuran habang nasa upuan dahil 'yong panty ko nga, kinakain ng pwet ko.

Hinimas ko ang braso at nakangusong tumingin sa harapan kung nasaan ang aming guro at nagtatawag na ng apelyido. Kuhaan ng card ngayong araw at hindi pa natatawag ang apelyido ko dahil nasa pinakahulihan ito.

"Ate, Jabilee tayo mamaya?" bulong ko.

"Hindi. Manahimik ka diyan. At Jollibee 'yon, hindi Jabilee."

"Pero sabi ni Papa kapag Top 1 ako, bibilhan niyo ako ng Jabilee?"

Palihim niya akong kinurot ulit sa braso kaya mas lalong humaba ang nguso ko at nagtubig ang mga mata. Bakit ba niya ako kinukurot? Kapag naman si Papa ang kumukuha ng card ko, hindi ako ginaganito.

Gusto ko lang naman ng Jollibee. Lalo na 'yong Jolly spaghetti nila. Ang sarap sarap kaya no'n kaya iyon ang paborito ko.

"Manahimik ka sabi. Lalo kitang hindi bibilhan ng Jollibee."

Tinikom ko ang bibig at pinunasan ang mata gamit ang likod ng kamay. Mananahimik na ako para may Jollibee ako!

"Psst! Asia!" sigaw ng kung sino sa labas. "Tagu-taguan tayo!"

Dahil katabi ko lang ang bintana, nakita ko si Sheila kasama ang ilang mga kaklase namin. Ngumiti ako at humawak sa may bintana para dungawin sila.

"Ilan kayo?"

"Lima! Halika! Dali!"

Lumingon ako kay Ate habang nakahawak pa rin sa may bintana. "Ate, laro kami ng mga kaklase ko sa labas."

Tiningnan niya ako nang masama. "Makikipaglaro ka pa talaga. Uuwi na nga tayo pagkakuha natin ng card mo kaya umayos ka ng upo."

Sumimangot ako at umayos na ng upo. Kinalabit ko siya.

"Basta Jabilee tayo, Ate."

"Sabing Jollibee 'yon, Aspasia. Top 1 ka nga tapos hindi mo naman kayang bigkasin nang tama ang Jollibee. Pakabobo."

Bigla niyang diniinan ang siko sa likod ng kamay kong nakapatong sa mesa. Bumilog ang bibig ko at agad binawi ang kamay para hawakan iyon dahil sa sakit. Alam ko namang Jollibee iyon at inaasar ko lang siya pero bakit kailangang manakit?

"Zafe, Aspasia Estiana?" tawag ng guro namin.

Pinandilatan ako ni Ate. "Sige, subukan mong umiyak dito. Hindi kita bibilhan ng Jabilee mo. Sige."

Kinagat ko ang aking labi para hindi makagawa ng ingay. Akala mo diyan, Ate. Isusumbong kita kay Papa kapag hindi mo ako binilhan ng Jollibee!

"Asia, tara na!" Sabay kuha ni Ate Cols ng bag ko sa upuan.

Tumayo na ako at sinundan na siya. Humawak ako sa kamay niya pero iwinasiwas niya iyon. Bumagsak ang balikat ko at tiningala siya pero diretso lang ang tingin niya sa dinaraanan.

Bakit kaya laging galit sa akin 'tong si Ate Cols? Hindi ko naman siya inaaway, e. Ang bait-bait ko nga.

"Asia, uwi na kayo?" tanong ng isa kong kaklase, hinihingal pa.

Tumigil ako sa paglalakad. "Oo. Bukas na lang tayo laro."

"Ano pala ang average mo? Ikaw raw ang Top 1, 'di ba? Galing mo!"

Save to Heart (Student Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon