Chapter 3

2.1K 99 159
                                    

Chapter 3

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit nagagalit sa akin si Ate. Pamilya kami, hindi ba? At kapag pamilya, dapat nagmamahalan. Mahal ko naman siya... pero bakit parang hindi niya ako mahal?

Bakit niya ako gustong iwala? Bakit niya ako gustong mamatay? Kapatid niya ako, 'di ba? Pamilya niya ako, e. Bakit naman gano'n si Ate?

"Ate..." tawag ko sa mahinang boses. "Hindi mo ba ako love?"

Tinitigan ko ang mukha ni Ate na natutulog sa kama niya. Inayos ko ang kumot sa katawan niya at yumuko para halikan siya sa noo. Wala naman akong matatanggap na sagot mula sa kanya dahil tulog na siya. At kung sakali mang gising pala siya at sagutin ang tanong ko, baka harap-harapan lang akong masaktan.

"Mahal kita, Ate, kahit lagi mo 'kong pinagagalitan at kinukurot," sabi ko at malungkot na ngumiti. "Pero sana, huwag mo na po ulit sisigawan si Papa. Siya na lang ang magulang natin saka matanda na siya, e. Hindi po natin dapat binabastos ang mga matatanda lalo na ang magulang natin kung hindi naman nila tayo binabastos. Nag-aalala lang naman si Papa sa 'yo noong umalis ka po nang 'di nagsasabi, e..."

Niligpit ko na ang mga gamit ko para sa school bago inayos ang kama. Dalawa kami rito sa kuwarto at noong wala siya, sinasamahan ako rito ni Papa matulog. Hindi kasi ako nakakatulog nang walang kasama sa kuwarto. Kahit hindi katabi, ayos lang.

Lumabas muna ako ng kuwarto para magbanyo nang matagpuan ko si Papa sa sala, nakaupo sa sofa naming gawa sa kahoy. Nakatulala lang siya at mukhang may malalim na iniisip.

"Papa..."

Napalingon siya sa akin. Lumapit ako sa kanya at naupo sa tabi niya. Ang kanyang braso ay ipinatong niya sa balikat ko.

"Asia, bakit gising ka pa? Maaga pa ang pasok mo bukas."

"Iihi lang po sana ako at matutulog na. Nakita ko lang po kayo rito," sagot ko. "Hindi po ba kayo makatulog?"

Ngumiti siya pero hindi umabot sa mata. Hinawakan niya ang likod ng ulo ko.

"Matutulog na rin ako. Sige na, umihi ka na at bumalik ka na sa kuwarto mo."

"Papa..." Lumabi ako at niyakap siya nang patagilid sa baywang.

"Hmm?" Mahina siyang tumawa at niyakap din ako pabalik bago hinalikan sa ulo. "Naku, naglalambing na naman ang bunso namin..."

"Mag-aaral po ako nang mabuti. Para kapag lumaki po ako at makakuha ng magandang trabaho, hindi mo na po kailangang magtrabaho. Magpapatayo tayo ng malaking bahay at bibili ng sasakyan para hindi na tayo mag-commute. Tapos bibilhin natin 'yong mga gusto nating gamit pati po mga pagkain. Puwede rin po tayong pumunta sa iba't ibang lugar dito sa Pilipinas at sa ibang bansa kapag marami na akong pera!"

Ngumiti ako nang malapad pagkatapos sabihin iyon at tiningala siya. Umangat ang gilid ng labi niya at dumungaw ang kanyang ngipin.

"Aspasia," sambit niya sa malambing na tono. "Magandang isipin na may pangarap ka at alam kong matutupad mo iyon basta't magsumikap ka.

Pero sa ngayon, gusto kong mag-aral ka muna at makipaglaro sa iba. Hangga't nandito pa ako at nag-aaral pa kayo, ako muna ang bahala sa inyo."

Hinalikan ko sa pisngi si Papa. "Love you, Papa!"

"Love you, anak..."

Ngumiti ako.

Hindi madali maging estudyante lalo na kung ang isa sa mga inaabangan mong makita bilang resulta ng paghihirap mo ay ang mga grado. Siyempre, madalas kong inaasahan na matataas ang makukuha kong marka lalo na't pinaghihirapan ko talaga iyon.

Save to Heart (Student Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon