Kabanata I (Fort Galen)

199 8 0
                                    

Tatlong taon, labing tatlong araw at dalawampu't anim na libo-anim na raan at animnapu't apat na oras, sa wakas ay nakamit rin niya ang kan'yang kalayaan mula sa napakadilim na seldang iyon. Tila ba sa pakiramdam niya ay habang buhay na siyang nakakulong. Nanunuyo at nanunuklap ang kan'yang mga labi. May pilat sa kan'yang kanang kilay at may kung anong marka sa kan'yang leeg. Nangangayayat siya sanhi ng kakulangan ng pagkain. Namumugto ang kan'yang mga mata na halos lumulubog na. Tulala pa rin siya at hindi makausap.

"Fort?" Ang nasambit ng paos at pamilyar na boses para sa kan'ya. Matagal na panahon rin ang kan'yang hinintay at pinanabikan na muling marinig ang boses na iyon. Marahan siyang lumingon at makikita sa kan'yang mga mata ang pagkamangha. Sa panaginip na lamang niya nakikita ang mukhang iyon.

"Lolo," ang nasambit ng labi niya kasunod ng pagpatak ng kan'yang mga luha. Luhang akala niya ay naubos na sa araw-araw niyang nakakulong sa lugar na iyon. Napahagulhol ang kan'yang Lolo at niyakap siya ng mahigpit dahil sa wakas ay makakasama na niyang muli ang kan'yang pinakamamahal na apo na matagal na nawalay sa kanila. Ginantihan niya ng isa ring mahigpit na yakap ang kan'yang Lolo upang alamin kung totoo nga ba siya. Hindi iyon panaginip, sa isip niya.

Matapos ang gabing iyon na puno ng katanungan ay ibinigay na ng nakatalagang knights ang karapatan na iuwi siya ng kan'yang Lolo. Pinasadahan pa niya ng tingin ang lugar na iyon bago siya umalis. Helianthus Knight Alliance, iyon ang nakaukit sa isang marmol sa tuktok ng gusali. May lapat ng Baroque Architecture at talagang kamangha- mangha ang headquarter na iyon. Inilipat niya ang kan'yang paningin sa bayan. Iyon ang Capital City ng Narcissus kung saan siya napadpad upang gawing alipin at experimental subject ng mga taong nasa likod ng organisasyon.

Isang mainit na kamay ang kan'yang naramdaman sa kan'yang palad.

"Tara na Fort. Uuwi na tayo sa Alaris," Ang may ngiting nasambit ng kan'yang Lolo Wong, kasunod ng paglanding mula sa himpapawid ng isang kabayo na may hila-hilang kalesa. Napuno ng pagkamangha ang kan'yang mga mata na siyang nagdikta ng ngiti sa kan'yang labi na magpakita ng isang matamis na ngiti, kasunod ng pagsenyas ng kan'yang lolo na sumakay sa nasabing kalesa. Naitanong pa niya na kung doon nga ba sila sasakay at tumango naman ang kan'yang Lolo na kahawig ni Santa Claus.

Halos mapatalon si Fort sa saya. Iyon ang pakiramdam ng kalayaan. Napatakbo siya papunta sa kalesa at sa pagtuntong ng kan'yang mga paa ay isang pamilyar at nakakatakot na mukha ang kan'yang nasilayan.

Isang itim na kalansay na nakasuot ng cloak. Tinanggal pa niya ang hood nito at ngumiti sa kan'ya habang nagliliwanag sa dilim ang kan'yang mga mata.
"Nagkita ulit tayo Fort," ang sabi niya na sandaling nakapagpatigil ng tibok ng puso niya at nagpasikip ng daluyan ng kan'yang paghinga. Inuutusan niya ang kan'yang mga paa na tumakbo ngunit sadyang hindi ito nakikinig. Tila ba paralisado ang buo niyang katawan ng marinig ang kan'yang tinig at maramdaman ang kan'yang presensya. Pakiramdam niya ay may kumakayap na kung ano sa kan'yang katawan na nagpahiyaw sa kan'ya ngunit tila ang sigaw na iyon ay hindi naririnig.
"Hindi mo ako matatakasan," ang dagdag pa niya kasunod ng nakakatakot na halakhak.

Akala niya ay tapos na. Akala niya ay malaya na siya.
"Fort!" ang sigaw ng isang tinig. Sa una'y mahina lang ang tinig ngunit palakas ito ng palakas. Paulit- ulit siyang tinatawag. Nakaririnig rin siya ng mga batang umiiyak. Akala niya ay iyak iyon ng mga batang kasama niya sa selda ngunit hindi...

Sa huling pagkakataon ay tinawag siya ng tinig na siyang gumising sa kan'yang pagkakahimbing.

Halos mapaos ang kan'yang Lolo habang kaliwa't kanan siyang sinasampal. Ni hindi na rin nito napansin na siya ay nagising na. Kwenelyuhan pa siya at malakas na isinigaw ang kan'yang pangalan sabay ng paghinga sa kan'yang mukha. Narinig pa niya ang pag-galasgas ng halak sa kan'yang lalamunan na ikinangiwi niya.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now