XVIII (KKK)

11 1 0
                                    

KATAPANGAN. Iyon ang tamang salita upang ilarawan ang nakikita ng mga mata ni Lee. Ang berdeng liwanag na nag-aapoy sa kan’yang mga mata ay simbolo ng kan’yang katapangan at kagustuhan ng kan’yang puso. Alam niyang ibang Fort Galen na ang kaharap niya. Sa pakiwari niya ay siya ang naging mitsa upang magising ang natutulog na lakas ng isang Fort Galen.

Umangat ang sulok ng labi ni Lee dahil alam niya kung kailan siya lalaban at alam niya kung kailan siya aatras. Pero sa pagkakataong iyon ay mabilis niyang kinuha ang kan’yang espada kasabay nang pagtakbo sa hagdanan ng Ecclesia na patungo sa mataas na parte ng simbahan. Napapangiwi pa siya sa sakit na nararamdaman niya habang pilit na hinahawakan ang espadang hindi nararapat hawakan ng isang healer. Sa pagbukas niya ng pintuan ay sumalubong sa kan’yang mukha ang malamig at dumadaluyong na hangin. Tumambad din sa kan’ya ang isang mahabang tulay na nagdurugtong sa isa pang malaking sambahan ng mga Arcana, na sandaling nagpahinto sa kan’ya. Sandali niyang pinasadahan ng isang tingin ang malawak at nakamamanghang tulay na may lapat ng Gothic Architecture.
Ngunit muli siyang nagpatuloy sa pagtakbo dahil alam niyang maaabutan na siya ni Fort.
“Lee!” ang sigaw ni Fort na kasunod niyang tumatakbo sa matayog na tulay.

Madilim ang paligid at mas nakikita niya ang katingkaran ng liwanag na siyang bumabalot kay Fort. Liwanag na hindi niya nakasanayan.

Subalit kahit anong pagtawag ni Fort sa dating kaibigan ay hindi ito humihinto sa pagtakbo. Wala siyang nagawa kun’di ang magbunsod ng isang pag-atake. Iniangat niya ang kan’yang espada at sinambit ang mahiwagang salita,“Talio!” ang sigaw ni Fort kasunod nang pagbagsak ng tatlong nagliliwanag na espada patungo sa daraanan ni Lee.

Napahinto si Lee at marahang hinarap ang dating kaibigan. Kaagad din niyang binitawan ang espadang sumusunog sa kan’yang balat.

Ilang hakbang papunta kay Lee ang ginawa ng nagliliwanag na si Fort. Itinutok niya ang kan'yang espada sa kaibigan upang iparating sa kan'ya ang kan'yang mensahe.

"Sumuko ka na, Lee," ang saad ni Fort habang matiim na nakatingin sa kan'yang mga mata.
"Patayin mo na lang ako," ang matapang na sagot ni Lee sa kan'ya.
"Ganoon na ba talaga katigas ang iyong puso? Sinabi ko sa'yong ililigtas kita, hindi ba? Pangako iyon na tutuparin ko sa pagkakataong ito!" aniya.
Subalit isang pilit na ngiti ang itinugon niya sa Ginoong manggagamot.
"Walang katuturan ang hangarin mo Fort. Mas gusto ko pang makamit ang tunay na kalayaan sa kabilang buhay kesa mabuhay sa miserableng mundong ito," ang sagot ni Lee.
"Bigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo Lee. Hindi pa huli ang lahat," ang pakikiusap ni Fort at saka itinusok ang mahiwagang espada sa sahig.
Iniabot niya ang kan'yang kamay kay Lee upang iparating ang kan'yang kasagutan sa nais niyang pagtanggi sa tulong na iniaabot niya.
"Gusto kong maabot ang mga kamay ng bawat taong nangangailangan ng aking tulong," ang wika niya kasabay nang pagkawala nang maliwanag na nimbus na bumabalot sa kan’ya.

Napatitig si Lee sa kamay ni Fort na nababalutan ng gwantes na yari sa halamang gamot. Halos masunog ang gwantes dahil sa lakas ng kapangyarihan ng espada. Alam niyang nanaliksik si Fort upang makahawak ng espada at dahil hindi lingid sa kan’ya na may angking talino si Fort, kaya't namangha siya nang nagawan niya ng paraan ang limitasyon na sinasabi ng lahat. Hindi katulad niya na tinanggap na lamang ang mga sugat sa palad niya, upang makahawak ng sandata, katulad ng pagtanggap niya sa kasalukuyang buhay niya.
"Walang-wala ako kumpara sa'yo Fort," ang nasambit niya na ikinabigla ni Fort na nakaramdam ng pag-asa na mababago ang isipan ng kaibigan.

Subalit mabilis na tumayo si Lee at pinalabas ang kan'yang matatalim at mahabang kuko, at isang pag-atake ang ginawa niya patungo sa direksyon ni Fort na siyang tumagos sa kan'yang sikmura.
"Sinabi ko na ang kasagutan ko. Kasalanan mo kung naniwala kang magbabago pa ang isip ko," ang saad ni Lee na marahas na hinugot ang kan'yang mahahabang kuko sa katawan ni Fort.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon