KABANATA XI (Malaya Trese)

11 1 0
                                    

PAGSABOG mula sa Hilagang bahagi ng Narcissus ang siyang sandaling nagpaliwanag sa kadiliman ng gabi.

Sandaling iwinalay ni Persia ang kan’yang paningin sa nagdadalamhating si Fort Galen at saka itinuon ang pansin sa nagsasagupaang itim at pulang salamangka na gumagawa ng malakas na pagsabog at nagpapaliwanag sa madilim na siyudad.

“Nasa bingit ng kamatayan ang Kapitan,” ang may pangambang nasambit ng patpating manggagamot na madaling nagbigay ng impormasyon sa kung ano ang diagnosis niya base sa tibok ng puso ng Kapitan ng Helianthus, na malinaw niyang naririnig kahit milya ang layo nila sa lokasyon nito.

Lihim na napakuyom ng kamao si Emma kasabay ng pagtagaktak ng pawis niya mula sa kan’yang noo patungo sa kan’yang baba.

“Ibinababa ko na ang kautusan. Bilang Bise Kapitan ng Helianthus, ibinibigay ko ang aking permiso para ang lahat ay sumabak sa laban,” ang saad ni Miss Emma na nakapagpatikas sa tindig ng kan’yang mga nasasakupan.

Sabay-sabay silang sumaludo sa Bise Kapitan ng Helianthus at sinunod ang planong binuo nila bago pa man sila magtungo sa lugar na iyon.

Kalkulado ang bawat galaw. Walang kilos na hindi pinag-iisipan. Bawat natitirang kalaban ay matagumpay nilang napatumba dahil sa kanilang galing at pagtutulungan. Kahit ang mga Kapitan ng kabilang pangkat ay namangha sa galawan ng Helianthus Knights.

Ngunit nang marating ng Helianthus Knights ang lokasyon ng kanilang Kapitan ay nasaksihan ng lahat ang pagragasa ng nakakapangilabot na itim na salamangka na siyang sasalpok sa halos walang kalaban-laban nilang Kapitan.

“Kapitan Cody!” ang sigaw ng Helianthus Knights bago pa man ito tumama sa bugbog-sarado nilang Kapitan. Nakita pa nila ang pangngisi nito na para bang sinasabing sila na ang bahala sa kanilang pangkat.

Hindi makakalimutan ng lahat ang gabing tila bangungot pa rin sa kanilang alaala...

May dalawang Linggo na rin ang nakakaraan at makikitang halos nakakabangon pa lamang ang parteng iyon ng Narcissus, mula sa pagkasira. Natatanaw iyon ni Aldos, ang patpating manggagamot, mula sa bubog na bintana ng Headquarter. Malungkot iyong tanawin para sa kanila kaya’t minabuti niyang iharang ang kurtina at muling ituon ang paningin sa mga taong naroroon sa pribadong opisina ng Helianthus para sa isang pagpupulong.

Katahimikan ang namumutawi sa apat na sulok ng pribadong opisina ng Helianthus Headquarter, na kahit ang pagkalaglag ng karayom sa sahig ay magiging alingawngaw sa pandinig. Bibihira sa patak ng ulan na magtipon ang tatlong Kapitan ng Ragnar, kasama ang kanilang mga Bise Kapitan na inirerespeto, saanmang panig ng mundo.

“Ano na ang balak ninyo Cody?” ang tanong ni Kapitan M na nakatuon ang paningin kay Kapitan Cody na pagkalipas ng dalawang Linggo ay maayos na ang kalagayan.

Hindi makapaniwala ang lahat na makakaligtas ito sa bingit ng kamatayan dahil sa malakas at solidong pagtama sa kan’ya ng salamangka ni Hellebore, ay halos hindi na nila alam kung humihinga pa ito. Halos sunog ang katawan at namumuti na ang mga mata.

Ngunit nakakagulat na ngayon ay nakagagalaw at matino na nilang nakakausap.

“Ano pa nga ba?” ang maikling sagot ng Kapitan ng Helianthus na halos nahihirapan pa ring magsalita dahil sa sakit na patuloy na dumadaloy sa kan’yang katawan, bagaman mukha nang maayos ang kan’yang lagay.

“Hindi ako makapaniwala na talaga palang matagal mamatay ang ligaw na damo,” ang banat ng pinakabatang Kapitan ng Ragnar, si Percs, na kaagad na binatukan ng isang di katandaang babae, ang Bise Kapitan ng Chrysanthemum Knight Alliance, si Miss Minerva. Nakasuot siya ng kan’yang old-fashioned style na damit at salamin na mukhang makapal ang grado, at kapansin-pansin ang maayos na pagkakatali ng buhok.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now