Epilogue

30 2 1
                                    

Tatlong buwan, ang lumipas pagkatapos ng marahas at madugong pakikipagsagupaan sa mga mutant at kay Hellebore. Ang kapayapaang ipinaglaban ng mga Ragnar Knights ay tuluyan na nilang nakamtan. Sa tulong ng pagtutulungan ng matatapang na knights ng Ragnar.

Nang dahil sa isang healer knight na nagbuwis ng kan'yang buhay kapalit ng mas matingkad, makulay, at mapayapang buhay ng mga susunod na henerasyon.

Matapos ng madugong labanan na nagtapos sa Alaris, ay naging mas maayos na ang sistema ng Ragnar. Si Magnus Indominus ang naging pinuno ng Arcana, matapos matagpuan si Padre Silas, na tila isang dagang pinatay sa kan'yang silid, na pinaghihinalaang nilason gamit ang substance na strychnine, mula sa isang halaman na Strychnos nux-vomica. Mas pinagbuti ni Magnus ang sistema ng Ragnar at nakipagkasundo siya sa bagong pinuno ng Narcissus na si Ozwald Roux na nagawang malinis ang pangalan matapos mapasuko at mapaamin si Morris Dargan na nakaaalam ng sekreto ng pamilyang Ragnild. Nagdiwang ang lahat sa pagbabalik ng isang Roux sa trono. Matapos muling ibangon ang nasirang Narcissus at muling mapanumbalik ang ekonomiya, naging unang proyekto ni Oz ang pagpapatayo ng mga pagamutan, alinsunod sa propesyon ni Fort.

Ibinalik rin sa puwesto sina Kapitan Percs at Kapitan M samantalang tinanggihan naman ni Kapitan Cody ang pagbabalik serbisyo. Sa halip ay ipinagkatiwala niya ang posisyon kay Zhou ang kapatid ni Chen na inakala niyang patay na. Bumalik naman sa serbisyo si Miss Emma at nanatiling Bise Kapitan na kinakatakutan ng Helianthus, at upang masuportahan ang kan'yang magiging kabiyak na si Zhou.

Si Chen naman ay mas pinili rin ang pananatili sa Helianthus upang matuto pa sa ilalim ng pagsasanay niya sa mga kamay ng kan'yang kuya Zhou. Paunti-unti ay natutong magtiwala at makisamalamuha sa ibang tao.

Si Bank ay ginawaran rin ng mataas na ranggo at pinagbubuti ang pakikitungo at pagsasanay sa mga bagong knights lalo na sa mga healer na pinili ring maging kabalyero katulad ni Fort Galen. Paunti-unti ay tinutupad rin niya ang pangako niya sa kan'yang sarili, na makapagpatayo ng isang laboratoryo para sa mga mananaliksik at mga manggagamot na tumutuklas ng lunas sa mga sakit.

Si Persia Gilmore naman ay nanatili ring kabalyero ng Helianthus Knight Alliance upang masiguro ang pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang bayan. Nagkaroon rin ng promosyon sa kan'yang ranggo at tumutulong sa mga baguhang kabalyero ng Ragnar. Higit sa dati ay naging subsob at dedikado sa kan'yang tungkulin simula ng mawala si Fort.

Nagkaroon rin ng mas matibay na kasunduan sa ilalim ng tatlong bansa upang sugpuin at tuluyang burahin ang puno't dulo ng lahat. Nagkaroon rin ng malawakang clearing operation upang galugarin ang mga nasabing clandestine laboratory sa ilalim ng siyudad ng mga bansa. At swerteng dalawang daan at isa ang tuluyang nailigtas mula sa Underworld prison. Subalit bagaman maraming nakaligtas ay marami rin ang nasawi. Ilang bangkay at kalansay ang siyang binigyan ng maayos na libing pagkatapos ng malawakang paggalugad sa mga pagawaan ng ipinagbabawal na gamot at salamangka.

Samantalang ipinagkatiwala naman ni Persia ang formula ng isang antidote na si Fort Galen mismo ang tumuklas, sa mga healer na eksperto sa paggawa ng mga gamot. Nagkaroon rin ng ibayong pag-aaral sa nasabing antidote at ang pagmonitor sa posibleng side effect at adverse drug reaction, nang magsimula nang ipamahagi ito sa mga tao, nagkaroon man ng exposure sa Midnight pills o wala.

Samantalang ang baryo na naiwan ng mag-Lolo na sina Wong at Fort ay nagkaroon na ng bagong manggagamot, si Aldos, sa kautusan ni Oz. Katulong ang munting binibini na si Feng at ang batang monghe na si Banzan.

Kada araw na pahinga ni Persia ay dinadalaw niya ang himlayan ni Fort Galen. Nag-iiwan siya palagi ng isang bulaklak at nagsisindi ng kandila. Ipinagdarasal ang kan'yang katahimikan. Ngunit isang bagay ang palaging bumabagabag sa kan'yang isipan. Tila ba hindi naaagnas ang kan'yang katawan katulad ng palaging sinasabi nina Bank at Luther, na palagi niyang kasa-kasama sa pagbisita.

Ikatlong buwan ng pagkamatay ni Fort Galen, suot ang kan'yang uniporme, dala-dala ang isang bungkos ng chrysanthemum ay muli niyang dinalaw ang kan'yang naging himlayan. Isang maliit na kuweba na natatakpan ng isang bilog na batong pintuan.

Ngunit nagtaka siya nang makitang nakabukas ang bilog na batong pintuan. Inakala pa niyang may iba itong bisita bukod sa kan'ya. Subalit labis niyang ikinabigla nang makitang nawawala ang kan'yang bangkay.

Ipinagbigay alam niya iyon sa kanilang Kapitan na mabilis na ginawan ng agarang aksyon. Nagulantang ang bawat bansa sa palaisipan sa pagkawala ng katawan ng Healer Knight na si Fort Galen. Kumalat ang haka-haka na baka nabuhay nang muli ang healer knight. Ngunit ilan naman ang komokontra na hindi siya nabuhay at maaaring nilapa ng mabangis na hayop ang kan'yang bangkay.

Walang nakasisiguro. Walang tiyak na nakakaalam ng tunay na nangyari.

Ganoon na lamang ang pag-iisip ng bagong Hari ng Narcissus sa kaibigang si Fort Galen kaya't nag-utos siya na imbestigahan ang pangyayari.

Subalit walang kahit na anong bakas ang iniwan ng tao o hayop o halimaw na maaaring dahilan ng pagkawala niya. Wala.

Isang umpukan ang naririnig ni Persia nang sandali siyang bumaba ng kan'yang silid upang kumuha ng isang mainit na tsokolate.

Ngunit hindi niya pinaniniwalaan na maaaring mabuhay pa ang Ginoong manggagamot. Sa tindi ng tinamo niyang pinsala mula kay Hellebore ay hindi na siya mabubuhay. Tatlong buwan na rin noong mamatay siya.

Muling umakyat si Persia sa kan'yang silid upang ipagpatuloy ang pagbabasa ng isang libro na ipinakita sa kan'ya ni Fort noon. Ngunit bago pa man siya makabalik sa kan'yang maliit na lamesa ay isang uwak ang nakita niyang gumagawa ng ingay sa bintana sa kan'yang viranda. Akala niya ay isang mensahe mula sa kung saan, ngunit kaagad na umalis ito at lumipad sa himpapawid kasabay ng pagdaluyong ng hangin sa kan'yang silid na naging dahilan ng pagkalat ng mga dokumento, na labis niyang ikinairita. Muli niyang isinara ang malaking bintana at nagsimulang pulutin ang mga nagkalat na papel. Hanggang sa mapansin niya ang isang pinagtagni-tagning libro na itinatago niya sa kan'yang maliit na cabinet. Nakalabas na ito sa hindi niya malamang dahilan.

Ngunit mas piniling ipagsawalang bahala dahil marahil siya lang din ang naglabas ng librong iyon. Ngunit tila naging mahiwaga sa paningin ni Persia ang libro, kaya't sa ikalawang pagkakataon ay binuklat niya ito hanggang sa kahuli-hulihang pahina ng libro. Ngunit nabigla siya.

"Nawawala ang ika-dalawampu't limang pahina," ang saad ni Persia na mabilis na napatakbo sa kan'yang viranda. Pilit na hinahagilap ng kan'yang mga mata ang taong iyon.

"Buhay ka," ang bulong ni Persia nang may ngiti sa labi.

Umaasa at nananabik na muling masilayan ang kan'yang muling pagbabalik. Ang pagbabalik ng taong nagbigay sa kan'ya ng dahilan upang matutong magpatawad, magsakripisyo para sa ibang tao, at tumulong ng walang hinihinging kapalit. Ang taong nagpakita sa kan'ya ng tunay na kahulugan ng katapangan at kabayanihan, si Fort Galen— ang matapang na healer knight.

—WAKAS—

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now