KABANATA V (Kahilingan)

17 2 0
                                    

Nakabibinging katahimikan ang nangibabaw sa loob ng Faris arena. Mahahalata ang pagkabigla sa karamihan ng aplikante na naroroon nang makita ang hindi malamang pagkatumba ng lalaking may dalawang espada. 
“Anong nangyari kay Neo?” ang bulong ng isang lalaking aplikante na napahagikhik pa ng bahagya. Ngunit mabilis na nagbago ang ekspresyon ng makita ang galit na hitsura ni Neo.
“Sasabog na naman si Neo,” ang bulong ng isang aplikante na sa palagay ni Fort ay kilalang-kilala na ang ugali ng lalaking may dalawang espada. At tama nga ang aplikanteng iyon. Nagsimula na ang katakot-takot na ingay na kumuha sa atensyon ng tatlong Kapitan ng tatlong tinitingalang pangkat.
Kwenelyuhan pa ni Neo ang isang aplikante na sa tingin niya ay tumulak sa kan’ya.
“Maniwala ka Neo hindi ko ginawa ‘yon,” ang saad nito na ikinahabag ng ilan. Ang walang kamalay-malay na aplikante ay nadamay sa walang pakundangan niyang bintang.

“Kung gano’n ay sino?” ang tanong niya na sa paningin nila ay nagmamadaling malaman ang tunay na may sala sa kan’yang pagkapahiya sa karamihan ng tao.

“Tigilan mo na iyan Ginoo. Nagiging dahilan ka ng pagkaantala ng pagsusulit!” ang pagsaway sa kan’ya ng isang opisyales ng Faris. Alam ni Neo na wala sa mga iyon ang siyang natatakot sa kan’ya kahit na kilala pa ang angkan nila.
Muling ibinalik ni Neo ang paningin sa payatot na lalaki at saka ito binitawan, kasunod ng pag-ikot ng kan’yang paningin sa mga taong naroroon. May pagbabanta ang mga titig na iyon, na nagpatindig ng balahibo ng ilang mga taong naroroon. Akala nila’y hindi siya makikinig sa opisyales ngunit mas pinili niyang manahimik at ikalma ang sarili.

Nakahinga ng maluwag ang ilang mga aplikante nang bahagya siyang huminahon ngunit hindi nawala sa kanila ang katanungan sa kung sino nga ba ang tumulak sa Ginoo. Sino ang naglakas loob na ipahiya ang isang Neo Gundersen sa maraming tao at ano ang motibo ng taong iyon sa kan’yang ginawa?

Matapos nang sandaling pagkaantala ay ipinagpatuloy ulit nila ang pagsusulit at sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ng kaba ang mga aplikante at nabalot ng matinding katahimikan ang Faris Arena dahil sa matagal na pagpili ni Kapitan M sa susunod na magtutunggali, kaiba sa pagpili niya kanina na mabilisan at mukhang hindi pinag-iisipan.

“M, pwede bang h’wag mo nang dagdagan ang pagkabagot ko?” ang saad ng pinakabatang Kapitan sa kanila, si Percs. Sinundan pa niya ang kan’yang komento  ng mahaba niyang paghikab kaya natigilan si Kapitan M at napahinto sa paghimas sa kan’yang hindi kalaguang balbas.

“Si Neo Gunderson, anak siya ni Leon, hindi ba?” ang tanong ni Kapitan M.

“Oo. Malayo sa kan’yang ama ang pag-uugali. Siguradong sakit ang batang iyan sa ulo,” ang sagot ni Percs na hindi nabubura ang nakaguhit na pagkabagot  kan’yang mukha.

“Wala akong pakialam sa pag-uugali kung magaling naman. Madali lang namang pumutol ng sungay,” ang sagot ni Kapitan M sa kanila na nakapagpahagikhik kay Percs nang makitang itinuro ang lalaking may dalawang espada, si Neo Gunderson.

Muling naging maingay ang arena nang mapuno ang paligid ng maliliit at mahihinang bulungan nang ituro ni Kapitan M ang lalaking may dalawang espada. Mababakas sa kanilang reaksyon na hindi nila gustong makalaban ang taong iyon, na napansin ng tatlong Kapitan at naging dahilan upang muling sandaling maantala ang pagpili sa makakalaban nito.
Napatingin naman si Fort sa itaas kung saan nakaupo ang tatlong Kapitan. Nasaksihan rin ni Fort ang paglapit si Bank kay Kapitan Cody na nagbigay na sa kan’ya ng senyales na maghanda na. Napangisi si Fort, dahil sinisiguro na ng panot na knight na iyon ang kan’yang pagkatalo. Lihim niyang naikuyom ang kan’yang kamao. Malinaw niyang naririnig na ayaw ng mga nakapaligid sa kanila na makaharap ang taong iyon dahil alam na nila ang gawain nito. Ang mandaya. Ang gumamit ng black magic.
Isang madaliang desisyon ang ginawa ni Fort sa natatanging oras na iyon. Alam niyang hindi maisasambulat sa mga tao ang tahimik na katotohanan kung walang magtatangkang isigaw ito.
Hindi pa man itinuturo ang magiging kalaban ni Neo ay naglakad na si Fort sa gitna ng arena na ipinagtaka ng lahat at nagpaguhit ng ngiti sa labi ni Oz na binalak rin ang kan’yang plano.
“Pasensya na po sa aking kalapastanganan,” ang saad niya at yumuko sa tatlong Kapitan. “Pero hinihingi ko na makadwelo ang lalaking ito,” ang matapang niyang pakikiusap sabay turo sa lalaking nagngangalang Neo.
Natigilan ang tatlong Kapitan sa kan’yang pagpipresenta na makalaban ang lalaking alam nilang kinatatakutan na makalaban ng lahat, base sa naging reaksyon ng mga aplikante ng ituro siya ni Kapitan M, pero iba ang binatang iyon. Iba si Fort Galen.
Muling lumapit si Bank sa Kapitan ng Helianthus Knight Alliance.
“Kapitan, siya na po iyong sinasabi ko,” ang naturan ni Bank.
“Siya ‘yong healer?” ang tanong ni Kapitan Cody na tumaas ang kanang kilay habang nakatingin sa manggagamot na naghahangad na maging knight ng Ragnar na kaagad na sinagot ni Bank ng pagtango.
“Healer na hindi maaaring gumamit ng sandata? Paano niya matatalo ang isang bihasang swordsman?” ang tanong ni Kapitan Percs mula sa kabilang dulo ng hanay ng Kapitan.
“Bakit hindi natin subukan?” ang saad ni Kapitan Cody na siyang dapat na pipili ng makakatunggali ni Neo.
Muling napuno ng bulungan ang Faris Arena sa pagtugon ng Kapitan mula sa Helianthus tungkol sa pagpayag niya sa kahilingan ng aplikanteng si Fort Galen.
Isang malakas na sigawan naman ang namutawi mula sa mga manonood sa loob. Tila ba nagkaroon ng siklab ang arena dahil sa matinding tensyon sa pagitan ng dalawang aplikante. Si Neo na anak ng isang bihasang swordsman katulad ng kan’yang ama laban sa walang pangalang lalaki mula sa angkan ng mga healer. Isang lalaking may matinding disbentaha sa larangan ng pakikipaglaban.
Nagkaroon ng palihim na pustahan ang mga manonood at karamihan sa kanila ay pumusta sa anak ng swordsman. Iilan lang ang naniwala kay Fort.
“Simulan na ang laban!” ang nasambit ng tagahatol sa kanilang laban na siyang nagpadagundong ng ingay sa loob ng arena.
Ngunit sa unang segundo ng laban ay natahimik ang paligid. Nasaksihan nila ang paghugot ni Neo ng isa niyang espada at inihagis sa harapan ni Fort.
“Gamitin mo iyan. Ayoko namang magmukha kang kaawa-awa sa ating magiging laban,” ang sabi ni Neo na nagpangisi kay Fort at saka sinipa pabalik ang espada ni Neo pabalik sa kan’ya.
“Alam mong hindi kami pwedeng humawak ng kahit na anong sandata, hindi ba?” ang saad ni Fort, isang bagay na nakapagpakunot sa kilay ni Oz at nagpabalik sa kan’yang alaala sa gabing iyon.
“Alam ko. Kaya nga nagtataka ako. Ano ang gagawin mo para matalo ako? Samantalang libro lang naman ang kayang hawakan ng katulad ninyong mga healer,” ang sabi ni Neo ngunit napangisi si Fort dahil ang theoryang iyon ay matagal na niyang binali. Matagal na niyang ginawan ng pag-aaral.
Isang kulay berdeng nimbus, isang tila usok na umiindayog sa hampas ng hangin ang bumalot kay Fort, at sa kan’yang mga paanan ay lumabas ang simbolo ng kulay berdeng simbolo ng biohazard kasabay ng paglabas ng parehong simbolo sa kan’yang kanang mata.
“Carta!” ang bulalas ni Fort kasunod ng paglitaw ng isang nagliliwanag na kulay berdeng libro na may simbolo  ng mga griyego. Gumuhit ang antisipasyon sa lahat ng mga aplikante at ilang manonood.
“Ano ba iyan? Ebers papyrus? Wag mo akong patawanin. Parang gusto mo pa yata akong gamutin,” ang naturan ni Neo.
Ngumiti si Fort.
“Parang ganoon na nga. Gagamutin kita sa kahibangan mo,” ang sagot naman ni Fort.
Ibinuka niya ang kan’yang palad sa harap ng libro at mula roon ay isang di maubos na karayom ang lumutang papunta sa deriksyon ni Neo. Mabilis ang mga karayom ngunit maliksi rin ang katunggali ni Fort, na mabilis na sinalag ang mga karayom gamit ang kan’yang espada. Napwersa niyang mapaalis si Neo sa kan’yang kinatatayuan, hindi na masama para sa isang taong hindi naman mandirigma. Halos mapihit ang kanilang puwesto na siyang dahilan para makita naman ng ilang manonood ang kanilang reaksyon.
Makikita ang nag-uumapaw na determinasyon at tapang sa mga mata ng isang Fort Galen, isang dahilan upang pumanig sa isang manggagamot ang ilan.
“Iyon na ba ‘yon?” ang tanong ni Neo na nagpalabas ng kulay asul na nimbus. Isang awra ng isang natatanging salamangkerong kabalyero.
Pinadaloy niya ang kulay asul na awra sa kan’yang espada na warimo’y usok na sumasayaw sa bawat wasiwas.
“Ako naman. H’wag kang gagalaw. Mabilis lang ito, parang kagat lang ng langgam,” ang naturan ng bihasang swordsman.
Isang mabilis na pag-ulos ng kan’yang espada ang sinubukan ni Neo na kahit iniwasan ni Fort ay siyang gumuhit ng init sa kan’yang braso.
Sandaling nakalimot ang mga manonood na huminga dahil sa matinding laban.
“Walang magagawa ang pag-iwas!” ang nasambit ni Neo kasunod ng isa pang pag-atake. Ngunit napangisi si Fort dahil iyon na ang intensyon niya sa simula pa lang, ang pagpwersang magpalit sila ng pwesto at kunin ang espadang pinabayaan lang ni Neo. Madali niya itong kinuha at ginamit upang salagin ang pag-atake ni Neo at nagpatalsik sa kan’yang espada.
Natahimik ang lugar na kanina lamang ay animo’y sabungan. Nang mapagtanto nilang hawak ni Fort Galen ang espada ni Neo.
Paanong ang isang healer ay nakakahawak ng espada? Isang katanungan sa kanilang mga isipan.

“Kakaiba ka Fort,” Malinaw pa ang boses ng kan’yang Lolo Wong ng unang beses nitong makita na nakakahawak siya ng sandata taliwas sa batas ng Ragnar. Dahil sa kakaibang talento, talino, at pagkauhaw niya sa kaalaman ay naimbento niya ang mahiwagang gwantes na naging lakas niya sa kasalukuyan...

Nanlaki ang mga mata ni Neo at ganoon rin ang mga kapwa nila aplikante habang naging seryoso naman ang ekspresyon ng mukha ng tatlong Kapitan.
Ang healer na si Fort ay hindi man lang natinag nang hawakan niya ang espada ni Neo! Isang kakaibang pangyayari sa tala ng Ragnar.
Napahakbang si Oz pauna, para mas matanaw ang kamay ni Fort at nakita niya ang tila baluting yari sa dahon na nakapalibot sa kamay ng binatang manggagamot.
Nang gabing tulungan niya ito ay sigurado siyang nakita niya itong humawak ng patalim, marahil ay dahil iyon sa mahiwagang gwantes na suot niya.

“Kakaiba ka, Fort Galen!” ang nakangising nasambit ni Oz sa kan’yang isipan.

Itinutok ni Fort ang kan’yang espada sa mukha ni Neo na kasalukuyan ay nagtatagis ang bagang. Tila ba natikman niya ang lasa ng sariling gamot niya. Ang maging kampante dahil hindi gumagamit ng sandata ang kan’yang kalaban ay kahangalan. Nagpabaya siya.
“Sumuko ka na,” ang saad ni Fort sa kan’ya. Ngunit napahalakhak ng napakalakas si Neo, isang halakhak na masasabing nasa sukdulan na siya ng kan’yang kabaliwan.
“Managinip ka,” ang sagot ni Neo kasabay ng paghampas nito sa kan’yang espada. Nagtamo ng sugat si Neo pero umusok ito at mabilis na gumaling.
Nanlaki ang mga mata ni Fort.

“Nagsimula na,” ang nasambit niya sa kan’yang isipan kasabay ng pagkuyom ng kan’yang kamao. Akala niya ay magtatagumpay siyang mapasuko ito bago pa man ang onset of action ng gamot na ininom nito kanina.
Isang malakas na enerhiya ang sumambulat sa mga mata ng mga saksi sa laban na iyon. Hindi matatawaran ang nimbus na ipinamalas ni Neo. Iyon ang isa sa dahilan kung bakit walang gustong makalaban siya. Milya ang pagitan ng lakas ni Neo kumpara sa mga kaedad niya.
Napaigting ang paghawak ni Fort sa espadang hawak niya ng makaramdam siya ng mataas na boltahe ng kuryente sa kan’yang kamay na mabilis na dumaloy sa kan’yang braso at nagpabitaw sa bagay na hindi nararapat hawakan ng isang healer.
Impit na pagdaing ang kan’yang pinakawalan nang masunog ang kan’yang balat. Nawalan na ng bisa ang panandaliang baluti na naimbento niya. Madalas iyon ang kan’yang problema, ang limitasyon niya. Isang limitasyon na hanggang sa kasalukuyan ay pilit niyang nilalampasan sa tulong ng pinagsamang salamangka, siyensya, at medisina.
Muling lumitaw ang kan’yang libro ng mahika at kusang nagbuklat ng mga pahina na nagturo sa kan’ya sa natatangi niyang solusyon sa kasalukuyang kalagayan.
“Kailangan ko na bang gamitin ito?” isang katanungan na siya lamang ang makakasagot.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Donde viven las historias. Descúbrelo ahora