KABANATA XIII (Ang Baliw ng Badhira)

16 1 0
                                    

HUMAHANGOS na mga yabag ang siyang maririnig sa madilim na pasikot-sikot ng underground tunnel, kasabay ng halos naninikip at pigil nilang paghinga.
"Kayanin mo. Malapit na tayong makalaya, Olivia!" ang pabulong na nasambit ng tinig ng kasama niyang lalaki. Gustong-gusto na niyang makatakas. Gusto na niyang matamasa ang tunay na kalayaan na sinasabi niya. Ngunit bumigay na ang kan'yang mga tuhod na hindi na nakikinig sa kagustuhan ng kan'yang utak.
Nakaamoy siya ng kalawang kaya't nasisiguro niyang ang sakit na nararamdaman niya sa kan'yang tuhod ay mga sugat na siyang magiging dahilan ng kanilang pagkahuli.
"Olivia," ang nasambit ng lalaking hindi malaman kung tutulungan pa ba siya o itutuloy ang kanilang planong pagtakas.
"H'wag mo akong iwan dito Peter," ang pagmamakaawa niya habang nakatitig sa mga mata ng lalaking nagbigay sa kan'ya ng dahilan upang umasang makakalaya pa sila.
Subalit tila nadurog ang puso niya ng maaninag niya ang reaksyon ni Peter, sa kakarampot na liwanag na tumatama sa kan'yang mukha. Tila nabura ang kan'yang ekspresyon at naging pangal ang kan'yang mga mata.

Napatungo si Olivia, dahil ayaw niyang masaksihan ang kataksilan ng kan'yang kasintahan. Binalaan na siya ng kan'yang kaibigan na may taglay na kasakiman si Peter. Gagawin niya ang lahat, mailigtas lamang ang sarili, kahit na ang kapalit nito ay ang buhay ng ibang tao, at hindi niya magagarantiya na hindi niya mararanasan ang kataksilan nito. Iyon na ang paulit-ulit na sinasabi ng kan'yang matalik na kaibigan na hindi niya pinakinggan.

Nawalan na ng buhay ang mga mata ni Olivia na nakatulala sa kawalan nang siya ay iwanan ng kasintahan.

Naririnig na niya ang nakakapangilabot na mga yabag. Ang kakaibang angil ng warden ng Underworld Prison. Alam niyang naamoy nito ang kan'yang dugo kaya't natukoy nito ang kaniyang kasalukuyang lokasyon.

Napapikit siya.

Alam niyang sesentensyahan na siya sa kan'yang kahangalan. Matagal pa sana siyang mabubuhay kung hindi siya nagtiwala sa maling tao.

Habang tumatagal ay mas naririnig na niya ang dagundong ng mga yabag ng warden ng Underworld prison. Mas naririnig na rin nito ang nakakatakot na ingay na ginagawa ng naglalaway niyang bibig.

Isa sa batas ng warden ng karit-an, ang kainin ang bawat healer na magtatangkang tumakas. Malamang ay hindi na ito makapaghintay na sibasibin ang bawat parte ng kan'yang laman, higupin ang kan'yang dugo at nguyain ang kan'yang bawat buto.

Tila nagyelo na ang kan'yang katawan sa parehong lugar. Hindi na niya inisip na tumakas pa dahil alam niyang wala na rin namang saysay ang iniisip niya. Kahit anong gawin niya ay mahahanap ng warden ang amoy ng kan'yang dugo na sa tingin niya ay nahuhumaling sa kagaya niya.
"Ginawa mo naman ang lahat Olivia,"
Mga huling salita na kumawala sa kan'yang lalamunan. May tamis ang tinig ngunit may pait kung paano niya ito binigkas. Alam niyang walang makakarinig sa kan'yang munting tinig, maliban sa mga matitibay na ladrilyo, na siyang naging pundasyon upang makulong sila ng mahabang panahon sa mala-karit-ang mundo.

Pinilit niyang ipihit ang sariling katawan upang pagmasdan ang warden na siyang magpapakasasa sa kan'yang katawan. Gusto niyang matapang na harapin ang nakakatakot na katotohanan sa harapan niya.

Bagaman may takot ay pinilit niyang imulat ang kan'yang mga mata.

Matinding kilabot ang kan'yang naramdaman nang makita ang paglapit ng warden na may masangsang na amoy. Subalit labis niyang ipinagtaka ang siyang paglampas nito sa kan'ya na para bang hindi siya nakita.

Ipinihit niya ang kan'yang buong katawan upang sundan ng tingin ang mutant na biglang naging itim na usok at mabilis na nawala sa kan'yang paningin.

Mabilis niyang inilapat sa lupa ang kan'yang tenga na malinaw na naririnig ang mga yabag na alam niyang si Peter.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon