Chapter XXI (Bantay ng Lansangan)

13 1 0
                                    

Tatlong malalaking uwak ang siyang nagtipon-tipon sa himpapawid na gumagawa ng ingay o maaaring senyales. Ipinagaspas ng isang uwak ang kan'yang mga pakpak patungo sa Silangang bahagi ng kagubatan, kung saan naroroong nagsasanay si Oz gamit ang kan'yang lumang espada. Kaagad itong dumapo sa kan'yang braso at naging seryoso ang kan'yang reaksyon nang matanggap ang isang liham. Napatingala siya at nakita pa ang dalawang uwak na lumipad sa magkaibang direksyon, sa lokasyon na alam niya kung saan.

"Magsisimula na," ang nasambit ni Oz na nalalanghap na ang pino, matamis, at matapang ngunit mahalimuyak na amoy ng kapaligiran.

Walong buwan. Iyon na ang panahon na lumipas simula nang magkagulo sa seremonya, sa mismong banal na tahanan ng mga Arcana.

Kumalat sa iba't ibang sulok ng lupain ang pagkamatay ng pinuno at kanang kamay ng Arcana. Katulad ng pagguho ng kanilang sambahan ay pansamatala ring gumuho ang kanilang mithiin sa pagkawala ni Padre Hugo at Mother Superior Wilhelmina. Naging maingay din ang bulungan patungkol sa mga baguhang kabalyero na hindi pa man nagsisimula ang karera sa larangan ng salamangka at pakikidigma, ay binawian na ng buhay. Naging maugong ang usapan, na naging dahilan upang magsimulang matakot ang mga tao. Iyon din ang naging simula ng pagbabago...

Katatapos lang ng taglamig at ngayon ay sasalubungin na nila ang panibagong panahon sa Narcissus. Natutunaw na ang mga yelo sa bubong tanda na patapos na ang tag-niyebe. Tahimik na ang dating maingay na syudad, ibang-iba sa nakaraang walong buwan.

Madilim pa ang mga kalye na naiilawan lamang ng malamlam na ilaw ng mga lampara sa kalsada. Walang katao-tao maliban sa isang lalaki na nahaharangan ang sariling mukha ng talukbong ng kan'yang itim na manto. Naglalakad siya dala-dala ang kan'yang espada sa kan'yang likuran. Hindi nagmamadali ngunit tila nagmamasid sa bawat makikipot na lugar ng lansangan.

Walong buwan siyang hindi nakatungtong sa lugar na iyon. Walong buwan siyang hindi nagpakita sa mga taong alam niyang hinihintay ang pagbabalik niya.

"Tulong!" ang nagmamakaawang sigaw ng isang lalaki sa kung saan. Luminga-luminga ang lalaking nakasuot ng manto at bahagyang sumilay ang mukha niyang natatabunan ng isang gas mask. Nang mapagtanto niya ang lokasyon ng lalaki ay mabilis siyang kumilos upang sumaklolo.
Nasaksihan niya ang pagkadapa ng isang lalaking mukhang sanggano na malalago na ang balbas at mahahalatang lango sa alak. Dahil sa kan'yang bisyo ay kamuntinkan pa siyang mamatay. Hindi ganoong klase ng tao ang nais niyang iligtas, ngunit dahil may sinumpaan siyang tungkulin ay wala siyang pamimilian kun'di ang tupdin ang kan'yang tungkulin. Inilipat niya ang kan'yang paningin sa mutant na naglalaway sa laman ng tao. Napapaisip kung ano ang ginagawa ng kan'yang mga kapwa kabalyero. Tila hinahayaan nilang ganoon lang ang sitwasyon. Tila ang empyerno ay umakyat na sa ibabaw ng mundo.

Hinugot niya ang kan'yang espada na nagliliwanag sa madilim na gabi at saka isang wasiwas ang kan'yang ginawa upang hiwain ng walang kahirap-hirap ang halimaw na uhaw sa dugo at laman. Sumirit ang kan'yang dugo at tumalsik ang ang kan'yang lamang loob na dumikit sa pader ng mga establisyemento.
"Salamat," ang wika ng lasenggerong sanggano, na tila nahimasmasan sa kan'yang nasaksihan. Mabilis na bumangon habang nagkakandarapa sa pagtakbo, upang matakasan ang tila bangungot na sitwasyon niya.

Pumutok na ang liwanag sa buong syudad ng Narcissus kasunod ng nakaririnding sigaw ng isang Ale na naging unang saksi sa madugong kalye. Nagising ang mga tao at pinag-umpukan ang nakakatakot na mutant na wala nang buhay.

"Tawagin ninyo ang mga knights!" ang sigaw ng isang Ginoo.

Agarang pag-responde ang itinugon ng Helianthus Knight Alliance na ikinagulat din ang nasaksihan.
"Mutant," ang nasambit ni Bank nang makita ang lasog-lasog na katawan ng mutant.
"Sino ang may kagagawan nito?" ang nagtatakang tanong ni Luther, isang bagong miyembro ng Helianthus, isang baguhan na  nakakaramdam ng kakaibang pananabik at sa parehong pagkakataon ay takot. 
"Totoo ang mga mutants na pumapatay!" ang saad ng isang batang lalaki na tila noon lamang nakakita sa unang pagkakataon.
"Anong ibig sabihin nito? Akala ko ba ay ligtas kami rito? Anong ginagawa ninyong mga Knights?" ang tanong ng isang residente ng Narcissus.
"Oo nga! Magpaliwanag kayo!" ang pagsang-ayon ng karamihan.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon