KABANATA IX (Kasinungalingan)

22 1 0
                                    

Sumiklab ang kanina'y malamlam na apoy sa puso ni Persia nang makita ang imahe ng dalawang taong haligi ng Helianthus Knight Alliance. Ang magkapatid na Bolton, ang Kapitan at Bise Kapitan nila.

"Kapitan Cody! Miss Emma!" ang bulalas niya ngunit mas nagalak pa ang kan'yang puso nang makita ang paglabas ng isang tao mula sa likuran nilang dalawa, si Bank. Sumaludo si Persia sa kan'ya at ganoon din ito. Ang akala niyang mang-iiwan sa kan'ya ay binalikan siya at kasama pa ang dalawang taong makakatulong sa kanila.

"Cody Bolton," ang nasambit ni Hellebore nang makita ang isang lalaking matagal nang tinik sa kan'yang lalamunan.

"Nakakataba naman ng puso at kilala mo ako?" ang nasambit ni Kapitan Cody habang hawak ang kan'yang malapad at mahabang espada.

"Ang tinik na minsan nang bumara sa lalamunan ay hindi ko na makakalimutan," ang sagot naman ni Hellebore na siyang nagpataas ng sulok ng labi ni Cody.

Gumalaw ang itim na bola ng mga mata ni Cody sa kan'yang nakababatang kapatid.

"Emma, ikaw na muna ang bahala sa kanila," ang utos ni Cody na tila nangangati ang mga kamay sa isang laban na inaasam-asam niya.

"Inuutusan mo ba ako Kuya?" ang tanong ni Emma na nag-iba ang timpla nang marinig niya ang pag-uutos ng kuya niya, isang bagay na pinaka-ayaw niya.

"Sumunod ka na lang. Sinunod ko rin naman ang kahilingan mo hindi ba?" ang sagot ni Cody na pinasadahan pa ng paningin si Fort Galen. Kaisa-isahang healer na naging interesado si Emma.

"Malaki ang pakinabang ng batang 'yan sa atin. Baka nga pasalamatan mo pa ako dahil natagpuan ko siya para sa Helianthus," ang sagot ni Emma na iniwanan ng makahulugang ngiti ang kan'yang nakatatandang kapatid at mabilis na nag-teleport papunta sa ibaba ng hindi kataasang gusali.

Kinuha niya si Fort at si Persia upang ilayo sa lugar kung saan maaaring dumanak ang dugo.

"Salamat sa pagdating ninyo Miss Emma," ang naturan ni Persia na tila ba nagniningning ang mga mata habang nakatingin sa idolo niya pagdating sa pakikidigma at salamangka. Ngunit naging tikom lamang ang mga labi ni Emma. Katulad ng Kuya niya ay ayaw niyang nagiging malapit sa kahit na sino sa Helianthus.

Malayo na sila sa lugar kung saan magaganap ang isang laban. Dinala ni Emma ang dalawa kung saan nagtatago si Zhou, kasama ang ilang mga miyembro ng Helianthus.

"Magaling ang ginawa mo Zhou," ang papuri ni Emma sa tapat na kanang kamay ni Cody at kanilang kababata. Marahan lamang itong yumuko sa kan'ya bilang pagtanggap sa papuri niya.

"Kung kailangan ng tulong ng Kapitan, handa kaming tumulong," ang saad ng chinitang baguhan sa Helianthus na ikinagulat ng ilan. Matapang siya para sa isang baguhan.

"Hindi na. Walang makikialam sa laban ni Kuya," ang sagot ni Emma at saka itinuon ang pansin sa isa pang baguhan na lumapit kay Fort.

"Kailangang malapatan ng lunas ang kan'yang mga sugat," ang saad ni Oz, na sinundan ng pagtikhim ng kung sino. Kaya naman napunta ang kanilang paningin sa direksyon ng pilantud na manggagamot na gumawa ng maliit na ingay.

"Ang ironic hindi ba? Isang healer na kailangang gamutin," ang nawika ng isang patpating lalaki na may suot na bilog na salamin. Sa uri ng kasuotan niya ay sigurado si Oz na hindi siya Knight. Malamang ay isa rin siyang Healer katulad ni Fort.

Nakatutok lamang ito sa paglapat sa kan'ya ng iba't ibang dahon na kung minsan ay sinusunog niya gamit ang isang kandila at inilalapat sa mga sugat ni Fort, kasunod ng pagliwanag ng kan'yang mga palad upang mas mapabilis ang paggaling ng mga sugat ni Fort.

Ngunit habang tutok ito sa panggagamot ay ilang mga anino ang sumulpot mula sa palapag ng rooftop ng gusali, mga taong nakasuot ng itim na manto. Naging alerto naman ang mga knights sa posibleng pag-atake ng grupong ngayon lamang nila makakaharap.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon