KABANATA VII (Resulta)

22 1 0
                                    

NAKAKAIRITANG amoy ng antiseptiko, malamig na hangin, at ang ingay ng Faris arena, ang siyang gumising sa nahihimbing niyang pagtulog matapos niyang mawalan ng malay sa matinding laban sa pagitan nila ni Neo.
"Fort!" ang may pag-aalalang nasambit ni Oz nang makita ang unti-unting pagmulat ng kan'yang mga mata.
"Ayos ka lang ba?" ang tanong pa ni Oz upang malaman ang kalagayan ng binatang manggagamot. Tumango si Fort ngunit sa paningin ni Oz ay naguguluhan pa siya. Tila hinahagilap pa niya ang mga alaala niya bago siya mawalan ng malay.
Nagsimula sa pagkapa ang kan'yang isipan hanggang sa mag-unahan ang iba't ibang kulay, iba't ibang eksena, at impormasyon na bumuo ng kan'yang mga alaala sa kung ano ba talaga ang naganap bago siya nawalan ng malay...
"Persia?" ang nasambit ng kan'yang mga labi na ikinangiti ni Oz at bahagya siyang tinapik sa dibdib.
"Mukhang maayos ka na nga. Nakakapagbigkas ka na, ng pangalan ng isang binibini," ang nakangising pagbibiro ni Oz nang maalala ang pagbagsak ni Fort sa harapan ni Persia.
Isang knight na kilala rin niya dahil minsan na iyong naitalaga para bantayan ang kan'yang ama.
"Tumayo ka na Fort. Ipinapaskil na nila ang mga nakapasa sa pagsusulit," ang saad ni Oz na siyang mabilis na nakapagpatayo sa kan'ya. Naramdaman pa niya ang kaunting kirot mula sa mga sugat na natamo niya sa pakikipaglaban kay Neo. Napansin din niya ang maayos na pagkakatali ng isang panyo sa kan'yang braso. Ngunit mas kapansin-pansin ang halimuyak ng halamang gamot sa preparasyong unggwento, na ipinahid sa kan'yang mga sugat.
Tila pamilyar sa kan'ya ang amoy na iyon pero nagkagulo na ang mga aplikante nang makita na nila ang pagpaskil ng mga pangalan ng mga pumasa sa pagsusulit kaya sandaling nawaglit sa kan'yang isipan ang tungkol sa unggwento.
Napasigaw at napaiyak pa sa sobrang tuwa ang mga pinalad na pumasa sa pagsusulit at pagkadismaya naman sa mga hindi pinalad. Pangarap na mapasama ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga bagong Knights ng Ragnar at tila panaginip iyon para sa karamihan.
"Pumasa ako," ang nasambit ni Oz nang makita ang kan'yang pangalan na para bang alam na niya ang magiging resulta kaya hindi na siya ganoong natuwa.
"Binabati kita Oz," ang pagbati ni Fort nang may lumbay sa kan'yang tinig.
"Ikaw? Pumasa ka rin ba?" ang may pananabik na tanong ni Oz at saka sinipat ang pangalan niya sa tala ng listahan ng mga pumasa. Napakunot ang kan'yang kilay nang malamang wala ang pangalan niya.
"Walang Fort Galen," ang nasambit niya sa kan'yang isipan at saka nilingon ang Ginoo. Tila nalumbay siya kahit na nakamtan niya ang kan'yang tagumpay, ngunit nagluksa ang kan'yang puso para kay Fort.
"Magsampa ka ng apila, Fort! Siguradong may pagkakamali lang sa resulta," ang opinyon ni Oz sa kan'ya, na tinugon niya ng pag-iling.
"Hindi na. Kailangan kong tanggapin ang aking kahinaan at pagkatalo," ang sagot ni Fort at saka nagpaalam kay Oz.
Subalit sa pagpihit niya ng kan'yang katawan ay nakita niya sina Bank at Persia. Nakataas ang kilay ng panot na si Bank habang naka-ekis naman ang mga braso ni Persia.
"Tutupad ako sa napagkasunduan. Puputulin ko ang aking buhok at hindi na muling magpapakita dito sa Narcissus," ang saad ni Fort kaya nagkatinginan sina Bank at Persia na halatang dismayado.
Ngunit humalakhak si Bank nang marinig ang tugon ni Fort.
"Aba! Dapat lang naman. Ambisyoso ka kasi," ang pang-aasar ni Bank na muntik nang patulan ni Oz ngunit pinigilan siya ni Fort nang mapansin niya ang pagguhit ng pagtataka at pagkunot ng kilay ni Persia.
"H'wag kang mag-alala, may isang salita ako," ang sagot ni Fort at saka umalis.
Sinubukan siyang kumbinsihin ni Oz na muling sumubok ngunit buo na ang kan'yang pasya. Maging Ragnar Knight man siya o hindi, babawiin niya si Banzan sa paraang alam niya.
Nagiging mas maingay na ang buong siyudad ng Narcissus lalo na't nagkukumahog na ang mga tao sa paghahanda nila para sa kanilang magiging hapunan.
Ngunit ang karaniwang ingay ay naging mas doble sa pandinig dahil sa isang usap-usapan. Patungkol sa naging pagsusulit ng mga nangangarap na maging kabalyero ng Ragnar. Ngunit pinakasentro ng usapan ay patungkol sa isang binata na hindi nila sukat akalaing susulpot na lamang sa Narcissus tulad ng isang bulalakaw na bumulusok ng walang babala.
"Mukhang maganda ang kitaan natin sa pagka-karpentero?" ang sabi ng tindera ng karne sa Ginoong mapapansing marungis at may patak ng pintura ang damit.
Napatawa naman ang suking karpentero at napatingin sa asawa ng tindera ng karne, na hindi maalis ang paningin sa hawak nitong dyaryo.
"Kumpadre! Ano bang binabasa mo at parang napahiran ng pandikit 'yang mga kilay mo?" ang nasambit ng Karpentero kaya't napalingon ang barakong matadero.
"Ano pa nga ba? Edi tungkol sa pagsusulit sa Faris," ang sagot nito at saka itinupi ang dyaryong hawak ng kan'yang mga kamay kasunod ng mahaba at malalim na pagbuntong- hininga.
"Bumaba na ba ang pamantayan ng Helianthus?" ang dagdag pa nito na nakapagpahalakhak sa karpentero na mukhang narinig na rin ang maugong na balita.
"Baka ganoon na sila nangangailangan ng bagong miyembro," ang sagot ng Ginoong Karpentero..
"Baka naman nabayaran?" ang pagsingit ng kan'yang asawa sa kanilang usapan.
"Siguro nga. Baka naman maharlika at napakiusapan si Bolton na ipasa na lamang siya sa pagsusulit," ang saad ng matadero.
"Ano nga bang pangalan ng binatang iyon?" ang tanong muli ng Ginoong Karpentero.
Nagkatinginan pa ang mag-asawa bago nagawang mahagilap ng kanilang mga labi ang pangalan niya.
"Fort Galen!" ang sabay na nawika ng mag-asawa.
Fort Galen, ang pangalang naging maugong sa pandinig ng mga mamamayan ng Narcissus. Isang healer na sumubok maging kabalyero at nabigyang katuparan ang pangarap.
Palubog na ang araw. Pinaghalong matingkad na kahel at itim ang natatanaw ni Kapitan Cody mula sa bintana ng isang silid. Bahagya pa niyang sinilip ang lumang orasan na gumagawa ng ingay sa pandinig niya.
Saktong ala sais ng hapon, habang lumulubog ang araw sa Kanluran, ay hinarap niya ang dalawang taong pinili niya at pinili rin siya para maging bagong miyembro ng Helianthus Knight Alliance. Inilipat niya ang paningin niya sa dalawang aplikante na kumuha sa atenyon niya. Si Oz at si Chen. Ngunit tila isang tao pa ang hinahagilap ng kan'yang mga mata subalit wala ito. Wala ang taong isa pang taong pinili ni Kapitan Cody upang maging bagong miyembro ng Knight Alliance.
"Binabati ko kayo sa pagpasa ninyo sa pagsusulit. Nagpapasalamat ako at pinili ninyo ang Helianthus para hasain at mas mapaghusay ang inyong mga kakayahan. Inaasahan ko ang inyong pagpapatupad at maging ang pagsunod sa batas ng Ragnar," ang wika ni Kapitan Cody habang pinapasadahan ng tingin si Oz o mas kilala bilang Ozwald Roux.
Si Ozwald Roux sa kasalukuyan ay isang matapat na tagasunod sa palasyo. Bata pa lamang ito ay humahawak na siya ng sandata, kaya hindi na nakakagulat na bihasa na ito.
Inilipat niya ang kan'yang paningin sa isang chinitang babae na may hanggang leeg na buhok. May kagandahan sa hitsura at sa postura ngunit hindi maitatangging may galing sa pakikipaglaban. Parang robotiko na kalkulado na ang bawat kilos at bawat pag-atake.
Napangiti ang Kapitan. Dalawang interesanteng knights ang magiging bagong kasapi ng kan'yang pangkat.
"Zhou, ihatid mo na sila sa Headquarter," ang utos ni Kapitan Cody sa chinitong kanang kamay ng Kapitan ng Helianthus.
Isang mahabang katahimikan, kasabay nang paglukob ng kadiliman sa apat na sulok ng silid na iyon.
"Bank, nasaan na siya?" ang tanong ng seryosong Kapitan.
"Pinilit ko po siya Kapitan, pero kung Helianthus lang din daw ang pipili sa kan'ya ay mabuting h'wag na lang siyang maging kabalyero. Mahirap naman po ang ganoong klase ng tao hindi po ba?" ang saad ni Bank na tila maamong tupa sa harapan ng Kapitan nila. Lumapit pa ito at tila luluwa na ang mga mata habang nakatitig sa mga mata ng matikas na Kapitan ng Helianthus.
"Gusto ba ninyo iyon Kapitan? Parang torong ayaw magpatali. Manunuwag kapag ginusto," ang dagdag pa ni Bank na nakapagpabuntong hininga kay Persia.
Hindi niya gustong makapasok ang binatang Healer pero, hindi sa ganoong paraan. Naiiling na lang siya sa likuran ng kan'yang isipan habang pinapanood at pinakikinggan kung paano makipag-usap si Bank sa kanilang Kapitan. Bihasa na siya sa pagsisinungaling na kahit ang katakot-takot nilang kapitan ay harap-harapan na niyang pinagsisinungalingan.
"Persia," ani Kapitan Cody na ikinatahimik ni Bank at ikinabigla ni Persia.
"Bakit ho Kapitan?" ang tugon ni Persia.
"Kasama ka ni Bank nang kausapin ninyo ang Ginoong Healer. Ano ang naging dahilan niya kung bakit hindi siya sumapi sa Helianthus?" ang tanong ni Kapitan Cody na muntik nang makapagpalunok sa dila ni Bank.
"Kapitan-"
"Tumahimik ka Bank. Hindi ikaw ang kinakausap ko," ani Kapitan.
Sinulyapan pa ni Persia ng tingin ang kan'yang Senior Commandant na panay ang senyas sa kan'ya na manahimik sa kan'yang nalalaman.
"Tinatanong kita Persia. Mahirap bang sagutin ang katanungan ko?" ang saad ng Kapitan na sa pakiwari niya ay lulunukin siya ng buo.
Napayuko si Persia. Hindi yata niya magagawang magsinungaling sa kanilang Kapitan na inirerespeto niya sa lahat.
"Ipagpatawad ninyo Kapitan, pero hindi ko po sinunod ang inyong utos," ang sagot ni Persia na nakapagpangatal kay Bank. Alam niya kung paano magalit ang isang Cody Bolton.
"Alam ninyong ayoko sa lahat ay pinagsisinungalingan ako," ang saad ni Kapitan Cody na marahang ipinapapakita sa kanila ang kan'yang kulay pulang nimbus na kaagad na nagpaluhod kay Bank sa harapan niya. Halos halikan niya ang mga paa ng Ginoong Kapitan dahil sa takot.
"Kapitan patawarin ninyo ako," ang pakiusap ni Bank na sandaling nagpakalma sa nagbabadyang unos.
"Ayusin ninyo ang gusot na ginawa ninyo, saka ko lamang tatanggapin ang pagsisisi ninyo," ang saad niya na nakapagpaluwag ng daluyan ng paghinga ng dalawa.
"Bibigyan ko lamang kayo bago sumikat ang araw, para mapapayag siyang sumapi sa Helianthus," ang babala ni Kapitan Cody.
"Bago sumikat ang araw?" ang tanong ni Bank na nanlaki ang mga mata at umawang ang bibig at tila bumubukal ang kan'yang pawis sa kan'yang lumalapad na noo.
Lihim na napakuyom ng kamao si Persia. Nagbitaw na ng ultimatum ang kanilang kapitan kaya alam nilang hindi na mababago pa ang isipan nito.
"Fort Galen," ang nasambit niya sa kan'yang isipan habang inaalala ang mukha ng manggagamot na may pilat sa kan'yang kanang kilay at paso sa kan'yang leeg at nakangiti sa kan'ya.
Simula sa oras na iyon ay nasa mga kamay na ni Fort Galen ang kanilang magiging buhay sa susunod na ilang oras.
Tuluyan nang nilamon ng dilim ang buong paligid ngunit ang mga pailaw ng siyudad ang siyang nagsilbing liwanag.
Handa na siya sa kan'yang pag-alis para magtungo sa katabing bayan ng Narcissus. Ngunit bago pa man siya umalis ay pinasadahan muna niya ng kan'yang paningin ang buong silid kasunod ng isang mahabang pagbuntong-hininga.
Subalit nagulat na lamang si Fort nang biglang lumitaw ang isang itim na pusa mula sa nakabukas na bintana ng kan'yang silid. Napatingin siya sa mga mata nito na tila ba nangungusap.
Tila ang mga tingin ng mahiwagang pusa ay nahipnotismo ang kan'yang isipan na nagdikta sa kan'yang mga paa na sundan siya.
Matingkad ang kadiliman ngunit hindi nakalusot sa paningin ni Persia at Bank ang binatang manggagamot na wala sa sariling sinusundan ang isang itim na pusa.
Naging ma-ingat ang dalawa sa pagsunod sa binatang manggagamot na habang tumatagal ay kanilang ipinagtaka. Sa pakiwari nila'y mahiwaga ang itim na pusa na sa tingin nila ay may malataong pag-iisip.
Ngunit ang nakaiinip na pagbuntot nila sa manggagamot ay sa wakas natapos rin nang marating ng misteryosong pusa ang isang dead end. Nakita pa nilang hinimas at pinaglaruan ni Fort ang tila maamong pusa na nagliliwanag ang kulay asul nitong mga mata.
"Tigilan na natin 'to Persia. Kausapin na natin ang delingkwenteng 'yan para makatulog na tayo ng mahimbing," ang nabubugnot na saad ni Bank na madali niyang sinang-ayunan.
Subalit sa kanilang muling paglingon sa binatang manggagamot ay nahindik ang kanilang buong katawan nang mula sa kailaliman ng lupa ay umahon sa likuran ni Fort ang isang itim na anino na may masangsang na amoy.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now