Kabanata II (Pagbabalik sa Narcissus)

80 2 0
                                    

Sumasayaw ang mapulang liyab at mas nagniningas ang apoy sa kanilang maliit na pugon, na tila ba nakikisabay sa tahimik na galit ni Fort.

Nagkatinginan sina Ginoong Wong at ang munting binibini na si Feng habang tinititigan si Fort na tahimik na nagdidikdik ng mga pinagsama- sama niyang halamang gamot sa kan'yang marmol na almires. Alam nilang nag-iisip na naman ito sa kalagayan ni Banzan. Makulit at may kaingayan ang batang monghe ngunit masunurin ito pagdating sa kan'ya. Malapit ito sa batang iyon dahil ito ang nagbabantay kapag abala ang kan'yang ina sa paglalabada.

"Fort, hindi ba't kailangan mo ng maghanda para sa pag-alis mo?" ang tanong ng Lolo Wong niya na sandaling nagpahinahon ng kan'yang walang tigil at marahas na pagdikdik.

"Paano ho ako aalis kung nawawala si Banzan?" May pag-aalala at bigat sa kan'yang tinig na nararamdaman ng dalawa.

Napahimas si Ginoong Wong sa kan'yang malago at puting balbas kasabay ng pag-upo niya sa kan'yang paboritong silya at saka pinagdaop ang kan'yang mga kamay.

"Maraming paraan Fort. Pero hindi solusyon ang magmukmok at kalimutan ang sariling pangarap," ang saad niya na matiim na tinitingnan ang kan'yang apo na nangangatal ang kamao sa galit. Nilingon ni Ginoong Wong ang munting binibini na mabilis na naintindihan ang nais nito. Kinuha ni Feng ang dyaryong muling ipinadala ng misteryosong uwak sa kanila ng mas maaga kaysa sa inaasahan nila at mabilis na iniabot kay Fort.

Tulad ng inaasahan ay may ilang kabataang healer ang muling nagbuwis ng buhay sa iba't ibang panig ng Ragnar. Kabilang sa tala ang mga bayan ng Narcissus, Cecillus, Badhira, Tacitus, at Alaris.

Nagpatuloy si Fort sa pagbabasa at muling nakita ang isang pamilyar na pangalan, ang Helianthus Knight Alliance. Ang isa sa pangkat ng mga kabalyerong nangangalaga sa kaayusan ng bayan. Patuloy silang kumikilos magpahanggang sa kasalukuyan upang tugisin ang lider ng Midnight Org. Napatunghay siya at nakita niya ang ngiti ng kan'yang lolo.

"Hindi tumitigil ang Helianthus Knight Alliance sa pagtugis sa demonyong iyon Fort," Ang naturan ni Ginoong Wong.

"At saka, baka bumangon iyong kuya doon sa ilalim ng mga bato," ang pagpapaala ni Feng na hindi na nga lang pala niya iyon buhay.

Ang buhay niya ay para na rin sa mga taong naging dahilan kung bakit siya nananatiling buhay. Mabilis na nagpatiluhod si Fort sa harapan ng kan'yang lolo para humingi ng kapatawaran sa kan'yang kahinaan at para magpasalamat.

Sa kasagsagan ng bukang-liwayway ay umiihip ang malamig na hangin na dumadampi sa kan'yang balat at hinahampas ang halimuyak ng sariwang bulaklak kasabay ng mabangong amoy ng insenso sa harapan ng ilang pinagpatung-patong na mga bato. Doon nakalibing ang kan'yang kaibigang kasabay niyang dinakip ng isang grupo ng mga lalaking nakasuot ng maskarang may mahahabang tuka.

Sabay silang pumasok, ngunit mag-isa na lang siyang nakalabas.

Hindi niya alam kung kapalaran nga ba niya na mabuhay pa pero ang alam niya ay marami siyang magagawa sa buhay na dinugsungan ng buhay ng iba. Kailangan niyang magpatuloy at maging matapang.

"Ito na muna ang huli Rafael. Medyo matatagalan ang pagbabalik ko kaya ikaw muna ang magbantay sa lahat," ang sabi ni Fort nang may ngiti at saka dinampot ang kan'yang malaking bag para sa kan'yang paglalakbay.

"Fort!" ang pagtawag ng kan'yang lolo kasama ang ilang mga kapit-bahay at kabataang naging malapit na sa kanila. Naroroon sila para magbigay ng pansamantalang pamamaalam nang malaman nila ang kan'yang balak na pasukin ang mundo ng mga kabalyero. Binati naman ng ilang mga kabataan ang kan'yang suot na itim na roba na tenernohan ng itim na pantalon at balat na sapatos.

"Ang astig ng hitsura mo pareng Fort. Mas mukha kang delingkwente!" ang bulalas ng isang bunging batang lalaki na kaagad na natakpan ng kan'yang ina ang madulas niyang bibig. Ngunit tinawanan lamang iyon ni Fort. Sanay na siyang napagkakamalang delingkwente lalo na ng mga taong hindi siya tunay na kilala. Bagaman maayos siyang manamit at malinis sa katawan ay hindi maiwasang mapagkamalang masamang tao. Marahil ay dahil sa kan'yang malaking pilat sa kan'yang kanang kilay at ang markang sinunog niya sa kan'yang leeg para makapagsimula ng bagong buhay. Akala niya ay kapag nawala na ang markang iyon, ay makakapagsimula na siya ng isang normal na buhay ngunit iyon siya, at muling papasukin ang madilim na mundo ng salamangka at medisina, ang underworld market.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now