KABANATA XII (Mababaw na Pangarap)

10 1 0
                                    

NABABALOT pa ng kadiliman ang paligid at dumadampi ang malamig na sariwang hangin sa kanilang balat ngunit sila ay handa na.

Handa na sa pag-alis sina Oz at Chen para sa nakatakdakdang paggawad sa kanila ng Arcana ng kanilang badge at Sorcerer's Tarot. Makakasama nila sa paglalakbay sina Miss Emma at ang mga kabalyerong pinili niya upang makasama, sina Persia at Bank.

Isang pamamaalam ang inihanda ng Helianthus Knights para sa pag-alis nila, ngunit isang malakas na halakhakan ang siyang bumungad kay Bank nang makita ang malaking pagbabago sa kan'yang naging hitsura. Inahit na niya ang kan'yang natitirang buhok bilang pagtanggap ng kan'yang pagkatalo sa naging pustahan nila ng binatang manggagamot.

"Bank, mukha kang bolang kristal," ang pang-aasar ni Zhou na kararating lang sa harapan ng Helianthus upang iabot ang kan'yang pamamaalam. Naging maingay ang paligid dahil sa walang prenong komento ng isa sa pinakamagaling na sniper ng Ragnar.

Tila nagmukhang makintab na kamatis ang Senior Commandant ni Persia nang marinig ang sinabing iyon ng Ginoo at ang halakhakan ng mga kasama. Walang magawa si Bank dahil mas nakakataas sa ranggo si Zhou, kaya't sa mas nakakababa sa ranggo ang pinagbalingan niya ng kan'yang pagkapahiya.
"Siguraduhin lang ninyong mapaninindigan ninyo ang kasiyahan ninyo sa pagbabalik ko," ang pagbabanta ni Bank sa lower rank knights, na mabilis na sumeryoso. Alam nilang mapaghigante ang kanilang Senior Commandant sa paraang alam niya.

"Hindi ko inilaan ang oras ko para maghintay sa kan'ya. Hindi pa ba darating ang duwag at madramang lalaki na 'yun?" ang saad ni Chen, ang chinitang baguhan.

Napaisip rin ang mga nakakababang knights at itinuon ang paningin sa pintuan ng Helianthus Headquarter. Isang linggo at tatlong araw na ring nagkukulong ang binatang manggagamot sa kan'yang silid. Naging bulung-bulungan pa na nasiraan na ito ng ulo dahil sa nangyari sa kaibigan. Madalas ring pag-usapan na baka nag-bigti na ito sa kan'yang kwarto at pagala-gala na ang kaluluwa.
"Umalis na tayo," ang pasya ni Miss Emma na sinulyapan ng isang huling tingin ang pintuan ng Helianthus. Nakahinga naman ng maluwag si Chen dahil sa wakas ay may gumalaw na ng baso. Akala niya ay uugatin na siya kahihintay sa isang taong sa isip niya ay baka hindi na humihinga, katulad ng usap-usapan sa Headquarter.
Ilang hakbang na ang kanilang nagagawa patungo sa karawahe nang isang pagtawag ang maulinigan ng lahat.
"Sandali!" ang sigaw ng isang pamilyar na tinig na siyang nagpalingon sa lahat.
"Mahabaging langit! Buhay siya," ang bulalas ng isang matandang Knight na napatingala pa sa kalangitan upang magpasalamat na maigting na niyakap ng tatlo pang Helianthus Knights.
"Crisostomo nanalo tayo sa pustahan," pabulong na nawika ng isa sa lalaking may malaking ilong. Isa sa alintuntunin ng Helianthus ay ang ipinagbabawal ang pustahan lalo na't may involve na pera.
"Pasensya na sa paghihintay," ang dagdag pa ni Fort na may matingkad na ngiti na bumagay sa bagong gupit niyang buhok. Muntik pang bumigay ang ilang mga kababaihang kabalyero nang makita ang mas maayos niyang hitsura.
"Sa susunod ay hindi ka na namin hihintayin. Bawal rito ang mga kilos babae," ang panenermon ni Bank kay Fort na sa halip na matakot ay lumapad pa ang ngiti.
"Hindi ko akalaing seseryosohin mo ang pustahan natin," ang wika ni Fort.
"E, ikaw bakit mo pinutol ang iyong buhok? Hindi ba't nanalo ka?" ang nagtatakang tanong ni Bank.
"Sabihin na lang nating naging tabla tayo sa pustahan. Mahina pa ako at marami pang dapat na matutunan," ang sagot ni Fort. Napangiti naman si Miss Emma sa naging tugon ng binata. Ganoong kabalyero ang gusto niyang masakupan. Isang taong may determinasyong mas pag-ibayuhin ang kasalukuyang kakayahan.
P
Napa-ismid naman si Bank sa hindi niya matanggap na pagdaragdag ng kaayusan sa hitsura ng Ginoo, samantalang siya ay nagmukhang buddha sa paningin ng iba.
"Bagay sa'yo nagmukha ka lalong mamamatay tao," ang pagsisinungaling ni Bank na halatang hindi sinang-ayunan ng karamihan. Tila napaisip si Fort dahil nang sipatin niya ang sariling repleksyon sa salamin ay naging mas maayos ang paningin niya sa bagong hitsura.
"Naiinggit lang si Bank," ang bulong ni Ginoong Crisostomo na halos nananakit na ang tiyan sa pagpipigil ng tawa.
Bilang ganti ay ngumiti naman si Fort at pinasadahan ng tingin ang makintab na ulo ng kanilang Senior Commandant.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon