KABANATA XV (Liwanag at Dilim )

15 1 0
                                    

NAKAIINIP sa kanilang paningin ang tila labirint na kanilang pinasukan sa pangunguna ni Miss Emma. Tila sinadyang hindi kaagad matagpuan ang lugar na kanilang pakay sa Badhira dahil sa komplikadong pasikot-sikot. Idagdag pa ang mas kumakapal na hamog sa paligid na tila nagpakilabot sa kanila.

“Nandito na tayo,” ang saad ni Miss Emma na bigla na lamang tumigil sa paglalakad.
Pilit hinagilap ng mga baguhang Knights ang sinasabing banal na lugar kung saan magtatala ng bagong kasaysayan sa Ragnar. Iyon ang Ecclesia kung saan nananahan ang mga Arcana. Mas nakatataas at mga banal na tao na siyang namamahala sa paggagawad ng Tarot card sa mga bagong kabalyero ng Ragnar.

Lihim na napalunok ng laway ang tatlong baguhan nang bahagyang mahawi ang makapal na hamog, nang umihip ang malamig na hangin, na siyang naging dahilan upang sumambulat sa kanilang paningin, ang tila haunted na simbahan.

Walang kahit na anong salita ang lumabas sa labi ni Miss Emma at ng mga Senior knights na lalong mas nagpatindi ng kabog ng dibdib ni Fort. Lalo na nang magsimulang gumalaw ang kanilang mga paa patungo sa harapan ng Ecclesia. Kusang bumukas ang nakalululang pintuan na yari sa isang matibay na kahoy kung saan nakalilok ang divine weapons na siyang pumuksa sa demonyong muntik nang sumira sa Ragnar.

Sa pakiramdam ni Fort ay nagtayuan ang kan’yang mga balahibo sa katawan nang marinig ang maingay na pag-ingit ng lumang pintuan na yari sa oak tree. Marahan pa niyang nilingon ang kan’yang mga kasama, lalo na ang kapwa niya baguhan. Batid niya ang kakaibang katapangan sa mga mata ng dalawang kabalyero, bagaman bakas ang takot na hindi nila hinahayaang itumba sila.

Napaangat ang sulok ng labi ni Fort. Sa isip niya ay bakit nga ba siya matatakot samantalang sanay na siya sa ganoong kadiliman.

Akala niya ay mapapawi ang kanilang takot sa pagpasok nila sa loob ng Ecclesia.

Ngunit lalo pang tumindi ang kanilang nararamdamang takot at kaba nang masilayan nila ang kadiliman ng banal na tahanan ng mga Arcana at ang mga matatandang pari at madre na nakasuot ng kulay itim na kasuotan na bahagyang nasisinagan ng liwanag na nagmumula sa makukulay na stained glass na bintana kung saan makikita ang mga banal na imahe.

Sa pakiwari ni Fort ay mapapaluhod siya sa matinding presensya na sabay-sabay na nilulumpo ang kaniyang katinuan. Lalo pa iyong tumindi ng magsimulang umawit ang ilang mga kabataan.

Sa pangunguna ni Miss Emma ay naupo sila sa pinakamahabang upuan sa likurang bahagi ng simbahan, katulad ng nakasanayan ng Kapitan ng Helianthus. Hindi niya gustong agaw pansin sa publiko kaya mas pinipili niyang sa likuran maupo. Ngunit sila ang Helianthus Knights, kaya’t kahit maupo sila sa hulihan ay hindi maiwasan ng ibang kabalyero mula sa ibang pangkat na mapalingon.

“Gusto ko talaga ang ganitong pakiramdam,” ang mahinang bulong ni Bank na tila may pulot ang mga labi sa pandinig ni Miss Emma. Hindi maikukubli sa kan’yang ekspresyon, na masaya siya, sa atensyong ibinibigay sa kanila ng kabilang pangkat, kahit sa tingin ng lahat ay sila ang pinaka-nahuhuling pangkat sa lahat.
Itinuon muli ng lahat ang paningin sa unahan kung saan nakaupo ang mga Arcana. Ang nakatataas na konseho.
“Iyan si Father Hugo, ang may pinakamataas na ranggo sa Arcana,” ang pagbibigay impormasyon ni Bank sa mga baguhan na sina Fort na marahang tinitigan ang mukha ng matandang pari, na may mapulang balat sa mukha. Seryoso ito na tila ba naiinip sa seremonya na ginagawa sa loob ng Ecclesia.

Walang kakaiba sa seremonya. Tahimik; malungkot; nakakabagot. Katulad rin iyon ng seremonya sa Grannus—simple.

Isa-isang tinatawag ang mga bagong Knights. Prinoproklama ni Father Hugo ang kanilang ganap na pagiging mga kabalyero at kasunod nito ay paggawad ng kanilang mga badge.
“Sigurado naghahangad ang Lilium na mapunta sa kanila ang natitirang banal na sandata,” ang saad ni Bank.
“Iba pa rin kapag may kasapi na nagtataglay ng divine weapon. Kahit hindi sabihin, iba ang atensyon at respeto na ipinapakita ng mga tao,” ang sabi naman ni Persia.
“Pero naniniwala pa rin ako na hindi natin kailangan ng mga banal na sandata para matanggap ang respeto at karangalan. Si kuya Cody, itinaguyod niya ang pangkat kahit na hindi siya nagtataglay ng banal na sandata ng Ragnar,” ang saad ni Miss Emma na mababakas ang kakaibang alab sa kan’yang mga mata.
Isang tila kidlat na tumama sa katawan ni Bank ang mga salita ng kanilang Bise Kapitan. Sinasang-ayunan niya iyon ng buong puso niya at buong kaisipan.
Si Kapitan Cody ang buhay na patunay na hindi nila kailangan ng banal na sandata.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now