KABANATA XXIII (Pag-asa)

13 1 0
                                    

Kadiliman ang sumalubong kay na Fort at Persia sa paglapag nila sa Tacitus. Tulad ng inaasahan ni Persia ay malala na rin ang sitwasyon katulad ng sitwasyon sa Narcissus. Tila isang inabandonang bayan, na kahit pagsilip lamang ng liwanag ay ipinagkait pa.

"Bakit walang katao-tao? Hindi pa ba ligtas ang lugar na ito? Akala ko ba ay mayroong knights na nagbabantay rito?" ang sunod-sunod na tanong ni Persia na nakikiramdam sa kan'yang paligid. Dahil anumang oras ay maaaring magpakita ang kalaban.

Napangiti si Fort na siyang nagpakalma at nagpawala ng agam-agam ni Persia. Isang ngiti na tila ba pag-asa ang hatid.

"Ligtas na ang lugar na ito. Hindi ko dadalhin ang mga tao rito, kung hindi," ang sagot ni Fort.

"Kung gano'n, bakit ganito katahimik ang bayang ito?" ang tanong ni Persia na nakakunot ang kilay.

"Tahimik ba? Sa tingin ko naman ay hindi," ang wika ni Fort na iginalaw ang kan'yang ulo patungo sa isang direksyon kung saan ikatutuwa ni Persia na makita.

Kusa namang sumunod ang mga paa ni Persia. Tila bumabagal ang oras habang tinititigan niya ang malapad na likuran ng binatang manggagamot. Hindi niya lubos maisip na iba ang kan'yang pakikitungo sa Ginoo samantalang noong una ay hindi niya ito masikmurang tingnan. Sa tingin niya ay hindi nababagay sa kan'ya ang pagiging kabalyero. Ngunit nag-iba iyon, simula nang iligtas niya si Perseus, ang kan'yang kapatid sa kamay ni Hellebore. Ang kamatayan niya, ang tunay na kahulugan ng kalayaan para sa kanilang mga taong naging experimental subject.

Halakhakan ang siyang bumungad sa pandinig ni Persia, na sinasabayan ng saliw ng masiglang tugtugin. Humahalimuyak ang bango ng nasusunog na kahoy ng encina na siyang nagbibigay liwanag sa madilim na bayan ng Tacitus. Nasilayan rin ni Persia ang pag-asa sa mga ngiti ng nagsasayawang mga mamamayan ng pinagsamang mga bansa.

"Si Kuya Fort!" ang naibulalas ng isang kalbong batang lalaki nang masilayan ang kan'yang mukha, dahilan upang matigilan ang lahat at salubungin siya ng may ngiti sa kanilang mga labi. Isang mahigpit na yakap ang iginawad pa ng munting monghe sa Ginoo.

"Banzan," ang nasambit ni Fort na masayang makita ulit ang batang monghe na mababakas pa ang mga sariwang sugat. Ngunit isang tinig ang nakisabay sa pag-ihip ng hangin na naging dahilan upang ilibot ni Fort ang kan'yang paningin. Subalit hindi nahigilap ni Fort ang nais makita ng kan'yang mga mata. Nag-unahan ang mga ala-ala sa kan'yang isipan na siyang naging dahilan kung bakit sandaling gumuhit ang lungkot sa kan'yang mga mata at puminta ang kalungkutan sa kan'yang mga labi. Wala na ang kan'yang Lolo Wong.

Tila nalumpo siya nang mawala ang kan'yang Lolo. Inisip niyang takasan na muli ang mundo. Ngunit hindi niya nagawa. Kinumbinsi siya ng mga panaginip niya, ng kan'yang isipan, at ng mga taong nakasalamuha niya. Kinumbinsi siya ng panahon at pag-iisa. Pinagtibay niya ang kan'yang puso upang matigil ang araw ng kadiliman na siyang lumalamon ng buo sa liwanag ng mundo. Kinailangan niyang maging matapang.

"Persia," ang malambot na tinig ng isang babae na mabilis na nakapagpalingon kay Persia. Magkahalong saya at pananabik na makitang muli ang pinakamatatag at matapang na babae na nakilala niya.

"Miss Emma!" ang naibulalas niya kasunod ng kusang paghakbang ng kan'yang mga paa patungo sa kan'ya kasabay ng isang mahigpit at mainit-init na yakap. Yakap na siyang nagsalaysay ng mga pinagdaanan nila sa nakalipas na walong buwan.

Nang maghiwalay ay nahagip pa ng paningin ni Persia ang kanilang Kapitan na sa tingin niya ay nabawasan ng timbang. Malamang ay hindi ito nakakakain sa bilangguan lalo na at alam niyang trabaho ang palaging nasa isipan nito.

Nagsimula ang lahat sa pangungusmuta hanggang sa maging seryoso na ang usapan patungkol sa mga mutant at kay Hellebore. Tahimik na nakikinig ang binibini at nagmamasid sa iba't ibang tao na nagmula sa magkakaibang bayan, kung saan napansin niya ang kanilang mga sugat na simbolo ng kanilang hirap na pinagdaanan sa pagsugpo sa mga kalaban. Ngunit bagaman nahirapan sa mga laban ay hindi nawawala sa kanilang mga mata ang nag-liliyab na tapang na naipon nila sa kanilang karanasan. Lahat sila ay nag-uumapaw ang uhaw na magwakas na ang laban, kontra sa kadiliman.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon