KABANATA XIV (Blangko)

11 1 0
                                    

Hindi mawari ang reaksyon ni Bank habang nakatitig sa babaeng taong grasa, sa kung paano nito napagsasabay-sabay sa kan'yang bibig ang dalawang malaking baguette na binili ni Fort Galen.

"Teka, dahan-dahan. Marami pang pagkain at sa'yo ang lahat ng mga ito," ang saad ni Fort na tinutukoy ang ilang naka-pake na pagkain sa isang basket.
"Talaga?" ang tanong ni Olivia na may ningning sa kan'yang mga mata. Napangiwi na lamang si Bank nang makitang mahulog ang nginunguya nitong pagkain mula sa kan'yang bibig. Idagdag pa ang nanariwa nitong sugat sa mukha, na napansin rin ni Fort.
"Saan mo ba nakuha ang mga sugat na iyan?" ang tanong ni Fort na tila may naalala sa kan'yang isipan. Itinuro ni Olivia ang sariling mukha at sandaling nag-isip. Inilapit niya ang kan'yang mukha kay Fort at iniharang ang kan'yang kamay sa kan'yang pisngi.
"Sa impyerno," ang naging tugon ni Olivia na ikinagulat ni Fort.
"Baliw nga talaga," ang bulong ni Bank na naulinigan pa ni Fort.
Napatikhim si Fort. Ipinagsawalang-bahala ang narinig sa Senior Commandant nilang si Bank.
"Kung hindi mo mamasamain. Maaari ko bang tingnan ang mga sugat mo?" ang tanong ni Fort na sinagot niya ng pagtango.
Napalunok si Fort nang makita ang mga sugat niya. May pagkakahalintulad iyon sa mga sugat ni Rafael.
"Sana nagkakamali lang ako," ang nawika niya sa kan'yang isipan habang pinagmamasdan ang sugat ng baliw na si Olivia.

"Lente," ang nasambit niya. Isang mahiwagang salita ng isang healer na nakapagpalitaw ng isang lens sa kan'yang kaliwang mata. Tila isa iyong mikroskopyo na siyang nakakakita na kahit na ang pinakamaliliit na mikrobyo sa balat ng lupa.
"Clostridium perfringens... Gangrene necrosis," ang nasambit ni Fort Galen habang sinusuri ang kan'yang mga sugat. Ngunit ang mas nakapagpagulat sa kan'ya ay ang ang mga microscopic underworld maggots.
Napalunok siya ng laway.
"Nagmula ka ba sa Und-" Ngunit hindi na naipagpatuloy ni Fort ang sasabihin nang dumating ang isang presensya ng isang kabalyero ng Ragnar. Isa sa pinakamagaling na swordsman ng kasalukuyang henarasyon, si Morris Dargan.
"Magandang umaga Helianthus Knights," ang pagbati ng isang matipunong Ginoo na hindi maipagkakailang may kagandahang lalaki. Kapansin-pansin ang kan'yang maliit na tattoo sa kan'yang noo, ang ace of spade.
Ngumiti si Miss Emma ng pilit na siyang marahang nagpalingon kay na Persia at Bank sa kan'ya. Tila may nalalaman sila na hindi nila gugustuhing maungkat pa.
"Ginugulo ba kayo ni Olivia?" ang tanong ni Morris na marahang minasahe ang balikat ni Olivia na mabilis na tumakbo sa kan'ya palayo, upang magtago sa likuran ni Fort.
"Kampon ng demonyo!" ang bulalas ni Olivia sa lalaking napahalakhak ng bahagya sa kan'yang naturan.
"Pasensya na... Hindi niya alam ang kan'yang sinasabi. Batid n'yo naman siguro ang kan'yang kundisyon," ang naturan ni Morris na may malapad na ngiti.
"Naiintindihan namin iyon Morris," ang sabi ni Bank at saka pinasadahan ng isang tingin nang pandidiri ang baliw na si Olivia.
"Alam mo, tamang-tama ang pagdating mo. Nagmamadali kasi kami. Tutal kayo ang nakatalaga sa Badhira, ipinapaubaya na namin sa'yo ang-," Hindi magawang maipagpatuloy ni Bank ang sasabihin. Tila hinahagilap niya ang tamang salita para ilarawan ang baliw na taong grasa na si Olivia.
"Ang pangangalaga kay Olivia?" ang pagdudugtong ni Morris sa kan'yang sasabihin. Napangiti naman ng may kahuwaran si Bank sa Ginoo.
"Tama, Ginoong Dargan," ang sagot ni Bank na siyang naging dahilan upang mapahawak si Olivia sa braso ni Fort.
"Ayaw! Hindi sasama si Olivia sa alagad ng Hari ng demonyo!" ang saad niya.
"Pakiusap, kunin n'yo na siya. Nauubusan na kami ng oras," ang naturan pa ni Bank, kaya naman sumenyas si Morris sa mga kasama upang mabigyang aksyon ang pagmamatigas ni Olivia.

Subalit tila madulas na igat si Olivia na nagpupumiglas mula sa mga kasamahan ni Morris.
"Tama na. Nasasaktan siya," Nang sa wakas ay isinatinig ni Fort ang pagkaawa sa babeng taong grasa. Tila maamong tuta na lumapit si Olivia sa kan'ya. Umiiyak at tila nagmamakaawa na huwag siyang ipagkatiwala sa mga taong iyon.
"Ano bang iniisip mo? Mahuhuli na tayo sa panunumpa natin sa Arcana!" ang saad ni Chen na mababakas ang iritasyon sa kan'yang tinig at ekspresyon ng mukha.
Ngunit sa halip na sagutin ni Fort ang chinitang kasamahan ay ibinaling niya ang kan'yang paningin kay Olivia.
Bahagyang lumuhod si Fort upang magtama ang kanilang paningin at upang magpaliwanag.
"May kailangan kaming gawin. Ikinalulungkot ko, pero hindi ka pwedeng sumama sa amin," ang wika ni Fort na siyang nagpalungkot sa mga mata ni Olivia.
"Sasaktan nila si Olivia," ang sagot niya.
"Fort Galen!" ang sigaw ni Persia na halatang naiirita na rin sa pagkaantala ng kanilang pakay sa Badhira.
Natigilan si Olivia nang marinig ang sigaw ni Persia. Tila nakakita siya ng pag-asa nang marinig ang pangalang noon lang niya naririnig.
"Mababait ang mga knights Olivia. Sa katunayan ay magiging katulad nila ako, isang Healer Knight. At naniniwala akong hindi nila gagawin ang katulad ng iniisip mo," ang saad pa ni Fort na siyang nagpailing kay Olivia, na mabilis na kinuha sa bulsa ng kan'yang marungis at mahabang saya, ang isang maruming papel.
"Ikaw si Fort Galen? Ikaw ang healer na matagal nang hinahanap ni Olivia," ang paglalahad niya na siyang nagpakunot ng noo ni Fort at nag-madaling nagpahakbang ng mga paa ni Morris papunta sa kanila.

Kinuha niya ang maruming papel na naging dahilan upang magwala si Olivia. Napatayo si Fort na walang nagawa nang buklatin ni Morris ang maruming papel sa harapan niya.

Umangat ang sulok ng labi ni Morris nang makita ang laman ng papel na nagmula sa baliw na si Olivia.
"Alam ko nang kalokohan lang ito," ang nawika ni Morris at saka iniabot ang papel kay Fort. Kaagad na sinilip ni Fort ang laman ng papel ngunit tulad ng nakita ni Morris ay ganoon rin ang nakita ni Fort. Isang blangkong papel...
"Olivia, anong ibig sabihin nito?" ang tanong ni Fort.
"Bulag ang mga tao Fort. At kung gaano ka-pipi ang mga biktima ay ganoon din ang mga saksi. Bulag ang mga nakakakita ng tunay na nangyayari," ang makahulugang sagot ni Olivia.
"Sa'yo na ang papel na iyan. Marami pa ako," ang sagot ni Olivia na malayang iniangat ang mga kamay habang nakatingin sa kalangitan.

Napatingala ang lahat nang tila gumawa ng isang himala si Olivia. Hindi mabilang na blangkong papel ang siyang iniluwa ng langit. Tila ulan na kusang ibinagsak ng kaitaasan, alinsunod sa kagustuhan ni Olivia.

Napahalakhak sa galak si Olivia nang makita ang di mabilang na papel. Lumundag; sumayaw; nagtatalon sa galak ang baliw ng Badhira, na siyang ipinagtataka ni Morris.
"Hindi baliw si Olivia," ang nasambit ng isang naghihingalong tinig mula sa nakaraan ni Morris.

Sa libu-libong papel na bumabagsak sa lupa ay isang maliit na papel ang siyang sinambot ng kamay ni Fort Galen. Tulad ng marungis na papel ay wala itong nakasulat. Isang bagay na labis niyang ipinagtataka.
"Olivia... Ano ba ang ibig mong iparating?" ang isang katanungan na naglalaro sa isipan ni Fort bago isinilid ang papel sa loob ng kan'yang roba.
"Galen tara na!" ang nagmamdaling nawika ni Persia upang ilayo siya sa sitwasyon na alam nilang hindi niya iiwanan.

Tumatalak na naman ang panot na Senior Commandant nila. Ipinaghihimutok niya ang nasayang nilang oras sa pagtulong sa baliw na si Olivia.
"Ikaw Fort Galen, hindi ka pa nagagawaran ng karangalan, ay ganoon ka na umasta?" ang patuloy na na wika ni Bank na siyang lalong ikinairita ni Chen at Persia. Nakapagtataka naman para kay Fort na tahimik lamang ang kanilang Bise Kapitan.

"Hindi na mauulit Ginoong Bank," ang tugon ni Fort na mababakas pa rin ang pag-iisip tungkol sa mensaheng nais iparating ni Olivia sa kan'ya.

Sandali pang tumigil sa paglalakad si Fort at tinanaw ang sentro ng Badhira na natatakpan ng makukulay at high tech na gusali, kung saan matatanaw ang mga advertisement ng mga produkto.

“Maghintay ka Olivia... Aalamin ko ang mensaheng nais iparating ng mga blangkong papel. Hindi ako titigil hangga’t ako’y bulag, pipi, at bingi sa katotohanan,” ang pangako ni Fort habang pinagmamasdan ang kalangitan kung saan patuloy na nahuhulog ang mga blangkong papel na ipinasadya ni Olivia, ang Baliw ng Badhira o ang henyo sa likod ng mapagpanggap niyang anyo.

“Galen!” ang pagtawag pa ni Oz na nagbibigay sa kan’ya ng senyas na matatapos na ang oras sa pagtawid ng mga tao sa kabilang parte ng kalye na naging dahilan upang magmadali siya.

Ngunit sa pagtungtong niya sa kabilang parte ng kalsada, sa Calle Guadalupe ng Badhira ay ang pasagi ng isang tinig na tila siya lamang ang nakarinig. Inilibot niya ang kan’yang paningin ngunit wala siyang natanaw kun’di ang pag-arangkada ng mga pangtransportasyong karawahe at ang mga sibilisadong mga sasakyan na pinaaandar ng gasolina...

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon