KABANATA X (Malaya)

19 1 0
                                    

KADILIMAN. Katulad ng dati ay nababalot ng dilim ang lugar na iyon. Umaalingasaw ang pinaghalong masangsang na amoy ng naaagnas na bangkay ng nagpakamatay na batang healer at ang amoy ng mga romorondang mutant sa loob ng selda.
Sa pakiwari ng lahat ay sanay na ang lahat sa nakasusukang amoy na iyon. Wala nang bago na malanghap ang masangsang na amoy ng impyerno. Tama... Impyerno ang tamang salita, upang ilarawan ang lugar na iyon...
Bukod sa kadiliman at init na nakasanayan nila ay tila sanay na rin ang kanilang mga mata na matanaw ang mga rehas na muling magkukulong sa kanila sa hindi nila mabilang na taon.
"Nandito na ulit tayo," ang halos impit na bulong ng umiiyak na si Lenus habang nakahiga sa kandungan ng kan'yang kakambal na si Lors.
"Ililigtas tayo ni Fort kapag nalaman niyang ibinalik tayo ni Hellebore dito," ang mahinang sagot ni Lors na nakatingin sa kawalan. Namumugto ang mga mata at namumutla ang balat. Nanunuyo ang kan'yang labi, magulo ang buhok at halatang ilang araw nang hindi naliligo.
"Paano? Maririnig ba tayo ni Fort?" ang tanong ni Lenus.
"Maririnig niya tayo. Darating siya. Maghintay ka lang," ang sagot ni Lors na sinagot ni Lenus ng mabagal na pagtango habang ang luha ay masaganang tumutulo.
Ngunit dumaan ang mga araw. Ang linggo, ang buwan, at ang taon... Walang Fort Galen na sumaklolo sa kanila...
Tatlong taon na ang nakalipas nang muli silang ikinulong sa Underworld Factory.
Tila ba namanhid na sila sa paulit-ulit na gawain at mga tuntunin sa Clandestine Laboratory.
Season na iyon na kailangan nilang maabot ang quota. May isang linggo na silang walang tulog, pagkain, at kahit na kaunting pahinga dahil masyadong mataas ang target nila . Aalis lamang sila sa kanilang pwesto kapag iinumin na nila ng kanilang daily dose ng Midnight pill.
Makikita sa kanilang mga mata ang kawalan ng tulog dahil sa maitim na ilalim ng kanilang mga mata. Nanunuklap na rin ang kanilang mga labi dahil sa kakulangan sa tubig. Naninilaw ang kanilang mga balat at lumulubog na ang mga mukha dahil hindi kumakain. Kapansin-pasin rin ang nakakahawang sugat sa kanilang balat na hindi man lang nilalapatan ng lunas.
Abala ang lahat sa paglikha ng Midnight pill gamit ang kanilang natatanging salamangka. Tila mga robot na sabay-sabay na kumikilos nang walang kapaguran.
Subalit katawan nila ang tunay na nakakaalam ng kanilang tunay limitasyon. Sila lamang ang makakapagsabi kung hanggang saan na lang sila, kahit na gamitan pa sila ng pinakamalakas na uri ng mahika.
Matinding pagod ang kalaban nila sa kanilang trabaho. Karamihan sa kanila ay wala nang pakialam kung matumba na lamang ang ilan sa kanila sa sobrang pagod. Sanay na sila... Sinanay na nila ang kanilang mga sarili na mamanhid sa mga ganoong sitwasyon.
"H'wag mong titingnan Lenus," ang utos ni Lors sa kan'yang kakambal na alam niyang mahina ang loob na makakita ng ganoong eksena.
"H'wag kang mag-alala Lors. Okay ako," ang sagot niya habang nagliliwanag ang mga kamay at pinalulutang ang kulay pulang kapsula sa harapan niya. Ngunit bumagsak ang mga kapsula nang marinig niya ang kakaibang ingay mula sa kanan niya. Si Lors na mismo ang bumulagta sa tabi niya.
"Lors!" ang sigaw ni Lenus na tila dumadagundong ang ingay mula sa kan'yang puso. Wala na siyang pakialam kung mawala ang iba, ngunit ibang usapan kung ang kakambal niyang si Lors. Kaagad niyang itinigil ang ginagawa ngunit kaagad siyang sinita ng warden.
Wala siyang nagawa kundi ang magpatuloy sa kan'yang nakatakdang gawain, kahit na hindi na niya alam kung makikita pa niya si Lors.
Nasanay na siyang binabalikan ang madilim at masangsang na selda sa tuwing lumulubog na ang araw ngunit hindi ang wala si Lors. Ibang usapan, kung wala si Lors.
"Lors, darating si Fort. Ililigtas niya tayo, hindi ba?" ang nasambit niya sa sarili habang dinadama ng kan'yang tuhod ang malamig na sahig ng selda.
Ngunit isang nakakapagpaluhod na presensya ng isang nilalang ang tila bumukal mula sa kailaliman ng lupa.
"Hanggang ngayon ba ay naniniwala ka pang ililigtas kayo ni Fort Galen?" ang tanong ng nilalang na may mala-demonyong tinig na siyang muntikang magpatalon sa puso ni Lenus. Sa pakiwari niya ay katabi ng kan'yang tenga, ang sariling puso, na tila bombang sasabog anumang oras.
"Hellebore," ang nasambit ng nanunuyong mga labi ni Lenus.
"Kinalimutan na kayo ni Fort Galen," ang dagdag pa ni Hellebore.
"Hi-hindi 'yan totoo!" ang naging matapang na sagot ni Lenus kahit na nangangatal ang kan'yang labi at maging ang buo niyang katawan. Ngunit ang kan'yang kasagutan ay naging dahilan upang palibutan siya ng galamay ni Hellebore na naliligo sa masangsang na dugo at malagkit na likido.
"May nakikita ka bang Fort Galen? Wala, hindi ba? Inabanduna na niya ang lahat para sa pansariling kalayaan!" ang saad niya na tila naging sampal kay Lenus na siyang gumising sa kan'yang walang patutunguhang paniniwala.
"Ako lang ang nandito! Dahil ako lang... ang tunay na nakakaalam ng nilalaman ng inyong mga puso! Hindi si Fort Galen o kahit na ang mga magulang ninyo na pinabayaan kayo!" ang dagdag pa ni Hellebore na siyang nagpapatak ng mga luha ng mga kabataang Healer na nakikinig sa kanilang pag-uusap.
Tahimik ang kanilang pagluha ngunit puno ng ingay ang kanilang isipan at puso.
Napakuyom ng kamao si Lenus na biglang nag-iba ang hugis at naging kulay pula ang itim, ng kan'yang mga mata.
Napahalakhak si Hellebore nang makita ang isang bagong experimental subject sa pagpapatuloy ng Project Hellebore.
Sandaling huminahon ngunit naging tuso sa pandinig ni Lenus ang tinig ni Hellebore.
"Ako lang ang makakatulong sa'yo, Lenus, hindi si Fort," ang nanunudyo niyang wika.
"At alam kong gusto mong mabuhay ang kakambal mo," ang saad pa ni Hellebore na naglalaway sa bagong hitsura ni Lenus. Tila karneng may mataas na kalidad sa kan'yang paningin at gusto na niyang katayin para maging alay.
"Gagawin ko ang lahat, mabuhay lang si Lors," ang naging tugon ni Lenus na nakapagpahalakhak kay Hellebore.
Tutol man ang ilan sa nakarinig ng kanilang pag-uusap ay pinili nilang maging bulag, bingi, at pipi dahil alam nilang wala silang magagawa.
Ilang araw pa ang lumipas bago nagkamalay si Lors ngunit isang balita ang kaagad na sumampal sa kan'ya. Si Lenus ay isang ganap nang alay para sa Project Hellebore.
Bagaman alam na ni Lors na posibleng hindi na niya maaabutan si Lenus ay bumuo siya ng plano upang pumuslit sa loob ng Intensive Care Unit kung saan nahihimlay ang halimaw na si Helleina. Mahigpit ang mga bantay na mutant sa loob, at wala siyang alam sa pakikipaglaban.
Ngunit isang bagay ang inialok sa kan'ya ng isang bagong dating na Healer na nagngangalang Perseus. Isang black midnight pill na siya raw ang naka-imbento.
"Nasa sa'yo ang desisyon Lors," ang saad nito.
Walang pagaalinlangang ininom ni Lors ang isang kulay itim na kapsula na magpapabilis ng mutation niya. Isang dahilan upang mapasok niya ang facility ng walang nakakapansin.
Bagaman nasa anyo siyang mutant ay malinaw pa rin ang kan'yang pag-iisip. Nagiging mapagmasid lamang siya sa kilos ng mga mutant na nagbabantay kay Helleina kung saan nakalagay siya sa isang hugis silindro at transparent na aparato kung saan maraming nakakabit sa kan'yang tubo. Halos masuka si Lors sa amoy ng buong pasilidad, dahil sa higit na umaalingasaw na amoy ni Helleina.
Kinilabutan si Lors sa nasaksihan lalo na nang makita niya si Lenus na unti-unti nang nagiging lantang gulay sa paningin niya.
Kaagad niyang nilapitan ang kakambal na kaagad siyang tinapunan ng isang ngiti na tila ba kilalang-kilala siya.
"Lors, buhay ka," ang halos pabulong na nasambit niya.
Sinubukan ni Lors na tanggalin ang mga aparatong nakakabit sa katawan ng kapatid niya ngunit pinigilan siya ni Lenus. Marahan itong umiling sa kan'ya na sa pakiwari ni Lors ay sinasabing huwag na niyang ituloy ang binabalak.
"Mabuhay ka para sa 'kin, Lors. Pilitin mong mabuhay at iparating kay Fort ang aking mensahe," ang saad ni Lenus na nakangiting sinasambit ang kan'yang mga huling salita para kay Fort Galen.
Isang mensahe na matagal na niyang gustong iparating sa kan'ya...
Hindi makapaniwala si Fort Galen nang masilip niya ang naging buhay nina Lenus at Lors sa loob ng walong taon sa Underworld Factory. Hindi lang sila, pati ang buhay ng ilang mga dating kaibigan na naging experimental subject para ipagpatuloy ang kan'yang hangarin...
"Buhay pa rin si Helleina?" ang nasambit ni Fort na nanlalaki ang mga mata at napaawang ang mga labi. Namutla siya nang mapagtantong walang nangyari sa ginawa nila.
"Walang dahilan para maputol ang ugat kung sanga lamang pinuntirya mo Fort!" ang sigaw ni Lors na mas idiniin pa ang kan'yang mga galamay sa katawan ni Fort.
Pumatak ang mga luha ni Fort sa harapan ni Lors na matiim ang pagtitig sa kan'yang mga mata. Puno iyon ng galit, ng poot, at pagkamuhi kay Fort, ang taong inakala nilang pag-asa.
"Huwad ka Fort Galen!" ang sigaw ni Lors na bigla na lamang lumayo kay Fort nang maramdaman niya ang isang mainit na pag-atake mula sa hindi kilalang kalaban na pumutol sa kan'yang braso.
Kaagad na napalingon ang bawat miyembro ng Helianthus sa silangang bahagi ng rooftop. At sa kadiliman ng gabi ay naaninag nila ang ilang bulto ng mga tao na may dalang mga sandata. At sa pagsilip ng bilog na buwan sa makapal at maitim na ulap ay lumantad ang kanilang mga mukha at ang logo sa kanilang kanang dibdib na sumisimbolo sa pangkat na kanilang kinabibilangan.
"Ang Lilium Knight Alliance!" ang nasambit ng isang miyembro ng Helianthus.
"H'wag n'yo rin kaming kalimutan! Narito rin kami para tulungan ang mahihinang nilalang ng Helianthus!" ang saad naman ng isang lalaki mula sa kanlurang bahagi ng rooftop.
"Ang Chrysanthemum Knight Alliance!" ang nasambit naman ng isang miyembro ng Helianthus Knight Alliance, na may malapad na ngiti.
"Mga pakialamero!" ang nasambit ni Lors habang hawak-hawak niya ang kan'yang putol na braso na masaganang tumutulo ang dugo.
Ngunit mula sa tungkod ng kilalang Kapitan ng Lilium Knight Alliance ay kumawala ang isang kulay pulang kidlat na siyang humagip sa kalahating katawan ni Lors.
Subalit sa kabila ng natamo niyang pinsala ay nakagagalaw pa rin siya na mabilis na nilapitan ni Fort.
"Lors!" ang may pag-aalalang sigaw niya kasabay ng paghawak niya sa kamay ng kaibigan.
Sumilay ang ngiti sa naaagnas na katawan ni Lors. Nakakakilabot sa paningin nila, ngunit para kay Fort ay mala-anghel na ngiti ang nakikita niya. Ang mukha ni Lors noong tao pa siya ang rumerehistro sa kan'yang pupilahe at hindi ang halimaw na nakikita niya ngayon.
"Patawarin ninyo ako ni Lenus," ang nasambit ng labi ni Fort kasunod ng paglitaw ng libro ng salamangka. Mabilis itong lumipat sa pahina na nais ni Fort at ilang talisman ang lumantad sa kanila.
Ngunit sa dami ng bilang ng talisman na naroroon, ay ang talisman na may nakasulat na malaya ang kan'yang pinili.
"Alam kong hanggang sa huli ay naniwala ka sa akin. Alam ko," ang nasambit ni Fort na patuloy sa pag-iyak sa harapan ni Lors. Napakurap pa ang naaagnas na mata ni Lors nang maramdaman ang banayad na luha mula sa mga mata ni Fort. Tila bumalik sa kan'yang alaala ang batang iyakin na healer na nakilala nila noon.
"Hindi ka nagbago. Iyakin ka pa rin, Fort," ang nasambit ni Lors na sandaling naging seryoso.
"Pero sa lahat ng iyakin, ikaw ang hindi ko kinainisan. Dahil kahit iyakin ka, ikaw ang pinakamatapang sa lahat," ang saad pa ni Lors na mababakas ang lungkot sa kan'yang mata ngunit sa parehong pagkakataon ay saya.
"Pasensya na. Magkikita na kami ni Lenus. Mag-ingat ka kay Hellebore... lalo na sa paggising ni Helleina," ang babala pa ni Lors.
Tumango si Fort. At saka pinalutang ang talisman na nagsabog ng liwanag sa harapan ni Lors na nagpangiti sa kan'ya. Nakikita niya ang tila iba't ibang kulay ng liwanag sa paligid. Liwanag na hindi niya akalaing makikita pa ng kan'yang mata na nasanay na sa dilim.
"Iniligtas mo pa rin ako Fort. Salamat. Malaya na ako," ang nasambit ni Lors na unti-unting nagiging abo na marahang hinihipan ng malamig na hangin.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now