KABANATA VI (Sinag)

26 2 0
                                    

Malinaw sa pandinig ni Fort ang ingay ng mga manonood at naaamoy niya ang magkahalong amoy ng pawis at sigarilyo sa buong arena.
May karahasan ang ilang salita at may udyok na tapusin na ang laban na sa tingin niya ay pumapabor sa kalaban. Mabilis ang kilos ng nasa paligid niya ngunit tila tumigil ang sariling oras para sa isang desisyon na maaaring magbigay sa kan'ya ng tagumpay o sumira sa kan'yang buhay.
Dito na niya masusukat ang kan'yang tiwala sa kaibigan o maaaring kaaway. Isang desisyon na siya lang ang may hawak ng kasagutan.

"Nasa sa'yo ang desisyon kung magtitiwala ka pa rin sa'kin Fort," ang saad ng isang malumanay na tinig sa kan'yang alaala. Iyon ang taong naging bisita niya sa bahay panuluyan kagabi.

Napangiti si Fort at ibinuka ang kan'yang palad sa harap ng kan'yang libro, na mabilis na lumipat sa ibang pahina kung saan tumunghay ang isang hologram ng isang aparador na kusang bumukas ang pintuan. Sumiwalat ang isang koleksyon ng mga gamot na may lapat ng salamangka. Mapapansing maayos ring nakasilid sa isang botelya ang mga gamot at may label ang bawat lagayan.

Isang hanay ng botelya na may lamang kapsula ang kan'yang pinadaanan ng haplos pahalang, na isa-isang lumutang at umikot sa iisang mwestra, na tila ba naghihintay na sila ay piliin. Ngunit sa lahat ng klase ng gamot ay ang berdeng kapsula ang siyang naging makinang sa kan'yang mga mata.

Bumalik ang pagtakbo ng oras ni Fort nang sa wakas ay maging desidido siya.
"Kailanman ay hindi nawala ang tiwala ko sa'yo, Rafael!" ang pag-uulit niya sa naging sagot niya ng gabing iyon.

Tinanggal niya ang cork ng botelya at ininom ang kulay berdeng kapsula, na siyang mabilis na nagpadaloy ng kakaibang enerhiya sa kan'yang katawan.

"Pagkainom pa lang ay magsisimula na ang onset of action ng gamot. Mas mabilis rin ang peak plasma concentration. Pero sigurado akong maikli lang ang duration of action. Sa ngayon ay iyan pa lang ang kayang gawin ng gamot na iyan," ang naaalala ni Fort na naturan ng kaibigan.

Katulad ng sinabi niya ay iyon nga ang nararamdaman niya. Iyon ay kakaibang lakas na naging bunga ng mahabang pananaliksik ng kan'yang kaibigan na inakala niyang namatay na.

"Rafael, magaling ka talagang healer kaya buo ang tiwala ko sa'yo," ang saad ni Fort.

Hindi niya inakalang makagagawa pa siya ng ganoong klase ng gamot kahit hawak siya sa leeg ng Midnight Org. Nasa iisang bangka na sila ngayon at sabay na maglalayag at kakaharapin ang lahat ng unos.

Rumerehistro sa mga mata ni Persia ang mas matingkad at mas malawak na sakop ng berdeng nimbus na pinakawalan ni Fort Galen matapos inumin ang isang berdeng kapsula na kinuha niya sa kan'yang libro ng salamangka.

"Hindi ba bawal iyon?" ang narinig niyang tanong ng isang aplikante na naging dahilan upang sariwain niya, sa kan'yang isipan ang batas ng Faris. Ngunit wala. Wala sa tala ng Faris na bawal ang ginawa niya. Isa iyong salamangka at karapatan ng isang indibidwal na gumamit ng kahit na anong salamangka, maliban na lamang sa black magic na nakakaapekto sa pag-iisip at kilos ng isang tao. Isang mahika na maaaring magpabago sa hitsura ng isang tao at nagbibigay ng hindi mapigilang kapangyarihan.

Ngunit sa nakikita niya ay walang nilabag na tuntunin ang healer na si Fort Galen lalo na't sa kan'yang kalagayan ay iyon talaga ang kan'yang masasandalan, ang healer's magic.

Nakita ng lahat na muling pinadaloy ni Neo ang kan'yang nimbus sa kan'yang dalawang espada at sinugod si Fort Galen na mula sa kan'yang libro ay kumuha ng talisman na nagpalabas ng pananggalang na hitsurang dahon, para maprotektahan siya sa walang tigil na pag-atake ng kan'yang kalaban.

Tila muli na namang pinasikip ng dalawang magkatunggali, ang daluyan ng paghinga ng mga manonood. Hinihintay ng karamihan kung kailan mapapawalang bisa ang pananggalang ng manggagamot na siyang unti-unting sinisira ng bihasang eskrimador.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now