KABANATA XX (Bangungot)

12 1 0
                                    

KILABOT ang siyang lumukob sa bawat sulok ng Ecclesia, nang masaksihan nilang, ang pinuno ng Arcana ay walang nagawa laban sa isang mutant na produkto ng kasamaan.

Sa laban ng kabutihan at kasamaan, ang kabutihan ang palaging nagwawagi sa huli, iyon ang palaging litanya ni Padre Hugo. Ngunit bakit ang mga salitang iyon ay hindi nila magawang paniwalaan ng mga oras na iyon. Sa sitwasyong iyon ay mas pinaniniwalaan nilang kasamaan ang papatay sa bawat isang may buhay na naroroon.

Isang nagwawala at garalgal na sigaw ang umalingawngaw sa loob ng ecclesia matapos ng mahabang katahimikan nang masaksihan nila ang brutal na kamatayan ng pinuno ng mga Arcana. Sa pakiwari ng lahat ay nawala na sa tamang katinuan ang isang babaeng kabalyero dahil sa matinding takot.

“Mamatay na tayo! Hindi na dapat tayo nagtangkang maging kabalyero!” ang saad pa niya habang tinatakpan ang kan’yang dalawang tenga. Tila binubulungan siya ng hindi mabilang na boses na lalong bumubura ng kan’yang katinuan.
Kaagad niyang hinugot ang kan’yang maliit na punyal na kahit sinubukang pigilan ng mga kasamahan ay nagawa pa ring wakasan ang kan’yang buhay. Hindi makapaniwala ang kan’yang mga kaibigan. Tila isang masamang panaginip ang araw na iyon.

Napaliligiran na sila ng mga mutant na hindi nila alam kung paano tatalunin. Wala na si Padre Hugo na kinain ng mga mutant. Wala na rin si Superior Mother Wilhelmina na makikitang dilat ang mga matang namatay habang nakatusok ang isang mahaba at matulis na talim sa kan’yang dibdib.
“Kung sino pa ang inaasahan nating magliligtas sa atin ay wala na. Mukhang ito nga ang simula ngunit ito rin ang wakas,” ang nasambit ng isang kabalyero na may apelyidong Guerrero.
“Hindi natin kailangang magpakabayani ngayon. Ang kailangan natin ay makatakas!” ang opinyon ng kan’yang kaibigan.
“Pagtakas?! Seryoso ka ba?” ang tanong ni Guerrero sa kan’yang kaibigan.
“Alam kong matatapang ang tingin mo sa mga Knights ng Ragnar, Fritz. Pero may mga sitwasyon na kailangan rin nilang umatras para maprotektahan ang mga taong importante sa kanila. Hindi pa ito ang panahon ng ating kamatayan,” ang saad niya na tila nagpakalma sa kaibigan niya.

“Tama si Gabriel! Kailangan nating gumawa ng paraan para makatakas!” ang pagsang-ayon ng isa pang kabalyero na naulinigan rin ng kanilang kapwa kabalyero.

Nagkatinginan sina Bank, Persia, at Miss Emma. Alam nilang tama ang mga baguhang kabalyero at walang silang dahilan para tumutol. Kailangan nilang takasan pansamantala ang kanilang kinakakaharap na sitwasyon.

“Ngunit paano? Napapalibutan na nila tayo,” ang tanong ng isa pang kabalyero na patuloy na nakikipagsiksikan sa kanilang maliit na espasyo upang hindi siya ang unang mahagip ng mga mutant.

Wala na silang matatakbuhan. Tila mga daga silang napapalibutan ng mga gutom na pusa.

“May kaunti pa akong lakas. Patutumbahin ko ang mga mutants na kaya ko. Ang kailangan lang ninyo ay ang tumakas ng mabilis ngunit maayos,” ang saad ni Chen.
“Hindi ako papayag na maiwan ka rito,” ang wika ni Miss Emma.
“Susunod ako Miss Emma. Hindi pa ito ang aking wakas,” aniya.
Subalit kaagad niyang naaninag ang balak na pagtutol ng kanilang Bise Kapitan. Alam niyang nagsisinungaling siya. Wala na siyang lakas upang lumaban. At maaaring makapagpatumba na lamang siya ng isang mutant at maipit sa sitwasyong hindi gugustuhin ng sinuman.
“Miss Emma, pagkatiwalaan ninyo ako,” ang wika ni Chen na isa-isang bumabalik ang mga mapapait na ala-ala ng kan’yang nakatatandang kapatid.

Sa sitwasyong iyon, ay sinasambit rin niya ang mga sinabi ng kuya niya noong mga panahong naipit rin sila sa ganoong sitwasyon.

Tinitigan ni Chen sa mga mata ang kanilang Bise Kapitan. Hindi niya alam kung ano pang salita ang kan’yang dapat sambitin upang ibigay nito ang kan’yang tiwala. Subalit ang mga mata niya na konektado sa kan’yang puso ang nagpaliwanag ng kusa sa kanilang Bise Kapitan.
“Hihintayin ka namin,” ang saad ni Miss Emma na naging dahilan upang mas maging maluwag ang daluyan ng kan’yang paghinga. Tinugon naman niya iyon ng isang pagtango na may isang magaang ngiti. Ngiti ng kapanatagan, mabuhay o mamatay man siya sa araw na iyon. Tatanggapin niya ang kapalaran niya.

THE HEALER KNIGHT [Published under PAPERINK IMPRINTS]Where stories live. Discover now