N A M I
"Bakit k-kaya..."
Bumuwelo ako at tumikhim bago muling sinubukang kumanta.
"B-Bakit kaya nangangamba..."
Napapikit na lang ako sa inis dahil alam ko sa sarili ko na para akong pusa na kinakaladkad sa bubong. Isang oras na kaming nandito sa studio pero wala pa rin kaming natatapos.
"Nami—" Lumapit sa akin si Kara, pero hinubad ko lang ang suot kong headset at saka madaling lumabas ng booth.
Hanggang ngayon ay nanlalambot ang mga tuhod ko at nanginginig ang mga kamay ko. Inaksaya ko lang ang oras naming lahat. Kung hindi naman ako hinalikan ni Denver ay hindi ako magkakaganito.
Tama nga siya.
Complication nga.
Nang makalabas ako sa building ay hindi ko na napigilan ang maluha. Umaambon sa labas pero wala akong pakialam at dire-diretso lang na naglakad papunta sa 7-Eleven na nasa tawid-kalsada.
Nahihiya ako dahil nadismaya ko sila lalo pa at ito ang unang beses na sinubukan naming mag-record. Ilang araw ko 'tong pinaghandaan pero pumalpak pa rin ako.
Bigla kong naisip ang pamilya ko sa Baguio na iniwan ko at ang pag-aaral ko na hininto ko para lang dito.
Worth it ba?
Kahibangan bang inakala ko na ito talaga ang para sa 'kin?
Bibili na sana ako ng kape nang maalala ko na naiwan ko pala sa loob ng studio 'yong bag ko.
"What are you getting?" mahinang bulong ni Denver na hindi na nakakapagtakang bigla na lang sumulpot sa tabi ko. Marahil ay sinundan niya ako.
Hindi ko magawang lumingon sa kaniya pero naaninag ko sa gilid ng mga mata ko na nakasabit sa balikat niya 'yong bag ko.
"U-Uuwi na 'ko."
"Nami, please," mahina niyang bulong sabay hawak sa siko ko. "I'm sorry."
Tinalikuran ko siya at saka lumabas ng 7-Eleven kahit na hindi ko alam kung saan ako pupunta na walang bag, cellphone, at pera.
"Nami!" tawag niya, pero hindi ko siya nilingon kahit unti-unti nang lumalakas ang buhos ng ulan at tuluyan na akong nababasa.
"Nami—"
Sa sobrang pursigido kong makalayo sa kaniya ay tumawid ako sa kalsada nang hindi lumilingon at muntik nang mabangga ng isang pulang kotse. Mabuti na lang at mabagal lang ang pagpapatakbo no'ng driver kung kaya't hindi niya ako nahagip.
"Gago ka ba!" Ibinaba ng driver 'yong bintana ng kotse niya at minura ako. "Kung gusto mong magpakamatay, huwag kang mangdamay ng ibang tao!"
"So—"
"Sorry, man." Lumapit si Denver do'n sa lalaki at saka ipinatong ang isang kamay sa bubong ng kotse bago yumuko upang kausapin ito.
Hindi ko alam kung anong pinagbubulungan nila, pero ilang sandali lang ay nilabas na ni Denver ang wallet niya at inabutan ng pera 'yong lalaki. Pagkatapos no'n ay sinara na nito ang bintana ng kotse at saka paharurot na nagmaneho palayo na para bang walang nangyari.
