M A D E L I N E
Sobrang ganda sa Isla Romero. Tinaasan ko na ang expectations ko matapos kaming sunduin ng anim na yate, pero pagkarating namin sa mismong isla ay talagang nasurpresa pa rin ako.
Parang wala ako sa Pilipinas.
Sobrang laki at lawak ng lugar na pagmamay-ari nila. Puti ang buhangin at napakahaba ng dalampasigan na sabi pa ni Belle ay bumabalot daw sa buong pulo. Maraming upuan at beanbags na puwedeng puwestuhan, pero para makarating sa mismong rest house ay kailangan mong umakyat sa isang mataas na hagdan na tantiya ko ay nasa limampung talampakan ang taas. Buti na lang at mayroon naman daw elevator para sa mga matatanda.
Gawa sa kahoy at salamin ang mismong rest house. Nandoon ang kainan, lounge, entertainment area, at kung ano-ano pa.
Nakapaligid dito ang nasa dalawampung magkakahiwalay na mga guest house. Lahat iyon ay may view ng dagat at ng napakaraming mga puno sa paligid.
Bukod pa ro'n, mayroon ding malaking infinity pool kung saan maaari kang magtampisaw kapag sawa ka na sa dagat.
Hindi 'to basta-basta rest house lang.
Resort na 'to.
Nang makadaong na ang lahat ng yate at makababa na ang lahat ng mga bisita, sinuri ko ng tingin ang paligid at pilit na hinanap ang tatay nila Denver at Darwin. Hindi ko pa kasi siya nakikita mula kanina.
Hindi ko alam ang magiging reaksyon niya kapag nalaman niyang ako ang kasama ni Darwin ngayon. Makikilala niya pa kaya na ako rin ang dating girlfriend ng bunso niya?
"Hindi ba darating si Tito Delfin?" mahina kong bulong kay Darwin habang naglalakad kami.
"He's in Japan, but he says he'll be here tomorrow."
Apat na araw kaming maglalagi rito sa Isla Romero sabi ni Darwin. Akala ko ay kaarawan lang ni Denver ang ipagdiriwang namin, iyon pala ay 65th anniversary rin ng Romero Group of Companies na itinayo noong 1956.
There will be a huge beach party on Saturday according to Belle, but for now, it's just us and the Romero clan during the first two days.
Hinatid ako ni Darwin sa guest house kung saan ako mamamalagi sa mga susunod na araw. Kasama ko ro'n sina Myst at Nami dahil may pagka-conservative ang pamilya Romero. Hindi maaaring magsama ang babae at lalaki sa iisang kwarto kung hindi naman sila kasal, maliban na lang kanila Belle at Kuya Felix na nakatakda na rin namang ikasal ngayong taon.
Hay, kung alam lang nila ang mga pinaggagagawa namin ni Denver noon. Hindi kami nagpapapigil na dalawa. Ni hindi nga namin kailangan ng kwarto, eh. Aatakihin siguro sila sa puso kapag nalaman nila.
Pagkapasok sa kwarto ay mayroong apat na kama. Dalawa sa kaliwa at dalawa sa kanan. Malaki ang mga bintana at purong salamin ang isang bahagi ng silid. Mayroon ding malawak na balcony kaya't kahit saan ka humarap ay tanaw mo ang napakagandang asul na dagat.
Pinili ko 'yong kama sa kaliwa na malayo sa pinto. Inilapag lang ni Darwin ang mga gamit ko sa gilid at saka naglakad papunta sa fridge para kumuha ng inumin.
"Tatlo lang naman kami rito. Dito ka na lang din," pakiusap ko sa kaniya. "Hindi naman siguro nila mapapansin. Dito ka sa kama sa tabi ko."
