N A M I
"Oh," ani Denver sabay abot sa akin ng Cornetto pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ng apartment. "Buksan mo na agad, matutunaw na 'yan."
Nalilito, binuksan ko 'yon gaya ng sabi niya at saka agad na nilantakan. "Para saan 'to?" tanong ko sa gitna ng pagdila sa nasabing ice cream.
"Nothing," maiksi at malabo niyang sagot habang pinapaulanan ng yakap at halik sina Lilo at Stitch. "I can't wait for you to move in," aniya. Ngingiti na sana ako sa pahayag niya, ngunit nagpahabol pa siya. "I'm beginning to miss these two."
Sila lang?
Ilang minuto rin siyang nanatiling nakaluhod sa sahig habang nilalambing 'yong dalawa. Kung itsura ang pagbabasehan, hindi halata sa kaniya na mahilig siya sa mga aso kaya nagulat talaga ako nang malaman 'yon tungkol sa kaniya.
Studio lang ang apartment ko kaya liban sa sofa at sa kama ay wala na siyang ibang puwedeng puwestuhan pa. Puno ng mga ineempake kong gamit 'yong sofa, kaya do'n siya dumiretso sa kama at saka humiga.
"I need at least 48 hours of sleep," mahinang reklamo niya bago itinaas ang isang braso para harangan ang mukha niya.
"Umidlip ka na muna. Gigisingin na lang kita kapag aalis na," tugon ko.
Hindi siya sumagot kaya naglakad na ako papunta sa bintana at saka isinara 'yong kurtina at pati na rin 'yong ilaw. Alam ko kasing hindi siya nakakapagpahinga kapag masyadong maliwanag.
Hindi na siya nagsalita pa kaya nasiguro kong tulog na siya. Maingat akong pumuwesto sa tabi niya at saka inilabas ang cellphone ko para maglaro ng Candy Crush.
"May naglalaro pa pala niyan." Mahinang tawa niya sa tabi ko makalipas ang ilang minuto.
Akala ko ay tulog na siya, hindi pa pala.
Hindi ko pinansin ang pang-aasar niya. "Umidlip ka na. Ilang linggo ka nang puyat. Magkakasakit ka niyan."
Pinatay ko ang cellphone ko at saka humiga na lang din sa tabi niya. Mapayat naman ako at may kalakihan naman 'yong kama kaya kahit na magkatabi kami ay hindi kami nagdidikit na dalawa.
Ilang minuto rin kaming hindi nagkibuan. Liban sa tunog ng electric fan at ng paghinga namin ay sobrang tahimik at dilim sa loob ng apartment.
"Nag-usap kami kanina," mahina niyang bulong. Hindi ko mapakiramdaman 'yong tono ng boses niya at hindi ko rin makita ang mukha niya kaya hindi ko alam kung masaya ba siya o malungkot.
"Nino?" tanong ko.
"Ni Mads."
Ah. Okay.
"Hmm. Anong nangyari?" tanong ko.
Rinig ko ang mahina niyang pagkawala ng hininga bago sumagot, "Hindi ko kayang hindi isipin 'yong nangyari sa kanila ni Von."
Nasasaktan siya.
Mabuti na rin sigurong patay ang mga ilaw ngayon dahil hindi ko siya gustong makitang gano'n.
"Wala naman ako ro'n. Hindi ko alam kung saan, kailan, at ilang beses nilang ginawa." Pilit siyang tumawa. "Pero tangina, sa tuwing pinipikit ko mga mata ko, silang dalawa ang nakikita ko."
