31: Promise Me

3.9K 82 36
                                        

N A M I

"Anong nangyari?" alalang tanong ko kay Jolo nang bigla na lang siyang sumulpot na akay-akay si Denver.

"Ah, ano, nagyaya biglang uminom, eh," paliwanag niya habang nagkakamot ng ulo. "Hindi pala. Hindi nagyaya. Sumugod na lang bigla sa bar, amputa. Nagulat nga ako kasi akala ko wala kayong gig kagabi tapos bigla na lang siyang lumitaw."

Wala kaming gig dahil may trangkaso si Kara at ilang araw nang masama ang pakiramdam. Alam kong nagpunta si Denver ngayong gabi sa bahay nila Mads dahil nagpaalam siya sa akin.

Pumayag ako, dahil tiwala ako na kailangan niya 'yong gawin para sa ikabubuti ng relasyon namin.

Ang sabi niya ay mag-uusap lang sila at uuwi rin siya kaagad kapag nagkaroon na sila ng kalinawan.

Pero... ito?

Ito ba ang isusukli niya sa pagtitiwala ko?

Ang magpapakalasing siya at ipaparamdam sa akin na hindi niya naman talaga gustong kalimutan si Mads at napipilitan lang siya dahil sa akin?

"Wala akong kasalanan, Nami, maniwala ka. Pinilit niya lang ako. Hindi ko ginusto ang nangyari." Umiiling si Jolo na parang mister na nahuli ng asawa na nangangaliwa.

"Sige, sige," sagot ko, bago humakbang palapit sa kanila para tingnan ang kalagayan ni Denver.

Tinulungan ako ni Jolo na ipasok siya sa kwarto at ihiga sa kama. "Sorry, kailangan ko na kasing sumibat, iniwan ko lang sa kotse si Sasha."

Nag-glow-up si Jolo. May itsura na siya noon pa, pero ngayong sila na Sash, kapansin-pansin ang mas lalo pang paggwapo niya. Makinis ang mukha niya at mamula-mula ang pisngi. Ang mga mata niya naman ay nagliliwanag.

Isang tingin sa kaniya ay mararamdaman mo kaagad na masaya at kuntento siya sa buhay niya ngayon.

Mabait na kaibigan si Jolo. Sana palagi ko siyang makitang ganito.

Tumango lang ako sa kaniya at nagpasalamat. Ayaw ko namang paghintayin niya nang matagal si Sasha.

Nang makaalis na siya ay hinubad ko ang sapatos at medyas ni Denver. Kumuha rin ako ng bimpo at binasa 'yon bago maingat na pinunas sa mukha at braso niya. Ang lakas ng amoy ng alak na nanggagaling sa kaniya.

"Nami," bulong niya nang ipahid ko ang mainit na bimpo sa pisngi niya.

Hindi ako sumagot at patuloy lang sa ginagawang pagpunas sa kaniya. Masama ang loob ko. Hindi ko alam kung tama ba ang desisyon ko na maghintay hanggang sa maibigay niya nang buo ang sarili niya sa akin.

Hinawakan niya ang palapulsuhan ko, dahilan upang mahinto ako sa ginagawa.

"Nami," tawag niya pang ulit.

Humarap ako sa kaniya na nangingilid ang luha sa mga mata.

"Am I hurting you more than I'm making you happy?" mahinang tanong niya. Puno ng pag-aalala ang boses niya. Ang mga mata niya naman, bagama't hindi niya maidilat nang lubos ay may bahid ng lungkot at pagsisisi.

Nagsisisi siyang pinili niya ako. Iyon ang unang pumasok sa isip ko.

Nag-usap sila ni Mads at napagtanto niya na higit ang nararamdaman niya para sa kaniya, kaysa para sa akin.

Made for Madeline (Dawson University Series #4)Where stories live. Discover now