M A D E L I N E
Sa sobrang laki ng ingay na idinulot ng lumabas na issue namin ni Denver ay higit dalawang linggo akong nanatiling nakakulong lang sa kwarto.
Pinatuloy ako ni Nami sa bahay nila kung saan mayroon akong sariling kwarto na dati ay kaniya.
Bawat bukas ko ng social media ay mukha ko ang bumabalandra sa akin at puro masasakit na salita lang ang nakikita ko.
Pokpok.
Kabit.
Mang-aagaw.
Desperada.
Mukhang pera.Wala akong mukhang maiharap sa mga kaibigan ko at kahit na kanino. Buti na lang at hinayaan ako ni Fannie na huwag nang dumalo sa kasal nila kahit na isa sana ako sa mga bridesmaids niya.
"Kuya Denver isn't coming, too," banggit niya. "We'll still have four bridesmaids and four groomsmen. That's more than enough."
Umiiyak ako habang kausap siya no'n sa telepono.
"Don't cry, Mads. I understand. We'll see each other soon, okay?"
"Okay," humihikbi kong sagot.
"Just lay off of your phone for now. I'm sure Kuya Darwin will fix everything."
Gaya ng sinabi ni Fannie ay ginawa nga ni Darwin ang lahat. Ngunit hindi ko alam kung bakit hindi maubos-ubos ang nag-u-upload ng mga video namin ni Denver sa TikTok, sa Twitter, sa Facebook, at kung saan-saan pa. May iilan pa nga na gumawa ng meme gamit ang mukha ko.
Nakarinig ako ng tatlong katok sa pinto bago iyon tuluyang bumukas at pumasok si Mama.
Mama.
Hindi pa rin ako sanay na tawagin siyang gano'n, samantalang siya naman ay tila nakagawian nang tawagin akong Anak nitong mga nakalipas na linggo.
"Anak," nakangiting bati niya. "Nagluto ako ng ginataang kalabasa, sabi ni Darwin ay paborito mo raw."
Umupo ako sa kama at saka hinintay siyang lumapit sa akin.
May bitbit siyang tray na may isang plato ng kanin, isang bowl ng mainit na ginataan, isang mangkok ng prutas, at isang baso ng apple juice.
"Salamat, Ma," bulong ko.
Ganito pala ang pakiramdam ng may nanay na nag-aalaga sa iyo. Bente-singko na ako pero ngayon ko lang naranasan na hatiran ng pagkain dahil masama ang pakiramdam ko.
Ang suwerte ni Nami at ito ang nakagisnan niyang pamilya, pero nagpapasalamat pa rin ako sa ginawang pag-ampon sa akin ng kinilala kong tatay dahil kung hindi ay hindi ko makikilala ang mga kapatid ko.
Grade 7 na si Max, at grade 3 naman si Macoy. Kahit hindi kami nagkikita ay madalas naman kaming magkausap sa Facetime. Sa Canada na kasi sila nakatira ngayon mula no'ng tuluyang nang nalugi ang kumpanya ng mga magulang namin at nag-migrate sila ro'n.
Miss na miss ko na sila, ngunit sigurado naman ako na balang-araw ay magkikita kaming muli gaya na lang ng nangyari ngayon sa akin at sa tunay kong pamilya.
Habang kumakain ay tahimik lang akong pinapanood ni Mama habang sinusuklay niya ang buhok ko.
"Nabalitaan ko iyong... paghihiwalay ng kapatid mo at ni Denver." Bakas ang sakit sa pananalita niya. Syempre, anak niya si Nami. Mas matagal niyang itinuring na anak si Nami kaysa sa akin, kaya nasasaktan siya ngayong nasasaktan din ito. "Kung may katotohanan man... na may relasyon na kayo ngayon ni Denver—"
