Prologue

426 9 0
                                        

          "MAMA, ano may nagustuhan ka na?" tanong ni Dani habang nasa department store sila.

"Naku, ikaw na bata ka. Sana ipunin mo na lang 'yong pera mo," sagot ng ina.

Napapalatak si Dani saka marahan umiling. "Mama talaga oh, minsan lang ako magpaka-generous, bukas kuripot na naman ang peg ko kaya samantalahin mo na. Besides mother dear, malaki naging commission ko sa huling libro ko na na-release. Kaya ano ba naman 'yong minsan ay mag-enjoy tayo. Noong bata pa ako, laging ikaw ang gumagastos para sa akin. Ngayon malaki na ako, ako naman ang gagawa niyon para sa'yo," mahabang sagot niya.

Nagtaka si Dani ng bigla siyang yakapin ng Mama niya.

"Ma, ang daming tao nakakahiya naman. Dito pa tayo nagpapaka-sweet sa department store," biro na naman niya.

"Ang anak ko, dalaga ka na nga. Akala ko minsan, baby ka pa," sabi pa nito.

Lumayo siya sa ina saka umakbay.

"Mama naman, baby ka diyan! Puwede na nga akong magka-baby eh," sagot niya.

"Aray!" bigla niyang daing matapos siyang kurutin sa singit.

"Ikaw na bata ka, aminin mo, may boyfriend ka na?"

"Mother! Paano ako magkaka-boyfriend, eh nakita mo ng sa loob ng apat na sulok ng bahay natin umiikot ang buhay ko. Wala akong madalas kasama kundi si Luisa," depensa niya.

Mayamaya ay natawa ang Mama niya. "Sabagay, mas mabuti nga na magka-boyfriend ka na, anak. Para kapag nawala ako, may mag-aalaga sa'yo at hindi ka mag-iisa," sagot ng Mama niya.

Kunot-noo siyang napalingon dito.

"Oh, saan naman galing 'yon?"

Bahagya itong lumayo at humarap sa kanya, pagkatapos ay hinawakan ng mahigpit ang mga kamay niya.

"Basta, tandaan mo 'yong mga bilin ko sa'yo. Maging matatag ka, hindi habang buhay ay kasama mo ako. Balang araw, may darating na magmamahal at mag-aalaga sa'yo. Mahalin mo siya gaya ng kung paano mo kita minahal," sabi pa nito.

Bigla niyang binawi ang kamay mula sa ina, saka sunud-sunod na umiling.

"Mama, nakakatakot 'yang mga iniisip mo! Alam ko na, mamaya na tayo mag-shopping! Gutom lang 'yan, kumain muna tayo," sa halip ay sagot niya saka ito hinila palabas ng department store.

"Ikaw talaga, kung anu-ano na naman ang sinasabi mo. Kinikilabutan ako," sabi pa niya.

Tumawa lang ito saka umiling. Habang naglalakad papunta sa bagong restaurant na na-discover niya sa internet. Biglang huminto ang Mama niya at pinagmasdan ang mag-ina na nadaanan nila. Nilukob ng awa ang puso niya ng makitang bulag ang batang lalaki.

"Sigurado ako, kung maaari lang niyang ibigay sa anak ang kanyang mata. Ginawa na niya," sabi pa ng Mama niya.

"Nakakaawa naman 'yong bata, Ma," sagot niya.

"Kung ako ang nasa posisyon niya, ganun din ang gagawin ko. Ibibigay ko ang paningin ko sa'yo, bilang isang magulang, lahat ng kaya namin ibigay sa anak namin ay ibibigay namin," sabi pa nito.

Napangiti si Dani saka umabrisyete sa ina. "Halika na, Ma. Nagugutom na ako," yaya niya.

Pagpasok nila sa isang restaurant ay magiliw silang sinalubong ng mga waiters. Sa isang mesa sa gilid ng malaking glass wall sila pinapuwesto nito. Matapos nilang sabihin ang order ay agad na umalis ang waiter. Mayamaya ay may narinig siyang tunog na parang may nag-crack.

"Ano ba 'yon?" tanong pa niya.

Tumingala siya sa glass wall. Napakunot-noo siya makita ang malaking crack sa itaas na bahagi niyon. Tatawagin na sana niya ang waiter para sabihin ang nakita ng bigla siyang magulat sa sumunod na nangyari. Pumutok ang glass wall, dahilan para magulat lahat ng customers sa loob.

"Mama! Takbo! Mababagsakan tayo!" sigaw agad niya.

Ngunit hindi pa man din sila nakakatayo sa kinauupuan ay bumigay na ang glass wall at bumuhos sa kanila ang basag na salamin. Napasigaw si Dani ng matamaan ang mga mata niya ng mga bubog.

"Mama!" umiiiyak na sigaw niya.

Dahil sa hapdi ng mga mata, hindi niya makuhang idilat ang mga iyon at napahiga na lang siya sa semento. Ang tanging naririnig na lang niya ay ang mga nagkakagulong mga tao sa restaurant.

"Mama..." umiiyak na tawag niya.

Wala na siyang narinig pa mula sa kanyang ina, hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng malay.


NANG magising si Dani, sinubukan niyang dumilat ngunit ang maliit na liwanag na kanyang naaninag ay nawawala, hanggang sa tuluyan iyon napalitan ng dilim. Sa bawat paglipas ng minuto, tila lalo siyang nahihilo. Ramdam niya ang hapdi ang sakit sa buong katawan, parang marami siyang sugat.

"Ma... mama..." maihanang ungol ni Danielle.

Naramdaman niya na may humawak sa kanyang kamay, pagkatapos ay narinig ni Danielle ang boses ng matalik na kaibigan na si Luisa.

"Dani... lumaban ka... kaya mo 'yan! Nandito lang kami ni Nanay," umiiyak na sabi pa nito.

"Mama..." sa halip ay patuloy niya.

Hanggang sa unti-unti ay tuluyan nang siyang natalo ng panghihina. Pero bago tuluyan mawalan ulit ng malay, narinig pa niya ang mahabang tunog mula sa kung saan. Kasunod ng isang tinig ng lalaking nagsalita.

"Time of death, six fifteen in the evening..."

The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An AngelWhere stories live. Discover now