Chapter 11

79 8 0
                                        

"MALAPIT NA ba ang langit dito?" tanong ni Dani habang nakatingala at pinagmamasdan ang agaw-dilim na kalangitan.

"Hmmm... hindi..." sagot ni Gabriel.

"Kung ganoon, gaano kalayo?" tanong na naman niya habang nakaupo sa damuhan at patuloy na nakamasid sa kalawakan ng ulap. Bumuntong-hininga ang binata saka tumingala rin.

"Hindi maaabot ng kaisipan mo ang layo ng kalangitan," sagot nito.

"Hindi mo ba ako puwedeng dalhin doon ngayon?"

"Pasensiya ka na, pero walang sino man tao ang nakakapasok sa langit," sagot ni Gabriel.

Bumuntong-hininga siya.

"Alam ko naman 'yon eh, nagbabaka-sakaling lang. Nami-miss ko na kasi si Mama, gusto ko siyang makita kahit sandali lang," sagot niya.

"Huwag kang mag-alala, magkikita rin kayo," aniya.

Hindi na siya sumagot. Sa halip ay nanatili lang siyang nakatingala, para mas lalong matingnan ng maayos iyon ay nahiga siya damuhan, pagkatapos ay inangat ang dalawang braso niya na tila pilit na inaabot ang langit.

"Parang ang lapit ko sa langit ngayon," sabi pa niya.

Napatingin siya kay Gabriel ng mawala ang pakpak nito, pagkatapos ay nahiga ito sa tabi niya at tumingin din sa kalangitan.

"Gabriel,"

"Hmm?"

"Ano bang itsura ng langit?" tanong niya, sabay lingon dito.

Bumuntong-hininga ito, saka ngumiti.

"Isang lugar kung saan wala kang mararamdaman na kalungkutan, puro saya. Hindi mo na gugustuhin pang umalis doon. Mas maganda pa sa iniisip mo ang langit, doon mo na yata makikita ang pinakamagandang hardin na makikita mo. Maririnig mo ang maganda at malamyos na tinig ng mga anghel na nagpupuri sa ating Panginoon. Ang langit ay isang napakagandang paraiso," sagot ni Gabriel.

Marahan siyang natawa. "Mukha ngang maganda doon," aniya.

"Kung mamamatay ako at sa langit ako mapupunta. Gusto ko si Mama ang sasalubong sa akin," sabi pa ni Dani.

"Ikaw talaga, kung anu-ano ang naiisip mo."

"Pasensiya ka na, nagiging sentimental lang talaga ako kapag naaalala ko si Mama. Noong nawala siya, ang dami kong gustong itanong sa kanya. Una, kung bakit niya ako iniwan sa isang iglap? Pangalawa, gusto kong malaman ang tungkol sa mga mata niya. Kung may kinalaman ba siya kung bakit ako nakakakita ng mga anghel," sabi pa niya.

Bumuntong-hininga siya pagkatapos ay tumayo ng hindi inaalis ang mga mata niya doon.

"Nakatingin kaya si Mama sa akin ngayon?" tanong pa niya saka sumulyap kay Gabriel.

"Hindi ako lang alam, pero sigurado ako na ang Big Boss ko sa langit nakikita at naririnig ka," sagot nito saka tumayo.

"Mama! I miss you, Mama!" sigaw ni Dani.

"Lord! Pakisabi naman po sa Mama ko miss na miss ko na siya!" dagdag pa niya.

"Lord, ayoko na pong mag-isa ulit. Natatakot na ako," dugtong niya sa isipan.

Hanggang sa naramdaman ni Dani na nangilid ang luha sa mga mata niya. Mabilis siyang tumalikod para hindi makita iyon ni Gabriel.

"Nagugutom na ako, saka medyo malamig na dito. Okay lang ba—"

Hindi naituloy ni Dani ang sinasabi nang mula sa likod ay niyakap siya ni Gabriel. Natigilan siya, kasabay ng malakas na pagkabog ng kanyang dibdib.

The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An AngelWhere stories live. Discover now