PAGDILAT ng mga mata ni Dani ng umagang iyon. Agad na gumuhit ang matamis na ngiti sa kanyang labi matapos maalala ang nangyari sa pagitan nila ni Gabriel. Ang halik na nagbigay sa kanya ng balde-baldeng inspirasyon.
Matapos ang halik na iyon ay walang nagsalita sa kanilang dalawa. Nagpatuloy lang sila sa pagkain pagkatapos ay nagkailangan na. Nakakatawa kung iisipin, matapos tumugon sa halik ng isa't isa ay saka sila nahiya. Bakit nga ba hindi? That date was supposed to be for the sake of her book, pero mukhang naging totohan ang date na iyon. Pagbangon niya sa kama ay huminga siya ng malalim bago nagdasal.
"Lord, ano po ba itong nararamdaman ko para sa anghel na pinadala N'yo? Hindi ko alam kung tama na bumibilis ang tibok ng puso ko para sa kanya, kung mali ito, puwede po bang pakitanggal ang kaba na ito?" panalangin niya.
Matapos magdasal ay saka siya bumaba ng kama at nagbihis. Palabas na siya ng kuwarto ng bigla niyang maalala ang ginawa kanina lang. Did she just pray? Napasandal siya sa likod ng pinto saka napapikit at ngumiti. Dahil sa galit niya sa mundo, aaminin niya, she intentionally stopped praying. Iyon marahil ang isa sa dahilan ng Diyos kung bakit Niya pinadala sa kanya si Gabriel. Para matuto siyang lumapit ulit at muling magdasal. Hindi siya makapaniwala, ang una laman ng dasal niya makalipas ang mahabang panahon ay si Gabriel.
"Sorry po kung nagalit ako sa Inyo. Sorry po kung kinuwesityon Kita. Alam ko naman po na naiintindihan N'yo ang pinagdaanan ko noon. Ngayon, naliliwanagan na ako kung bakit nawala si Mama. Salamat po sa pagpapadala kay Gabriel," lihim niyang dalangin ulit.
Bago siya lumabas ng kuwarto ay muli siyang huminga ng malalim at hinanda ang sarili sa pagharap niya kay Gabriel. Ngunit paglabas niya ay wala doon ang binata, napakunot-noo siya saka agad na sinilip ito sa bakuran pero wala rin ito doon.
"Nasaan na kaya iyon?" tanong pa ni Dani.
Paglingon niya sa mesa, napangiti siya ng makitang may pagkain na roon gaya ng palagi nitong nakagawian.
"Nasa galaan na naman siguro 'yong anghel na iyon," sabi pa niya saka kumain ng umagahan.
Matapos ang mga gawain sa bahay ay agad niyang hinarap ang nobela niya. Hindi mawala ang ngiti ni Dani habang inaalala ang nangyaring kakaibang date nila ni Gabriel. Hindi lang ang pangyayari, maging ang naramdaman niya ay malinaw pa rin sa kanyang isipan. Sa katunayan, hanggang sa mga sandaling iyon ay walang pinagbago sa kanyang damdamin, mabilis pa rin ang pintig ng kanyang puso at hindi mawala ang hindi maipaliwanag na klase ng saya doon.
Sa paglipas ng mga oras, nalibang ng husto si Dani sa pagta-type sa laptop niya. Nagulat pa siya dahil pagsulyap niya sa suot na relo ay lagpas tanghalian na, at wala pa rin si Gabriel doon.
"Nasaan na kaya iyon? Baka mamaya iniwan na ako ng lokong iyon. Pagkatapos ng lahat? Subukan lang niya," may bahid ng pag-aalala na tanong niya saka tumayo.
Bahagya siyang napaigik ng biglang maramdaman ang pananakit ng lower back niya. Agad niyang inunat ang katawan, bago biglang pumaling sa kanan niya, napasigaw ng malakas si Dani sa gulat ng pagharap ay naroon nakatayo si Gabriel malapit sa kanya. Napaatras siya ng wala sa oras at sumabit ang isang paa niya sa paa ng silya kaya nawalan siya ng balanse.
Ngunit mabilis siyang naalalayan ni Gabriel at hinawakan siya nito sa beywang sabay hapit sa kanya palapit dito. Natigilan si Dani ng magsalubong ang mga tingin nila. Ang kaba na hindi siya nilulubayan kagabi pa ay mas lalong lumala matapos niyang muling makita ng malapitan ang mga mata nito.
"Nandito lang ako sa tabi mo, hindi muna ako nagpakita sa'yo, alam ko kasi na kailangan mong mapag-isa para matapos ang libro mo," sagot nito habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya.

BINABASA MO ANG
The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An Angel
Fantasy"Sapat ng patunay na bumalik ka mula sa langit para ipagpatuloy ang buhay kasama ako." Teaser: Ako si Gabriel, ang anghel na may taglay na kapangyarihan para magpagaling. Minsan sa buhay ko, naranasan ko ng umibig sa isang kaibigan kong anghel. Pe...