Chapter 3

102 9 0
                                        

GUSTONG maiyak ni Dani matapos niyang makita ang laman ng bank book niya. Napayuko na lang siya sa ibabaw ng mesa saka ginulong-gulong ang noo niya doon.

"Dani... dani... ano ba? Bakit ba hindi makapagsulat? Malapit ka ng mamalimos sa kalye!" sermon niya sa sarili.

Pero nawala bigla sa pera ang isip niya ng maalala ang nangyari kagabi. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala. May anghel na dumating doon sa bahay niya. Tandang-tanda pa niya ang mga nangyari.

Abala siya sa pagsusulat ng libro niya, nang may kakaiba siyang naramdaman na parang hindi siya nag-iisa doon. Tumayo siya saka sumilip sa bintana, nanlaki ang mga mata ni Dani ng makita kung paano parang magic na nabuhay ang mga halaman niya sa bakuran. Kitang-kita rin niya kung paano tumubo ang mga bulaklak sa isang iglap lang, maging ang puno doon sa bakuran niya ay biglang nahitik sa bunga. Samantalang halos patay na rin iyon, ang mga damo sa paligid ay muling naging berde. Tinapik pa niya ang magkabilang pisngi at kinusot ang mga mata. Baka mamaya ay dala lang ng antok kaya kung anu-ano ang nakikita niya, pero pagtingin niya ay totoong gumanda ang bakuran niya kaya nagdesisyon na siyang lumabas.

Pagbukas niya ng pinto, bumungad sa kanyang harapan ang anghel na naroon sa kanyang bakuran habang hawak nito ang halaman. Nanlaki ang mga mata niya ng tumingin ito sa kanya at magtama ang paningin nila. Agad siyang umiwas ng tingin at nagpanggap na hindi ito nakita. Pero ang mas nakakaiyak sa mga nangyari ay nakita ng anghel na iyon ang katawan niya. Kung bakit ba naman kasi pumasok ito doon sa banyo?!

"Nakakainis naman eh!" maktol na naman niya.

Napapitlag siya sa gulat ng biglang may kumalabit sa kanya kaya napaangat ang ulo niya ng wala sa oras. Pagtingin ay nakita ni Dani na ang best friend pala niya iyon, si Luisa.

"Huy, nababaliw ka na ba?" tanong pa nito saka naupo sa kabilang bakanteng silya.

"Malapit na," sagot niya saka muling niyuko ang ulo sa mesa.

"Ano bang problema mo?"

"Pera, marami..."

"Ah, akala ko naman kung ano na," tila balewalang komento nito.

Muli niyang inangat ang ulo saka kunot-noong tiningnan ang kaibigan.

"Anong akala mo kung ano na? Hindi mo ba naintindihan? Malapit nang maubos ang savings ko! Oh?" giit niya saka pinakita ang bank book niya.

Bumuntong-hininga ito matapos tiningnan ang inabot niya.

"Dani! Magpasalamat ka kasi meron pa, 'yong iba nga riyan kahit piso wala. Ikaw meron pa naman, ano ka ba?! Malayo pa mararating n'yan, makakakain ka pa naman! Saka bakit hindi ka magsulat na lang ulit," sermon nito sa kanya.

"Iyon nga ang masaklap eh... gusto kong magsulat... pero... distracted talaga ako!" mangiyak-ngiyak na sabi niya.

Dani is a writer, a novel-writer to be exact. Isa siya sa biniyayaan ng talento sa pagsusulat ng mga cheesy love stories. Bata pa lang siya ay nakamulatan na niya ang kahiligan sa pagbabasa, noong medyo lumaki na siya ay naging paborito niya ang pagsagot ng mga essays, hanggang sa nagkaroon siya ng hilig sa pagsusulat sa diary. Seventeen years old si Dani, ang simpleng pagsusulat sa mga diary nakasanayan na niya ay napunta sa pagsusulat ng libro sa kauna-unahang pagkakataon. Matapos silang mabaliw ni Luisa sa isang American boy group. Dahil doon, naisipan niyang gawan ng kuwento ang grupo. Simula noon ay hindi na natalikuran ni Dani ang pagsusulat pa at naging libangan na niya. Sa paglipas ng panahon ay nakapagsulat siya ng mga nobela na iniipon lang niya sa loob ng kuwarto niya.

The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An AngelWhere stories live. Discover now