Chapter 7

78 8 0
                                        

HALOS ALAS-tres na ng madaling nang matapos si Dani sa pagsusulat. Matapos niyang marinig ang kuwento ni Michael at Lilianne mula mismo sa dalawa ay sobrang nainspired siya. Tama si Gabriel, maganda nga isulat ang love story ng mga ito. Kaya dahil sa magandang takbo ng inspirasyon sa isipan ni Dani, apat na chapters yata ang natapos niya buong maghapon.

Pagmulat ng mga mata niya, agad na sinulyapan ni Dani ang alarm clock sa bedside table. Alas-diyes y medya na, inaantok pa siya pero kailangan na niyang bumangon dahil marami pa siyang gagawin doon sa bahay. Nag-inat muna siya bago tuluyan nagbihis ng damit pambahay saka lumabas ng kuwarto. Pero bigla siyang natigilan ng makitang malinis ang buong bahay. Bukod doon, nakatupi na sa sofa ang mga damit niya, agad nilapitan ni Dani ang mga iyon saka inamoy. Malinis na ang mga ito. Sa mesa naman ay may nakahandang mga pagkain. Wala sa loob na napangiti siya, isa lang naman ang alam niyang maaring gumawa niyon.

"Gabriel," bulong niya.

Napalingon siya sa may bintana ng marinig ang tawa ng mga bata maging ang tunog ng tawa ni Gabriel. Tumayo siya saka tinungo ang bintana saka doon sumilip. Eksakto naman na tumingin doon ang binata na tila alam na sisilip siya. Nakasampa ito sa isang mahabang kahoy na hagdan na nakasandal sa may puno ng manga at binibigyan ng bunga ang mga bata. Sabagay, hindi na siya nagtataka, malakas ang pakiramdam nito. Napangiti si Dani ng makitang tuwang-tuwa ang mga bata.

"Yehey! Salamat po Kuya Gabriel," wika ng isang batang babae.

"Walang anuman. Tandaan n'yo ang sinabi ko ha? Masama ang kumukuha ng walang paalam ng may-ari. Sa susunod, tatawagin n'yo ang Ate Dani n'yo o kaya ako kung gusto n'yo pa," sagot ni Gabriel.

"Opo!" sagot din ng mga bata.

"Sige na, umuwi na kayo," ani Gabriel, saka nakangiting sinundan ng tingin ang mga batang tumatakbong palayo bitbit ang manga na bigay nito.

Pababa na ito nang may mga bumati naman ilang kalalakihan dito.

"Oy Gabriel, kumusta?"

"Magandang umaga po," bati naman nito.

"Hi Gabriel," bati naman ng ilang kababaihan na dumaan din.

Nakangiting kumaway lang ang binata bilang sagot. Mayamaya ay pumasok na ito sa loob ng bahay.

"Mukhang marami ka nang kaibigan dito sa lugar namin ah," salubong niya dito.

Nagkibit-balikat lang ito.

"Medyo," sagot nito.

"Anong sinasabi mo kapag tinatanong nila kung magkaano-ano tayo?"

"Eh di ginaya ko lang 'yong sinabi mo dati. Ninang ko 'yong Mama mo at nagbabakasyon ako dito saka hardinero mo," sagot nito.

Natawa si Dani. "Buti walang nag-uusisang tsismosa?" tanong na naman niya.

"Sa totoo lang, meron. Akala nila boyfriend mo ako, pero hindi na lang ako sumasagot," sagot nito.

"Good. Huwag mo silang pansinin," sang-ayon niya.

"Kumain ka na," pag-iiba ni Gabriel sa usapan.

"Oo nga pala, bakit mo ginawa 'yong mga dapat gagawin ko? Napagod ka pa tuloy," wika niya.

Marahan natawa si Gabriel. "Malakas kaming mga anghel, hindi kami basta napapagod. Hindi kami nasasaktan. Malakas ang kapangyarihan namin, kaya huwag mong isipin 'yon. Gusto ko lang mabawasan ang gagawin mo dahil alam kong pagod ka sa pagsusulat kahapon," anito.

Napangiti siya. "Salamat," usal niya.

Napalingon si Dani sa labas ng bintana ng mula doon ay pumasok ang hangin kaya tinangay niyon ang buhok niya na tumabing sa kanyang mukha. Napangiti siya ng makita ang magandang panahon sa labas.

"Ang ganda ng panahon, ang ganda rin ng mga halaman sa labas. Salamat ha? Noong nabubuhay pa si Mama, ganyan din kaganda ang harap ng bahay," sabi pa niya sabay lingon muli kay Gabriel.

Napansin ni Dani na parang natigilan ito habang nakatitig lang sa kanya. Kunot-noong nilapitan niya ito habang tulala pa rin na sinundan lang siya nito ng tingin.

"Huy," untag niya sabay kalabit sa braso nito.

"Okay ka lang ba?" tanong pa niya.

Napakurap si Gabriel. "H-ha? Ah wala..." sagot nito sabay iwas ng tingin sa

kanya.

"Sandali lang ha? Aalis muna ako," biglang paalam ni Gabriel saka biglang naglaho sa kanyang harapan.

Napakunot-noo si Dani saka napapakamot sa batok dahil sa pagtataka.

"Anong nangyari doon?" tanong pa niya.



MULA SA bahay ni Dani, napunta si Gabriel sa ibabaw ng makapal na mga ulap. Nagpalutang-lutang siya roon, wala sa loob na napahawak siya sa tapat ng dibdib. Malakas ang kabog niyon at tila ayaw bumalik sa normal. Muling bumalik sa alaala niya ang nakangiting mukha ng dalaga, partikular na ang mga ngiti nito. Napaupo sa ulap si Gabriel nang bumilis lalo ang pintig ng puso niya.

Huminga siya ng malalim saka pilit na pinakalma ang hindi maipaliwanag na gumugulo sa damdamin. Nagulat pa siya ng biglang sumulpot sa harap niya ang kanyang Supremo.

"Ang lalim yata ng iniisip mo para magulat ka sa pagdating ko. May problema ba?"

Tumikihim si Gabriel. "Wala po, Supremo," sagot ni Gabriel.

"Nakikita ko ang unti-unting pagbabago ni Dani, tama ang ginawa ko na pinababa kita sa lupa para gabayan siya. Sa mga susunod na araw, sana ay matutunan na ulit niyang magdasal," wika nito.

"Huwag po kayong mag-aalala, Supremo. Ako po ang bahala," sagot niya.

"Gabriel, siguraduhin mo na magiging masaya si Dani. Gusto ko na lahat ng makakapasaya sa kanya, kung kaya mo at kung para sa ikabubuti niya ay ibigay mo. Gusto kong maging masaya ang pagtira niya sa lupa," bilin pa nito.

"Masusunod po," sagot niya.

"Maraming Salamat," wika nito.

"Pero Supremo, puwede ko po bang malaman? Bakit parang iba ang espesyal masyado si Dani sa inyo?" nagtatakang tanong niya.

Imbes na sumagot ay bigla na lang itong nawala sa kanyang harapan. Napailing na lang si Gabriel.

"Si Supremo talaga oh, masyadong malihim," sabi pa niya.

Napalingon pababa si Gabriel ng marinig niya sa kanyang isipan si Dani.

"Saan kaya nagpunta 'yong lalaking 'yon?" narinig niyang tanong ng dalaga.

"Babalik pa kaya siya? Siguro naman, lagot sa akin ang Gabriel na 'yon kapag hindi na siya nagpakita! Kapag na-tsugi ako, guguluhin ko mundo niya doon sa langit," sabi pa nito.

Narinig niyang bumuntong-hininga si Dani. "Kahit kailan lang siya dumating, nakaka-miss din pala kapag hindi ko nakikita ang makulit na anghel na 'yon,"

Napangiti si Gabriel, mukhang kailangan na niyang bumalik dahil may isang dalagang naghihintay sa kanya. 

The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An AngelDove le storie prendono vita. Scoprilo ora