One year later...
NAKANGITI si Dani habang nakaunan sa hita ng Mama niya. Napapikit siyang haplusin nito ang buhok niya.
"Anak, masaya ka ba dito sa langit?" tanong pa nito.
Bumangon siya saka nakangiti pa rin na tumingin sa ina. "Oo naman po," sagot niya, pero mayamaya ay napaisip siya.
"May mga pagkakataon kasi na nakikita kitang malalim ang iniisip," wika nito.
"Ah, iyon ba? Wala lang, para kasing may nakikita ako sa isip ko na hindi malinaw. Ewan ko ba," sagot niya.
Natigilan ito, napalingon silang mag-ina ng dumating ang kanyang ama.
"Ama," bati niya saka sinalubong ito.
"Kumusta ka na, anak?"
"Okay lang po," sagot niya.
"Bakit parang seryoso ang pinag-uusapan n'yo?" tanong ng Supremo.
"Pinag-uusapan lang po namin ni Mama 'yong nangyayari sa akin nitong mga nakaraan araw. Para kasing may nakikita akong eksena sa isip ko, pero malabo, hindi ko alam," sagot niya.
"Sa panaginip mo nakikita?" tanong ulit ng ama.
"Minsan sa panaginip, minsan bigla ko na lang siyang naalala," naguguluhan wika niya.
Hindi na sumagot ang ama. Sa halip ay tila napaisip ito.
"Paano po ba ako naging anghel? Bakit ako namatay? Bakit pakiramdam ko may kulang sa alaala ko?" sunud-sunod na tanong niya.
"Talaga bang wala kang matandaan?" sa halip ay tanong din ng Mama niya.
"Wala po eh, basta ang alam ko, namalayan ko na lang na parang ang gaan ng pakiramdam ko. Pero sa loob ko, parang may mabigat sa puso ko. Parang gusto kong umalis pero gusto ko rin magpaiwan sa lupa. Tapos namalayan ko na lang din na anghel na ako," sagot niya.
"Hayaan mo, babalik rin lahat ng alaala mo sa tamang panahon," sabi pa ng kanyang ama.
"Eh misyon? Hindi n'yo pa ba ako bibigyan ng misyon?" tanong pa niya.
Natawa si Supremo. "Darating ka din diyan anak, kung para ka dito ka sa langit, bibigyan kita agad ng misyon," sagot nito.
"Ah sige po," sabi niya saka naglakad palayo.
"Saan ka pupunta?" tanong ng Mama niya.
"Mamamasyal lang po," sagot ni Dani.
Lumipad si Dani sa ibabaw ng mga ulap. Napakunot noo siya ng may matanaw bundok. Tila iyon ang pinakamataas na parte niyon, sa gilid niyon siya bumaba at tumanaw sa malawak na mga ulap. Pinagmasdan niya ang magandang papalubog na araw. Napangiti siya saka lumanghap ng sariwang hangin. Pero mayamaya ay natigilan si Dani ng may biglang maisip. Pakiramdam niya kasi ay pamilyar sa kanya ang lugar na iyon. Ilang sandali pa ang ang nakakalipas, isang tinig ng lalaki ang narinig niya sa kanyang isipan.
"Mag-iisang taon na simula ng mawala ka, hanggang ngayon, wala pa rin nagbago. Mahal na mahal pa rin kita, miss na miss na kita, kahit sa panaginip man lang sana makita kita," sabi nito.
Napahawak si Dani sa tapat ng puso niya ng biglang bumilis ang pintig niyon.
"Sino ang lalaking 'yon? Iyong boses niya, bakit parang pamilyar din?" tanong niya.

YOU ARE READING
The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An Angel
Fantasy"Sapat ng patunay na bumalik ka mula sa langit para ipagpatuloy ang buhay kasama ako." Teaser: Ako si Gabriel, ang anghel na may taglay na kapangyarihan para magpagaling. Minsan sa buhay ko, naranasan ko ng umibig sa isang kaibigan kong anghel. Pe...