Chapter 4

111 8 0
                                        

HINDI pinansin ni Dani ang anghel saka nagmamadaling binuksan ang pinto, pero hindi pa siya nakakalabas ng kuwarto ay naroon agad ito sa tapat at nakaharang sa daanan niya.

"Paano nangyari na nakikita mo ako?" tanong pa nito.

"Huwag kang sasagot, Dani. Magkunwari kang hindi mo siya nakikita," giit niya sa isipan.

"Alam kong nakikita mo ako, at naririnig ko rin ang sinasabi mo sa isip mo. Kaya tigilan mo na ang pagkukunwaring hindi mo ako nakikita," sagot nito.

Napapikit ng mariin si Dani, sukol na siya at wala nang magagawa kundi ang harapin ito. Malakas pa rin ang kabog sa dibdib na sinalubong niya ang tingin ng anghel.

"Ano bang kailangan mo sa akin?" ninenerbiyos na tanong niya.

Nagkibit-balikat ang anghel saka humalukipkip.

"Hindi ko rin alam, basta sumunod lang ako sa sinabi ng pinuno ko sa langit. Pinababa ako dito para gabayan ka," sagot ng anghel.

"Gabayan?" naguguluhan tanong niya.

"Oo, gabayan. Alam ko na ang nangyari sa buhay mo, nandito ako para tulungan ka," anito.

Nagsalubong ang kilay ni Dani.

"Umalis ka na, sabihin mo sa pinuno mo hindi ko kailangan ng gabay. Hindi ko kailangan ang tulong ng kahit na sino. Kaya ko ang sarili ko," seryosong wika niya.

Sunod-sunod itong pumalatak. "Para mo na rin sinabi na hindi mo kailangan ng Diyos sa buhay mo," sabi nito.

Hindi nakakibo si Dani, sa halip ay mabilis siyang umiwas ng tingin.

"Napag-aralan ko na ang buhay mo, Dani. Simula ng mawala ang Mama mo, hindi ka na nagdasal ulit at kinuwestiyon mo Siya kung bakit Niya kinuha ang Mama mo at kung bakit kailangan mong mabulag noon," anang anghel.

Nang hindi napigilan ay umagos ang luha mula sa kanyang mga mata. "Masisisi mo ba ako?" puno ng hinanakit na sagot niya saka deretsong lumabas ng kuwarto.

Tumagos pa siya sa katawan ng anghel saka naupo sa sofa, lalo siyang napaiyak ng makita ang picture ina sa picture frame na nakadisplay doon sa sala.

"Mama..." umiiyak na bulong niya.

"Hindi ko alam kung gaano kasakit para sa'yo ng mawala ang Mama mo, Dani. Pero hindi maibabalik ng galit at paninisi mo sa Panginoon ang buhay niya. Nawala ang Mama mo dahil iyon na ang tamang oras para makaharap niya ang Panginoon. Lahat ng nangyayari dito sa mundo ay may dahilan at matagal ng nakatakda. Akala lang madalas ng mga tao ay biglaan, pero tanging Siya lang ang nakakaalam ng lahat," payo ng anghel sa kanya.

Naupo ito sa tabi niya. Lumingon si Dani dito at sinalubong siya ng maaliwas nitong ngiti.

"Hindi madaling tanggapin na wala na si Mama. Siya lang ang pamilya ko, wala akong ibang aasahan. Mag-isa na lang ako. Alam mo ba ang ibig sabihin no'n? Ayokong mag-isa!" umiiyak na wika niya.

"Kaya nga ako pinababa dito eh, para samahan ka hanggang sa makaya mo na ang sarili mo. Pero habang hindi pa, makakaasa ka na nandito lang ako," sabi pa ng anghel.

Hindi maintindihan ni Dani kung bakit nagawa nitong ipanatag ang puso niya sa mga salita nito. Pinunasan niya ang luha saka bahagyang humarap dito.

"Ako nga pala si..."

"Dani, tama?"

"That's short for Danielle Joyce," sagot niya.

The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An AngelWhere stories live. Discover now